RSS

Maikling Kwento - Finalist 5


Saranggola ni Pippin
blog : It's a small world after all


 
“Jopat!!!!”
Umalingawngaw ang hiyaw ni Pippin habang hila-hila siya ng Inay papalayo. May isang itim na oto ang nakaabang. Mahaba ito’t nakabukas pa ang bintana. Isang lalaking nakasalaming-pang-araw ang nakikita kong nakatitig kay Inay. Seryoso ang kanyang mukha.

Hinatak ng isang lalaking naka-asul na barong ang kapatid ko papasok ng itim na sasakyan. Halos mabalian siya ng braso sa kaladkad ng matipuno at maskuladong nilalang. Sa kanyang mga mata, kitang-kita ang kaitiman ng kanyang isipan. Isang pitik lang, alam kong kayang-kaya nyang patayin si Pippin.

Wala akong nagawa. Hila-hila rin ako ng aking Tatay-taytayan. Mahigpit ang kapit niya sa aking balikat. Hinahatak ako ni Itay na parang pangtindang karne sa palengke. Tila mga kalawit ang kanyang mga daliring bumabaon ng mariin sa aking balat. Ang mga sakong ko’y nababalutan na ng dumi ng lupa at putik sa iskwater’s area.

Nagsusumigaw at nagpupumiglas si Pippin. “Jopat! Jopaaaat!”. Humiyaw din ako. Isinisigaw ko ang pangalan ng bunsong kapatid ko. Nakatitig ang mga kapitbahay. Ngunit tila mga istatwang nakatutok lamang sila sa aming mumunting eksena.

“Papa?”

“Papa?”

“Honey?”

Isang malakas na tapik ang naramdaman ko sa aking likuran. Maaliwalas na kalangitan. Bahagyang malakas ang ihip ng hangin ngunit maaraw. Isang tinig ng batang lalaki ang bumasag sa aking katahimikan.

“Papa, lumilipad na ang ating saranggola!”

Napakahusay talaga ni Jobert, ang aking panganay na anak. Sa husay nyang magmanipula ng lubid, hindi kailanman kami natalo sa paligsahan ng saranggola tuwing pista.

Matapos ang kompetensya, dumiretso kami ng uwi. Naririnig ko pa ang tinig ng aking asawang si Marla na tuwang-tuwa kay Jobert. Ako naman, tulalang nagmamaneho. Sinasariwa ang araw na huli kong nakita si Pippin.

“Napansin ko kanina kapang tahimik at tulala,” sabi ni Marla habang hinahatak ang kumot upang ibalot sa aming dalawa. Gabi na pala. Hindi ko naramdaman ang oras na lumipas. “Pati anak mo, hindi mo nabigyan ng karapat-dapat na papuri.”

Madami pang sinabi si Marla. Ngunit ang tenga ko’y biglang nagsara. Ang naririnig ko lamang ay ang tinig ni Pipping sumisigaw at humihingi ng tulong na makaalpas sa sarili niyang ina. Kitang-kita ko sa mga mata nya ang takot at galit. Hawak-hawak ang saranggolang kanina lamang ay pinapalipad namin sa burol.

“Si Pippin,” sabi ni Marla. Alam naman ng asawa ko ang istorya ng kapatid ko. Pati siya nagulantang sa narinig niya. Magkasintahan palang kami noon ng ikinuwento ko sa kanya si Pippin. “Ano ba ang sabi ng doctor? May tino naba ang Inay?”

“Matino yun. Alam ko matino na siya. Sa mahigit sampung taon niyang pabalik-balik ng rehab at mental, matino na siya. Pero hindi niya parin sinasabi kung asan si Pippin.” Bago pa magsalita si Marla, hinalikan ko na siya sa noo at niyakap. Ayoko na pag-usapan pa. Gabi na.

