RSS

Tula - Finalist 6

Tatlong Tula Sa Kalikasan
blog : Breathing the SSDD Mantra

I

Hayaan mong maglakad ako sa kamison ng iyong buhanginan,
idausdos ang mga sakong na pagal at puno ng pighati.
Ihihimlay ko ang isa’t kalahating buntung-hininga sa
iyong puson, sa lumalagaslas mong alon. Pahintulutan
mo sanang makipagniig ang mga luha ko sa tubig mong
maalamat ang alat. Kung paanong dalawang higante ang
doo'y nagbatuhan ng sandakot na asin; at ang tubig mong
tabang ay naging kulay bughaw na nakapagpapakulubot
ng mga labing sabik sa iyong kariktan. Lulusungin ko
nang hubo't hubad ang itinatago mong yaman at doo'y
sasalubungin ako ng iyong mga isdang mangingiliti sa
aking pagkatao. Ang mga malalanding labi'y hahalik sa
aking mga binti, sa aking dibdib, sa utong kong
kulay rosas, sa tite kong nangunguluntoy sa iyong alat.
At manunumbalik ang aking sigla, ang buhay na walang pag-asa.
Kakatagpuin ko ang mga maharot na sirenang nagkukubli
sa iyong mga batong liblib. At sila'y mag-uunahan sa
pagsuklay ng aking basang buhok, aawitan ako ng mga
nilimot na alamat ng mga manlalayag na nabihag ng kanilang
kagandahan, ng mga kalalakihang nilambat ang kanilang
mailap na mga puso, ng mga barkong nagtatago sa kaibuturan
ng iyong puso tangan ang isanglibo't isang gintong barya.
Mamumulot ako ng mga mahiyaing kabibe at iaalay sa
palad ng babaeng pinakamamahal. At lalandiin ko ang
kaniyang mga labi ng aking dilang nalasap na ang asin
ng iyong tubig. Kasabay ng paglagaslas ng iyong maharlikang
alon, kasabay ng pag-awit ng mga ibong natatanaw mo sa kawalan,
ng pagpapailanlang ng mga ulap na nasasalamin sa iyong
banayad na tubig, siya at ako ay mamamanata.
At ikaw ang magiging piping saksi.


II

Halikan mo ako. Halikan mo ako nang dahan-dahan sa pisngi.
Idampi mo sa aking mga labi ang samyo ng iyong hanging banayad,
ng iyong mga dahong pumapagaspas, nakikipaglalaro sa ligaw na
kaluluwang nananahan sa iyong kaibuturan. At ako'y mapapapikit
sa sarap ng iyong labing sariwa. Aakyatin ko ang iyong hubad
na katawan. Matayog. Mataas. Nakakalula. At ang mga sanga mong
kumakawing sa kung saan ay magsisilbing gabay ko sa pag-akyat,
sa pagtuklas ng iyong natatagong gandang madalas nilang
nilalapastangan. Mula sa taas ay tanaw ko ang lahat ng iyong
kariktan - ang mga ibong mandaragit na nagpapaikut-ikot sa iyong
bumbunan, nag-aabang ng iba pang hayop na gagawing hapunan,
ang mga usang kumakandirit sa iyong luntiang parang, ang mga ligaw
na kunehong madalas magkantutan. Ihihilig ko ang aking ulo sa
balikat ng iyong mga sanga. At doo'y maghapon kong pakikinggan
ang pintig ng iyong puso habang dinarama mo rin ang pulso ng akin.
Awitan mo ako ng mga himig na malayang inaawit ng iyong mga hangin
at dahon. Tugtugin mo ang ritmong makapagpapanumbalik ng aking
sigla, ng aking saya. Iduyan mo ako sa ulap ng kaluwalhatian.
Magkwento ka. Ibulong mo sa aking tengang walang tutule ang iyong
mga hinaing, ang iyong mga pasakit, ang iyong mga hikbi. Makikinig ako.
Ah, kung alam lang sana nila ang paradisong kanilang inaabuso, binababoy, pinagwawalang-bahala! Kinamumuhian ko ang kanilang mga gawi. Lapastangan!
At ako ang tatahan sa iyong mga palahaw.

III

Batid kong hindi ka nila nauunawaan. Tulad ng hindi nila
pagkakatalos sa marami pang hiwaga ng buhay. Wala silang pagsasaalang-alang.
Hindi ba nila nababatid na ang tuluyan mong pagkawala ay magdudulot
ng pagkalaho ng kanilang sariling mga kaluluwa? Na ang pag-iyak mo
sa kanilang pang-aabuso ay katumbas ng pagluha ng mga mag-anak na
na ninakawan ng buhay? Na ang pusod mo at ang pusod ng sangkatauhan
ay iisa lamang? Ah, hindi nila iyon nalalaman sapagkat sila'y mga
hangal, mga barbarong walang pagmamalasakit sa iyong kahihinatnan,
kahahantungan. At ako, ako bilang sugo ng kanilang angkan,
ako bilang bunga ng punong nag-ugat sa kanilang mga kamay na walang
pagtitimpi't pakialam, ako'y humihingi ng paumanhin sa kanilang inasal.
Hindi pa huli ang lahat. Maitatama pa ang maling gawi.
Sisimulan ko ang hakbang tungo sa iyong muling pagngiti. Isusulong
ko ang mga mithiing makapagpapanumbalik ng iyong mga bulaklak at bahaghari
Ng mga puno mong sumasayaw, ng mga bundok mong mayayabang
Ng mga batis na kay dalisay, ng mga along walang lumbay
Ng mga bulak ng malambot na ulap, ng di-mahawing hanging walang kasing sarap!
At ikaw at ako, tayong dalawa ay muling mangangarap, muling titingin sa
kahiwagaan ng kalawakan, sa mga bituin sa langit na walang kasing rikit,
muling masisilayan ang mainit na halik ng umagang kay ganda—
ang pagtatalik ng dagat at ulap at lupa,
sapagkat silang tatlo ay iisa,
at ikaw at ako at sila ay iisa!

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

5 comments:

J. Kulisap said...

Hmmm, ang mga kapitapitagang mga bloggers ang pumasok sa finals.

Itong gawa mo Lio, antik na ito, paglipas ng dekada, itago mo.


Mabuhay si Bernard ang kaniyang Saranggola Blog Awards

Yas Jayson said...

Pwede na.
- Cirilio Almario

Unknown said...

lutang ito sa lahat. 'nuff said.

Arcturus said...

Pwede na? This is the best.

Jonathan Aquino said...

Ito yung tip ng tula na pang first prize kahit sa Palanca. Virgilio Almario, ikaw ba yan? Good luck, congratulations in advance and Merry Christmas

Post a Comment