RSS

Ang Nawawalang Gulong - maikling kwento

"Ang Nawawalang Gulong"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Hideki


Madilim na ang paligid. Walang pinagkaiba sa kahapon ang senaryong ito sa buhay ni Julius. Sa tuwing uuwi sya galing sa eskwelahan at saktong gutom sya, bumibili sya sa may isawan. Solve na sya sa ganung meryenda, araw-araw. Naiiba lang kapag natityempuhan sya ni Bikoy.

Si Bikoy, suot ang lampas tuhod, naninilaw at may kaunting mga butas na t-shirt, ay isang batang palaboy. 
Base sa tangkad ni Bikoy, nasa edad sampu o pababa pa lamang siya. Sunog ang balat marahil sa madalas na pagkakabilad sa araw, at kulay kalawang ang buhok. Walang tsinelas, pero hindi naman bahuin kung tignan.

Kung di mo makikitang tatakbo-takbo si Bikoy, kasama ng ibang mga batang palaboy, makikita mo sya na kumakalabit ng mga nakasakay sa jeep, nakatayo at naghihintay na mga tao, at mga kumakaen lalo na sa may isawan; para manglimos. Kahit ano tatanggapin nya, barya, o yung mismong kinakaen at iniinom mo. Hindi sya choosy.

Yung mga swerteng araw para sa kanya ay yung mga araw na lilipas ang maghapon na may laman ang maliit nyang tiyan at meron pa syang pang gastos kinabukasan. Yung mga hindi swerteng araw naman, ay yung nabusog na lamang sya sa pang-dededma, pang-tataboy, panunuya, at pag-iling ng mga taong alam mo na; mas mahirap pa yata sa kanya.

Kasama naman sa mga swerteng araw nya yung matityempuhan nya si Julius.

Una silang nagkatagpo nung lapitan si Julius ni Bikoy habang akmang isusubo nito yung huling isang isaw nya. Kinalabit ni Bikoy si Julius at hiningi ang isaw na kakagatin na lang ni Julius. Bitin sya nun, pero mas pinili na din nya na ibigay yun sa bata. Mabait naman kasi talaga si Julius, inalok pa nya yun ng coke kahit na tumakbo na papalayo yung bata, kasi alam nya na maanghang talaga yung sawsawan na paborito nya.

“salamat po kuya.” sambit ni Bikoy sabay sipsip sa straw ng softdrinks. Ngumiti na lang si Julius, at naglakad na patungo sa sakayan ng terminal ng jeep para makauwi na sya.

Naulit ng naulit ang tagpong yun. Ngunit hindi kagaya ng normal na palaging nakakasalamuha ni Bikoy, ibahin natin si Julius. Masaya sya kapag nagkakakita sila ni Bikoy at sabay na nagmemeryenda. Para sa kanilang dalawa na lagi yung binibili nya. Binibigyan nya pa nga minsan ng barya nya si Bikoy, at pinagbibilinan na huwag ipangka-cara-y-cruz. “opo, hindi po kuya, ibibili ko to ng pagkain.” laging tugon ng bata. Hindi alam ni Julius kung bakit nya ginagawa yun, pero isa lang ang sigurado nya; magaan ang loob nya at masaya sya.

Parang close na sila na hindi. Basta kapag nagkakakita lang silang dalawa eh masaya sila, kahit na kumakain lang sila at hindi masyadong nag-uusap. Sa tuwing makakakita si Julius ng mga batang palaboy, di nya maiwasang maisagi muli sa isip nya ang kanyang nakaraan. Laking pasasalamat nya sa umampon sa kanya, kung di dahil sa kabutihan nila, hindi naka uniporme pamasok si Julius, nasa kalye pa din ito, o malamang ay nasa maling landas na, o hindi naman kaya ay nasa loob na ng piitan at humihimas ng malamig na rehas sa mga sandaling ito.

Kaya ganun na lamang din ang pasasalamat nya sa naging buhay nya. Mas bumuti ang buhay nya at nagkaron ng landas na sa kanyang pagpapatakbo na lang nakabase. Sa araw araw nyang nakakakita ng mga batang palaboy, hinding-hindi nya maaring makalimutan ang pangako nya sa sarili nya na hindi nya sasayangin ang bago at mas mabuting buhay na natamo nya.

Isang araw tinanong nya si Bikoy, kung anong gusto nya bukod sa pagkain. Sabi ni Bikoy, “laruan po kuya. hindi po kasi ako nakakahawak ng laruan eh. gusto ko yung kotse-kotsehan”.
Kinabukasan, sa pagkikita ng dalawa, matapos nilang maubos ang tigdalawang patpat ng isaw, iniabot ni Julius ang isang laruang kotse-kotsehan kay Bikoy.

“o. ayan na yung laruan, ibibigay ko na yan sayo. mahalaga sakin yan kaya dapat ingatan mo yan. wala na nga lang yang isang gulong pero okey pa naman yan, pagtyagaan mo na lang. papasko ko na din yan sayo. heheh”
“kuya, salamat!” malaki ang ngiting naisukli ni Bikoy na halos wala na itong sukat-kasidlan. “ay kuya! teka! meron pala ako dito, ikabit mo na lang ito..” May dinukot si Bikoy sa loob ng XL nitong t-shirt, isang kwintas, na may palawit na gulong, gulong ng isang laruan.

Umagos na lang ang luha ni Julius sabay niyakap si Bikoy ng mahigpit na mahigpit.
Yun na pala ang pinaka-maswerteng araw sa buhay ni Bikoy, nang makilala nya at makitang muli ang kuya Julius nya. Ganun din naman kay Julius, inakala na nyang namatay na ang nag-iisang kapatid nya sa trahedya noon ng malakas na baha, halos anim na taon na din ang nakalipas.

Kasabay ng pagkabuo ng mga gulong ng laruang kotse, ang pagkabuo muli ng magkapatid. Bagamat silang dalawa na lamang, may kasiguraduhan na din ang mas mabuting buhay para kay Bikoy, sa tulong ng bagong pamilya ng kuya Julius nya.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

1 comments:

charmis said...

:) very nice po kuya..

Post a Comment