Isang lalaking nakaputi ang bumati sa akin sa isang pintuang may rehas. May istetoskop pa sya nakasabit sa leeg at ang dalawa niyang kamay ay nakapaloob sa bulsa ng kanyang puting-puting uniporme. “Doctor Herbert Sunga,” sabay abot ng lalaking nakaputi ng kanyang kanang kamay. “Ako ang bagong head doctor dito sa mental hospital.”

Kasama ng isang nurse, tatlo kaming nagtungo paloob ng puting-puting pasilyo na may mga pintuan at kwarto. Sa isang pintong aking nasilip, nakita ko ang tumpok ng mga pasyenteng nakatitig sa isang 21-inch na TV. Lahat sila ay nakastraight jackets at pasensyahang pinapakain ng mga nars. Isang kwartong nadaanan naming ay parang sala lamang nila Mang Ernest. May mga lamesa at silya. Dito ata pinapaupo ang mga dalaw ng mga “pwede” ng pasyente. Pwede na, ibig sabihin ay malapit na magtino.

Papalabas na kami ng bilding. Isang berdeng-berdeng hardin ang bumati sa akin. Napakapayapa ng lugar para sa mga taong gulung-gulo ang isipan. Sa ilalim ng puno ng kaimito, nakaupo ang isang matandang pasyente sa isang wheelchair. Puti ang kanyang buhok at nakatingin sa kawalan. May isang nars sa likod niya na sinusuklay ang buhok nya.

“Mrs. Bernas, may bisita po kayo. Si Jopat.” Napaangat ng bahagya ang ulo ng Inay. Lumayo ang mga nars at si Dok ng bahagya. Privacy ika nga nila.

“Kamusta ‘Nay?”
Isang malamig na ngisi lamang ang gumuhit sa minsa’y magandang mukha ni Inay. Ngayon, kulubot na ito’t wala na siyang ngipin. Pinayuhan siya magpustiso noon. Pero hindi niya sinusuot.
“Ayos lang kayo? Balita ko bago na ang..” Bago pa ako matapos magsalita ay bumukas ang bibig ng aking Ina. Hanggang ngayon, ganoon parin siya magsalita. Masakit at mariin. Malamig. Kahit 65 na siya.
“Kung kukulitin mo ako ulit tungkol kay Pippin, wala kang makukuha sa akin Jopat.”
“’Nay, kinakamusta ko lang ho kayo. Wala po akong sinasabing…”
“Si Pippin lang ang kailangan mo kaya mo ako dinadalaw dito.”
“Hindi ho ‘Nay patapusin…”
“Woo. Plastik mo Jopat.” Sa wakas, nilingon ako ng Inay. Tumitig sa akin ang kanyang malalim at naninilaw na mata. Parehas kung paano niya kami panlisikan ni Pippin nung kami ay bata pa.
“Wala na si Pippin. Hinding-hindi mo na siya makukuha.”

Nagngising demonyo si Inay sabay bungisngis na inuubo-ubo pa. Naramdaman ko ang ugat sa aking ulong tumitibok. Ang mga kamay ko’y rumolyo ng mahigpit at napakapit ang kaliwa kong kamay sa ibaba ng kwelyo ng puting damit ng Inay. Umagat siya sa kanyang wheelchair.
Papatakbong nagsilapitan sila Doktor Sunga at ang dalawang nars. Hinihila ako ni Dok papalayo. Ang dalawang nars naman kay Inay.

“Putang-ina ka! Asan si Pippin! Asan ang kapatid ko!”
“Mr. Bernas, kumalma ka kung hindi ipapadampot kita sa pulis!”
“Nasaan si Pippin!” Humigpit ang kapit ng mga daliri ko sa blouse ni Inay.
“Mr. Bernas, calm down!”
Nagsisilapitan na ang mga nars na lalaki. Ang ibang pasyente ay humihiyaw. Sa pula, sa puti. Ang Inay? Nakangising demonyo pa rin.
“Asan si Piiiippppiiiiinnn!”

