Magandang araw!
Dahil pumatok ang unang edisyon ng patimpalak na
Pagbibigay-Payo sa Pag-ibig, muli po namin itong inihahandog sa inyo.
Pero sa pagkakataong ito, hindi para sa suliranin sa pag-ibig
ang payo na kailangang isulat. This time, para naman sa suliranin sa pamilya.
Alam naman natin na hindi lang pag-ibig ang nagpapakunot sa
ating noo, ang nagpapa-wrinkles sa ating mukha o nagpapakirot sa ating mga
puso, maging ang pamilya natin, kayang-kayang gawin iyan! Unfortunately.
Paano ka nga naman mapapakali kung ang taong dapat mong
kausapin tungkol sa bumabagabag sa iyo ay iyon mismong nagdudulot ng bagabag?!
Naku. Ano, ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon?
Ang sagot diyan ay puwede mo nang isali bilang entry sa isa
sa mga patimpalak na handog ng Saranggola Blog Awards ngayong 2016: ang Nuno sa
Puso Advice Writing Contest!
Heto ang mechanics:
1.
Magsulat ng isang problema tungkol sa pamilya.
2.
Magsulat ng payo para sa naisip mong problema
tungkol sa pamilya.
3.
Bahala ka sa estilo at diskarte. Puwedeng totoo
ang problema, kung batay ito sa iyong buhay o sa buhay ng kapamilya o kaibigan,
puwede rin.
4.
Hanggang 2,500 lang ang word count ng
pinagsamang problema at payo.
5.
Wikang Filipino ang gagamitin.
6.
Puwedeng pambata, puwedeng pangmatanda at
puwedeng may "patnubay ng magulang ay kailangan" sa isusulat na
problema at payo.
7.
Problema at payo, hindi kuwento. Magkaiba ‘yan.
8.
Para ito sa mga Pinoy na labing-apat (14) na
taong gulang pataas.
9.
Ang copyright ng lahat ng entry at winning entry
ay mananatili sa kumatha. Dapat lang! At dahil copyright advocate ang mga nasa
likod ng patimpalak natin. Eks di!
Paano sumali?
1. Isulat ito sa iyong blog. Kahit bagong gawang blog ay
puwedeng isali rito.
2. Mag-comment sa baba at ilagay ang link ng iyong isinulat.
3. Siguraduhing ikaw ang gumawa ng entry at hindi ito
kinopya lang. Tandaan: ang mga kopyador ay isusumpa ng mga taga-SBA forever!
4. Sa baba ng iyong isinulat, ilagay ang link ng Saranggola
Blog Awards (www.sba.ph).
5. I-share mo ang blog mo sa Facebook, Twitter at ipa pang
social media.
6. Hindi ito paramihan ng likes at share. Kailangan mo lang
itong i-share dahil ‘yon ang silbi ng payo, di ba, ang makaabot sa iba at hindi
para amagin lang sa blog mo :)
Sali na!
Ano ang premyo?
1. Ang mapipiling pinakamahusay na problema at payo ay
kikilalaning "the next Charo Santos-Concio at maghohost ng Maalaala Mo
Kaya. Siyempre, recycled joke ‘to. Nagamit na namin ito sa… unang edisyon ng
ating patimpalak, haha!
2. Ang totoong premyo ay P2,000, yes, cash, at isang set ng
Nuno sa Puso books ni Beverly Siy. Siyempre, may dedication ‘yan. Bale, 2,500
din ang word count ng dedication, haha. Joke!
Ang hurado ay si Beverly Siy pa rin, wala kang kawala, sori.
Bakit? Siya ang makabagong diwata ng pamilya. At pag-ibig! Siya rin kasi ang
nag-rewrite ng deskripsiyon na ito, aha!
Wala (pa rin) siyang doctorate sa psychology at wala ring
expertise sa love and family, ni hindi nga siya marriage counselor.
Pero…
marami na siyang naranasan sa usaping pampamilya. Hindi
lahat ay naging maganda. Hindi perfect ang buhay niya, lalo na ang sarili
niyang nuclear family. Pero perfect siyang judge sa ating patimpalak dahil
sipsip siya, este, dahil hinigop niya ang lahat ng puwedeng matutuhan mula sa
pagiging anak, ate, kapatid, at ina sa sarili niyang pamilya. At nais niyang
maibahagi sa iba ang kanyang mga natutuhan.
Ano pa ba?
Two years na siyang kasal. Dalawa rin ang kanyang panganay.
(Huwat da ef!)
Mas makikilala siya sa kanyang mga isinulat na libro: ang It’s
a Mens World, It’s Raining Mens at Nuno sa Puso I and II.
Bukas ang patimpalak na ito mula ika-27 ng Pebrero hanggang
ika-27 ng Marso.
Ang awarding ay isasabay sa awarding ceremony ng Saranggola
Blog Awards 2016. Magaganap ito sa ikatlong Sabado ng Disyembre. Markahan na
ang inyong kalendaryo!
Ang patimpalak na ito ay handog nina Bernard Umali at
Beverly Siy. Him sa cash, her sa books.
Op kors, sali na!