Bukas Kaya
blog : tula (at tuwa) ni Au
Walang Alam
Di siya marunong lumangoy
--wala namang ilog na mapagpapraktisan.
Di siya marunong umakyat ng puno
--wala namang punong matutuntungan.
Di siya marunong gumaya ng huni ng ibon
--wala na rin kasing ibong napapakinggan.
Ni hindi niya nga alam
kung ano ang tarsier, o tamaraw, o pilandok--
naubos na ng walang pakundangan
at kahit na may maipakita akong larawan,
ano naman ang larawan sa batang walang nakita, naranasan
--kaya walang alam?
Kawawa naman ang anak ko.
***
Halimaw
May halimaw na namumuo
sa ilalim ng maitim at malangis na tubig ng Manila Bay.
Ang maliliit na supot ng kendi
tinapon ng isang mamang di nag-iisip
ay isa lamang sa isang tambak ng mga supot
na bumubuo sa kanyang mga braso.
Isang lumang gulong ng sasakyan
(na kung pano napunta sa dagat? ewan.)
ay isa sa kanyang mga mata, ang isa
ay dating globo na styrofoam
ngayon ay halos nahati na.
At dahil ang halimaw
ay nalikha ayon sa anyo
ng kanyang manlilikha--
ang halimaw ay may mga paa;
gawa rin sa supot ng kendi
na ibinato ng mga di nag-iisip
na ale at mama.
Ang halimaw
ay patuloy na lumalaki
sa bawat supot ng kendi
araw-araw.
Hanggang sa siya ay babagon
upang lipulin ang kanyang manlilikha.
Psst... Ale, mama
yung balat ng kendi mo--
pakidampot.
***
Ang Minero
Minero din ako, nakikiamot sa gintong
ibinaon kung saan di madaling
makuha, pero nakukuha naman sa tiyaga.
Pero anong panama ko
sa mga makinang bumubutas
at humihiwa sa tiyan
ng bundok na nagkalinga sa kin
simula pagkabata?
Minero din ako, humuhukay ng paunti-unti--
mga butas na hinihilom ng panahon,
natatakpan ng bagong sibol na halaman.
Pero ang hukay na ginawa
ng mga halimaw n'yong bitbit
ay habang-buhay na sugat sa lupa--
nagnanaknak ng mga kemikal na pumapatay
ng buhay ng mga naaagusan niya.
umaabot pa hanggang ilog upang doon ay puksain
ang mga isdang panlaman tiyan ko sana.
Minero din ako, pero bakit
di ko marinig ang kalansing ng gintong
bumibingi sa 'yo?
4 comments:
brilliant! cheers Au! :]
salamat, sino-ka-man. :P
nice poems! :D
Alam ko ang tarsier, ang tamaraw at ang pilandok, pero hindi ako marunong lumangoy ngunit muntik na akong nalunod noong virgin pa ako, but seriously, these are good poems, and I wish you all the best in the Saranggola Awards, your career and your life. God bless!
Post a Comment