***

“Ang galing-galing mo talaga! Tignan mo ang taas na ng lipad niya!”

Naglalabang puti at asul ang kalangitan noon. At litaw na litaw naman ang matingkad na pulang saranggola namin ni Pippin. Perpektong hugis diyamante ito na sumasayaw-sayaw lamang kasabay ng ihip ng hangin. Hinatak pa ito ni Pippin at nakita ko itong lumiko; pakanan, pakaliwa, paikut-ikot na tila nilalaro ang aming mga mata. Dyis anyos ako noon. Si Pippin, nuwebe.

“Kuya, sa tingin mo makakalaya pa tayo kay Inay?” sabi ni Pippin. Kitang-kita ko ang ningning ng pag-asa sa kanyang mga mata sambit-sambit ang mga katagang iyan.
“Oo naman. Darating ang araw, hindi na tayo masasaktan ni ‘Nay at ‘Tay. Ilalayo kita dito, Pippin. Makakapag-aral tayo. ‘Tas gagawa tayo ng paktori ng saranggola na kasing laki ng sa Coca-Cola.”
“Talaga kuya? Yung kasing laki ng Coca-Cola? Wow, ang laki-laki nun kuya!”

Malapit ang planta ng Coca-Cola sa amin. Karamihan sa mga kapitbahay namin ay nagtratrabaho dito.

Alas-kwatro ng hapon ng mapansin ko ang Inay papalapit sa burol na aming tinatambayan ni Pippin. Nakakunot ang noo nito’t nanlilisik ang mga mata. Sabog nanaman ang Inay. Naninilaw ang mulat na mulat niyang mga mata. Malalim na ang mga ito’t tila wala ng buhay.

“Pippin!” sigaw ng Inay. Agad-agad hinatak ni Pippin ang saranggola gamit ang isang rolyo ng sinulid. Lumapit ako’t tinanong ko ang Inay ng bakit. “Bakit po?” Ngunit bingi na ata ang tenga niya sa dami ng batong hinithit nila ng aming tatay-tatayan. Hinawi niya akong parang kurtina gamit ang kanyang mapayat at mabutong kaliwang kamay. Hinatak ko siya sa braso. Ngunit tila may kakaibang kapangyarihan nga yata talaga ang mga adik at bangag na sa droga at hindi ko nagawang pigilan si Inay.

“Ikaw talagang bata ka. Salot ka sa buhay ko!” Hinatak sa tenga ni Inay si Pippin pababa ng burol. Umiiyak na si Pippin. Umaaray. Hatak-hatak parin ang saranggolang hindi na niya naiayos ang tupi. Sa baba lamang ng burol ang aming bahay at doon nag-aabang si Itay. Hinawakan ako ni Itay sa balikat at si Inay naman ay hinatak si Pippin papalapit ng sasakyan.

“Saan nila dadalhin si Pippin, Tay? Saan nila dadalhin kapatid ko!”

***
Sa parke malapit sa amin, malimit kong dalhin si Jobert upang turuan magpalipad ng saranggola. Isang Sabado ng umaga, ang daming mga ama na pinapanood ang kanilang mga anak na magpalipad. Iba’t ibang hugis at kulay ang mga saranggola nilang tila naghahari sa kalangitan. Magaling talaga ang aking anak. Parang si Pippin lang kung magmanipula ng lubid alam mong deds na ang saranggolang lilipad malapit sa kanya.

Bumalik ako sa aming sasakyan upang kumuha ng tubig ng mapansin ko ang isang lalaking nakatim na t-shirt at pulang sombrero sa di kalayuan. Titig na titig siya sa mga saranggolang nagliliparan sa parke. Kitang-kita ko ang uhaw at takam sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang mga batang tumatakbo at naghahatak. Madungis ang lalaking ito. Kita ko sa kanyang pantalon na hindi niya ito gaanong nilalabhan. Ang sapatos niyang goma’y bumibigay na sa sobrang pagkagamit. Ang dating maputing sapatos ay putim na dahil sa kapit na kapit na dumi ng lupa at semento.

