RSS

Kwentong Pambata - Finalist 5


Nang Matutong Magsaing si Jason
blog : Ang Alingawngaw ng Taribong...

Ibinuhol ni Lola Miling ang kurtina sa kuwarto para pumasok ang hangin at ang liwanag ng araw. Bumaling siya ng tingin kay Jason na nakaharap sa computer. Tumingin din ang binatilyo sa kanya.

“Lola, hindi ko po makita ng maayos ang screen.” May pagkabugnot na sabi ni Jason.

Hindi muna umimik ang matanda. Pinagmasdan ang apo, saka siya nagwika, “Jason, apo, maghapon ka na diyan. Hindi ka na tumatayo sa kinauupuan mula pa noong magising ka. Hindi ka na rin nag-almusal. Ano ba inaatupag mo diyan?”

“Dota po.”

“Assignment mo ba yan sa school?”

“Laro po sa computer. Sa internet po.”

“E, mula pa noong Huwebes ka naglalaro sa Dota na yan. Sabi ni mommy mo, naa-adik ka na raw diyan.”

Hindi sumagot si Jason sa tinuran ng lola. Ipinagpatuloy lamang nito ang paglalaro.
Dahan-dahang lumapit si Lola Miling kay Jason. Hinaplos niya ang ulo nito. Medyo napailag ang bata dahil ayaw nitong may humahawak sa buhok niya.


“Jason, nagrereklamo ang mommy mo. Bumababa raw ang grades mo. Hindi ka na rin nakakatulong sa bahay. Yung pinaghigaan mo, ni hindi mo na maayos at ang mga gamit mo sa eskuwelahan, nakatambak na lang sa gilid.”

Patuloy pa rin sa pagpindot sa keyboard si Jason habang nakatutok ang mga mata sa monitor at naririnig ang mahinang ingay mula sa headset na nakasabit sa kanyang leeg.

“Apo, binili yang computer para makatulong sa pag-aaral mo at hindi ka na gabihin sa labas tuwing sabi mo magri-research ka. At para makapag-usap kayo ng Daddy mo sa Saudi. Pero parang napasama yata. Puro ka na lang Dota...”

“Hindi naman po,” pagtatanggi ni Jason na may pagdaramdam sa pakikialam ng lola sa paglalaro niya. Lalo pa’t bumibisita lang ang matanda mula sa Cavite.

“Jason, maaari mo ba akong tulungan na magluto ng kanin sa rice cooker? Tinawagan ko ang mommy mo dahil naubosan na tayo ng LPG.  Gamitin na lang daw natin ang rice cooker.”

“Hindi po ako marunong.” Mabilis na sagot ni Jason.

“Ako rin eh,” mabilis din ang sagot ni Lola Miling.

“Tinawagan ko ulit ang mommy mo, out of reach na siya. Teka, baka merong instructions diyan sa computer. Di ba puwede namang malaman ang kahit na anong bagay mula sa intranet?”

“Sa internet po. Hindi ko po alam kung meron. Baka wala.”

“Subukan lang natin apo. Para hindi tayo gugutomin.”
Tumigil si Jason sa paglalaro ng Dota at binuksan ang Google search engine sa internet.

“Ano po ang hahanapin?” Ayaw ipahalata ni Jason na napipilitan lamang siyang pagbigyan ang hiling ng lola.

“Pwede mo ba akong turuan kung paano gamitin yan? Para hindi naman ako manatiling mangmang kung ano ang meron diyan sa computer?”

“I-type niyo na lang po kung ano ang gusto niyong malaman.”

“Sige, apo.” Naupo ang lola sa harap ng compute at nagsimulang mag-type: Paano magsaing gamit ang rice cooker.  Medyo mabagal at madiin ang pagtipa, naninibago si Lola dahil mas sanay siya sa sinaunang Underwood typewriter ng kanyang ama.
Pinindot ni Jason ang enter pagkatapos mag-type ni Lola.
Natuwa si Aling Miling nang tumambad sa kanila ang unang entry sa mga resulta ng paghahanap sa Google.

“Ito, pwede ba nating mabasa ang kabuuan nito?”

“Opo.” Pilit ang pagngiti ni Jason dahil mukhang kapangalan pa niya kung sino ang sumulat sa tinutukoy ni Lola Miling. Pagkatapos ma-double click ni Jason ang entry sa screen, lumabas ang buong entry para sa rice cooking.
Nakatsamba si Lola Miling. Nakasulat sa entry and sunod-sunod na procedure para sa pagluluto ng kanin sa rice cooker.
 
“Jason, pwede mo ba akong tulungang magluto ng kanin. Sundin natin ito.”
Hindi mawari ni Jason ang kanyang nararamdaman dahil natigil na ang kanyang paglalaro. Pero nagprint na lang siya ng entry sa webpage na iyon at sumunod na lamang siya kay Lola Miling.

HINDI NAGTAGAL, nagawa nina Jason at Lola Miling na magluto ng kanin gamit ang rice cooker.
Masayang ipinamalita ni Lola Miling kay Mommy Lina ang nangyari. Dahil dito, mag-uuwi ng lechon manok si Mommy Lina.
Pagkadating ni Mommy Lina mula sa trabaho, pinuri niya ang pagluluto nina Jason at Lola Miling. Nagpasalamat pa ito at binigyan ng mahigpit na yakap ang bata.
Masayang pinagsaluhan ng tatlo ang kanilang tanghalian.

“Jason, sa susunod tuturuan naman kitang magluto ng paborito mong adobo.”
Napangiti lang si Jason. Masaya ang pakiramdam na ang maliit na bagay ay nabibigyan ng pansin ng ina. At mas masarap palang kapiling ang pamilya. Hindi na lang yung mag-isang naglalaro ng Dota.


  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

3 comments:

taribong said...

Maraming maraming maraming salamat sa inyong lahat. -Lubos akong natutuwa at nagagalak, parang pasko na hehehehe :D

Anonymous said...

may humor ang kuwentong ito at puwedeng mangyari sa totoong buhay. Congrats!

taribong said...

@pruelpo: Maraming salamat po, sir! Maaari ninyo pong madalaw ang http://taribong.wordpress.com/2010/10/14/nang-matutong-magsaing-si-jason/

May mga screenshots po sa pag-search si Aling Miling at sa kanilang pinuntahang blogsite para malaman kung paano magluto gamit ang rice cooker hehehe. Tagumpay para sa ating mga bida!

At sa atin na rin... nagpapatunay kung paano nagagamit ang internet at blogging hindi lang sa paglalaro kung hindi pati na rin sa makabuluhang bagay.

Sumasalamin ang kuwento sa paghubog sa pagpapahalagang Pilipino gaya ng paggalang, pagiging matulungin, malasakit, pagpapahalaga sa pamilya, paglingap sa nakatatanda, pagsusumikap sa pag-aaral, at iba pa.

Maraming salamat po sa inyong pagtangkilik!!!

Post a Comment