“Napansin ko tulala ka brad ah. May anak kabang naglalaro?” sabi ko sa lalaking nagulat ng bahagya sa aking paglapit. Nauutal-utal pa siyang sumagot sa akin.

“Mahilig kasi ako sa saranggola noong bata pa ako.” Manilaw-nilaw at malalim ang kanyang mga mata. Ang labi niya’y nangingitim na marahil sa dami ng sigarilyong nahithit niya. Ang ngipin niya’y unti-unti ng nanlalagas at karamihan sa natitira ay bulok na.

“Ako rin noong bata pa ako. Kami ng kapatid ko. Kaya itinituro ko sa anak ko.”
Bumungisngis siya at nagtakip ng bibig sabay lingon sa akin, “Ako rin may kapatid! Kuya! Siya ang taga-takbo ko at ako ang taga-lipad ng saranggola!”

“Parehas pala tayo. Ako ang kuya at ako rin ang taga-takbo. Kaso wala na ang kapatid kong iyon. Hindi siya patay pero may kumuha sa kanya noong bata pa kami. Wala na rin sa tino ang Inay at ayaw niya sabihin kung asan talaga siya.”

Napansin ko ang pananahimik ng lalaki. Unti-unti niya akong nilingon. Nawala ang bungisngis sa kanyang labi at napalitan ng seryosong mukha.

“Jopat?”

Nagulat ako sa aking narinig. Tinitigan ko siyang mariin at nakita ko ng maaliwalas ang kanyang mata. Balot ng takot at galit. “Pippin?”

***
Mabilis ang tibok ng puso ko at hinihingal na ako. Ngunit hindi ako maaring tumigil. Kailangan ko makausap ang kapatid ko. Sa isang estero, siya’y lumiko. Siguro dahil narin sa kapayatan niya, siya’y nadapa. Agad ko siyang sinakmal at tinulungan makatayo. Paglapit ko sa kanya, itinaas niya ang kanang kamay at pinilit iapak ang paa patayo. Pinahiran niya ang kanyang mukhang puno ng putik.

“Kamusta ka na? Saan ka nakatira? Anong nangyari sa’yo sa dalawampung taon?” Inabot ko ang isang botelya ng coke habang pinapahiran nya ang sarili ng mga napkin. Sa parkeng aming pinanggalingan, doon kami naupo’t nagkamustahan.

“Nakatira ako sa bandang Pasay. Sa malapit sa Libertad. Andito ko sa Manila kasi… ano…. Negosyo.”
“Negosyo? Saan ka dinala noong nakakotseng itim? Sino sila? Magkwento ka naman ng buo Pippin! 20 taon kitang hinanap! Ang Inay…”
“Ah, ang Inay. Kamusta na ba ang Inay?”
“Nasa mental na siya. Pero Pippin!”
“Magaling kung ganoon matutuwa ang Papa. Yung lalaking nakashades, yung may-ari ng Chedeng, si Papa yun. Tatay ko yun.”
“Huh, hindi ko maintindihan Pippin.”
“Si Juan Miguel Bernas. Siya ang tatay ko.”

***

Hindi ako tumigil sa paghagulgol noon. Napundi ata yung body guard ni Papa at tinutukan ako ng baril. “Kung hindi ka tumigil, makakatikim ka ng mainit na bala!”

“Hindi kailangan niyan dito Marcus,” sabi ni Papa. Tinanggal niya ang shades niya sabay lingon sa akin. “Juan Philippe Bernas ang pangalan mo diba? Pippin ang iyong palayaw, tama?” Malaki ang kanyang boses. Makapal ang bigote ni Papa at kitang-kita ang kakinisan ng kanyang balat sa ilalim ng itim na itim niyang Amerikana. Tumungo lang ako at pinipigilan ko ang luha pumatak sa mga mata ko.

“Oh siya Pippin. Tama na ang pagluha. Eto tisyu gamitin mo punasan mo ang iyong uhog. Ayokong magkakalat ka sa bagong kotse ko. Maganda siya, hindi ba? Amoy orange pa.” Patuloy ako sa pagpahid ng uhog ko at luha. “Pippin, ako nga pala ang iyong ama.”

“Ano ho?” nagulantang ako sa sinabi niya. Siyempre adik kaba. Paano kita naging tatay e ang yaman-yaman mo ‘tas ako mahirap lang. “Oo. Pippin. Tatay mo ako. Ako si Juan Miguel Bernas.”

Pagkarating namin ng bahay niya ay dumiretso kami agad sa isang kwarto. Guest room daw ang tawag. May mga inutusan siyang katulong upang ayusin ang gusgusin kong itsura. Kinuha nila sa akin ang saranggola natin at pinaliguan ako. Pagkatapos akong bihisan ng bagong damit, sumalo ako ng hapunan kasama si Papa. Ikinuwento niya ang buong istorya kung paano nangyaring anak niya ako.

Ang Inay pala ay kasintahan ni G. Bernas. Magkasama sila sa sindikato at sila ang namumuno ng drug deals sa Metro Manila. Magpapakasal na sana sila ng malaman ni Papa na nagbuntis si Inay sa’yo. Anak ka ng kanang-kamay ni Papa. Gusto sana niyang ipapatay si Inay pero di niya nagawa dahil mahal na mahal niya ito. At hindi rin pumayag ang pinakaulo ng sindikatong patalsikin si Inay. Isa siyang malaking aset. Kailangan siya ng grupo sa mga operasyon. Kaya iniba nalang ang kanyang destino. Pinababa ang kanyang pusisyon.

At dahil galit nga si Papa, ibinaba niya si Inay bilang local distributor. Pusher ika nga. Sa lugar natin sa Quezon City. Siya ang pinuno at supplier ng droga doon. Pero mahal talaga ni G. Bernas si Inay at pinupunta-puntahan pa rin niya ito. Sinoportahan niya siya sa kanyang pangaganak at lahat ng pangangailangan mo. Nang malaman ni Papa na buntis si Inay sa akin, inaya niya itong magpakasal. Pumayag naman si Inay kaya Bernas ang apelyido natin. Kaso, inalok siya ng pinuno ng sindikatong mamahala ng operasyon sa Taiwan. Siya na ang maala-ambassador. Noong pinanganak ako, nagising na lamang ang Inay na wala na ang Papa at bayad na lahat sa ospital. Pumunta pa nga raw ang Inay sa bahay ng Papa. Pero wala na siya, nasa Taiwan na pala.

May utang ang Inay sa sindikato. Nalugi ang branch niya siguro dahil na rin sa kakahithit at tira nila ng ‘Tay. Ako ang ginawang pambayad ng Inay. At doon ako’y nanilbihan. Noong una, ako’y pinagsanay maging body guard. Pero naisip ng Papa na mas okay ako bilang runner ng mahahalagang impormasyon. Walang araw ang hindi ko naisip tumakas twing asa kalsada ako’t may dala-dalang sample ng shabu, cocaine, o marijuana. Minsan, nakatiyempo ako. Tumakas ako. Isang araw din ata akong hindi bumalik sa kuta at binenta ko mga sample na dala ko para pangkain. Pangsimula muli. Ngunit matalas ang tauhan nila Papa. Nakita nila ako kahit nasa Sta. Mesa ako umabot. Dinala nila ako sa warehouse at doon pinagbubugbog nila ako. Akala ko mamamatay na ako sa mga hampas ni Marcus. Pero nagtira pa sila ng konting dugo sa katawan ko at nabuhay ako. Simula noon hindi ko na inasam na kumalas pa. Ngayon, pinuno na rin ako ng sarili kong distrito sa Pasay gaya ng Inay. Pero di nya ako kagaya ha! Hindi ako pumapalya. Wala akong utang.

***
Tuwang-tuwa si Pippin habang kinukwento nya ang pagiging pinuno niya ng maliit na distrito sa Pasay. Pero iba ang naramdaman ko. Masakit. Pero hindi pa huli ang lahat naisip ko. Papalayain ko siya sa sindikato. Papalayain ko parin siya kay Inay. Inoperan ko siya ng bagong buhay ngunit tinawanan lang niya ako. Tumayo siya at nagpaalam. Pinipigilan ko siya ngunit pinanlisikan lamang niya ako ng mata. Pinakawalan ko si Pippin ngunit hinding-hindi ko siya susukuan.

Marumi, masikip, madungis ang tinitirhan ni Pippin. Nagtanung-tanong pa ako kung saan talaga ang tirahan ni Pippin. “Dyan, sa badang baba pa ‘tas kumaliwa ka. May tindahan doon pwede mong ipagtanong pa para di ka maligaw,” sabi ng aleng nagtitinda ng balut.

Pinuntahan ko ang sinasabi niya ng halos mahagip ako ng isang kotseng umaarangkada sa masikip na kalyeng nilalakaran ko. Pulis car. Isa. Dalawa. Tatlo. Sunud-sunod ang mga mobil na umaarangkada at kumaliwa sa kantong kakaliwaan ko rin. Isang matinding padyak sa puso ko ang kumawala at mabilis akong tumakbo.

Raid. May raid sa dikit-dikit na bahay sa banding ibaba malapit sa creek. Nakita ko ang tindahang sinasabi ng nagtitinda ng balut at agad-agad na tinanong kung saan ang bahay ni Pippin. Ngunit bago pa ako sagutin ng ale, isang malakas na hiyaw ang dumaplis sa aking tenga.

“JOPATTT!!!!”

Si Pippin ay hatak-hatak ng dalawang pulis papaakyat at papasok ng mobil. Kumaripas ako ng takbo upang lapitan siya ng bigla akong hinatak ng dalawa pang pulis. “Sir, bawal kayo dito doon lang po kayo! Obstruction of Justice kayo!”

Nakaalpas si Pippin at nailusot niya ang kanyang mga braso papalabas sa mga kalawit na umaakay sa kanya. Kitang-kita ko ang takot sa mga mata niyang naninilaw at malalim. Payat na payat siyang nakahubad ang pang-itaas. Kitang-kita ko ang mga buto niya. May tato pa siya sa kaliwang dibdib na dragong nakapamilog.

Isang malakas na putok ang humawi sa kaguluhan. Isang putok, ang tanging putok na pinakawalan ni SPO1 Santiago lamang, ang dumagundong sa tenga ko ng mariin. Nakakabinging putok na tila walang katapusan.

***
“Pin, laya ka na.”
Tama, malaya na nga si Pippin. Hindi na siya masasaktan ng Inay, ng Itay, ni Marcus o ni G.Bernas. Malaya na si Pippin sa lahat ng sakit at pasakit ng buhay. Isa rin siyang saranggolang nakakalas na sa tali ng nagmamanipula sa kanya. Ang pasakit ng pagiging sunud-sunuran sa buhay ay nawala na.

Nakilala ko ang mag-ina ni Pippin sa kanyang burol. May anak pala si Pippin, si Potpot, kasing tanda ni Jobert. Matagal ng hiwalay ang mag-asawa.

“Jobert, anak, gusto ko turuan mo si Potpot ng saranggola, ha? Kapatid mo siya at kuya ka niya.”
“Opo, Papa! Tara Pot doon tayo sa parke!”

Magkahawak kamay si Jobert at Potpot na tumakbo papuntang parke. Kitang-kita ko ang aliwalas ng kanyang mukhang hawig na hawig ni Pippin.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment