RSS

Tagu-taguan - kwentong pambata

"Tagu-taguan"
Kategorya : Kwentong Pambata
blogger : Edong





“Makabilang ng sampu, nakatago na kayo!”

Sa isang bakanteng lote na maraming halaman at mga punong-kahoy naglalaro ng taguan ang mga magkakaibigan. Nang marinig na nilang magsalita ang taya, kanya-kanya na sila ng diskarte sa pagtago. Mabilis na gumapang sa ilalim ng natumbang puno ng santol ang matabang batang si Jong, habang ang patpatin na si Isay naman ay pilit na ikinukubli ang sarili sa manipis na puno ng bayabas, halos kakulay din kasi ng kanyang damit ang katawan ta mga dahon ng bayabas.

“Isa... Dalawa... Tatlo...’’, ang malalakas na sigaw ni Mikay na siyang taya noon. Nakaharap sa puno. Ang kanyang mga mata ay natatakpan ng kanyang kaliwang braso na siya namang nakadikit sa puno. Ang malaking katawan ng puno ng mangga ang kanilang ginawang base para sa laro nilang taguan.

Nagmamadali namang sumiksik sa pagitan ng mga magkakapatong na lumang gulong si Kwatog na ilang hakbang lang mula sa puno ng mangga.

“Apat… Lima… Anim...’’, tila nangingiting sigaw ni Mikay.

“Sandali lang!”, ang magkakasabay na sigaw nina Kwatog, Isay at Jong. Hindi kasi mapakali si Isay kung aakyat ba siya sa puno ng bayabas o pilit na ikukubli ang sarili sa mga katawan ng puno.

“Pito… Walo… Siyam… Sampu! Game na!”

Dahan-dahang dumilat si Mikay at nilinga-linga ang kanyang paligid. Parang isang tigre na naghahanap ng makakain. Binabantayan ang bawat kaluskos na madidinig at bawat paggalaw ng mga halaman na makikita niya. Una niyang sinubukan lapitan ang mga nakasampay na kumot na dekolor, ngunit wala siyang nakita doon. Di niya napansin na malapit na rin doon ang pinagtataguan ni Kwatog. Papalapit na siya sa pinagtataguan ni Jong nang bigla niyang marinig ang isang kaluskos sa kanyang likuran. Napangiti si Mikay, alam niyang may tatlong pares ng mga mata ang nagmamasid sa bawat kilos niya. Dagli siyang tumakbo pabalik sa kanilang base at muling nagmasid.

Naging matahimik na muli ang paligid at tila nahihirapan na si Mikay na hanapin ang mga kaibigan. Maya-maya marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Iginalaw ang ulo na tila may hinahanap. Napatingin siya sa may mga lumang gulong at napangiti siya. Napabaling din siya sa may puno ng bayabas at napangiti rin siya. Nung napaharap siya sa may natumbang puno ng santol, bigla na siyang napatawa ngunit agad niya rin itong pinigilan. Nakita niya kasi sa kanyang isip ang kanyang tatlong kaibigan at kung paano ang hitsura nila habang nagtatago ang mga ito.


“Bung, Kwatog!”, sabay turo ni Mikay doon sa mga magkakapatong na lumang gulong. Dagli namang lumabas si Kwatog at karipas ang takbo upang unahan si Mikay.

“Save!” Taya si Kwatog.

Pagkatapos, isinunod ni Mikay na punahin sina Isay at Jong sa kanilang mga pinagtataguan. Di nagtagal lumabas na rin sina Isay at Jong na takang-taka kung paano nalaman ni Mikay kung saan sila nakatago.

Kapag siya naman ang nagtatago, madali rin siyang mahanap ng kaniyang mga kaibigan dahil sa iisang lugar lang siya parating nagtatago. Paborito niya kasing magtkubli sa likod ng mga batuhan, malamig daw kasi at parang walang panganib doon.

Pagkatapos ng ilan pang mga minuto, maya-maya tinawag na sila ng kanilang mga magulang upang umuwi na.

Sa bahay, masayang ikinuwento ni Mikay sa kanyang nanay ang mga pangyayari sa kanilang larong taguan. Inilarawan ni Mikay ang mga hitsura ng kanyang mga kaibigan sa mga lugar na kanilang pinagtaguan. Si Kwatog na pawis na pawis sa nasa pagitan ng mga lumang gulong ng magkakapatong. Si Isay na nagmistulang puno ng bayabas dahil sa kanyang kapayatan at si Jong na hindi alintana ang mga langgam na gumagapang sa kanyang mga kamay at binti. Tuwang-tuwa si Mikay sa kanyang mga kalaro.

“Anak”, ang marahang banggit ng ina. “Hindi masama ang makipaglaro sa mga kaibigan, ang hindi ko lang nagustuhan ay ang paggamit mo ng iyong angking kapangyarihan para makalamang sa kanila“.

“Pero, ’nay, ginamit ko lang yon upang tulungan ang aking sarili na hanapin sila.“

“Panglalamang pa rin yon anak, lamang ka sa kanila dahil nakikita mo ang mga bagay sa likod ng mga harang na hindi kayang gawin ng mga ordinaryong tao gaya nila“, ang bulalas ng kanyang ina.

Simula pagkabata, si Mikay ay may kakaibang angking talento na nakakakita ng mga bagay kahit na may nakaharang pa sa mga ito o kahit nakatago ang mga ito. Kaya nyang sabihin kung may gagamba sa likod ng kanilang malaking kabinet o di kaya kung saan nakatago ang nawawalang tsinelas ng kanyang ama. Kaya niya rin makita kung anong buto ang nabali sa iyo kapag nabalian ka at kung may taong nagtatago sa likod ng pintuan nyo. May X-ray vision si Mikay.

Kapag ipinikit niya ang kanyang mga mata nang matagal, kaya niyang padilatin ang isa pa nyang mata na nakalagay sa gitna ng kanyang noo. Hindi ito pansinin kasi natatakpan ito ng kanyang buhok sa harap na hanggang kilay ang haba. Kapag nakadilat ang kanyang ikatlong mata, tumatagos ang tingin nito sa kahit anong nais niyang tingnan, bato man ito o kaya bakal. Ano man ang harang kayang malaman ni Mikay ang mga bagay sa likod nito.

Laging ipinapaalala ng kanyang ina ang lakas ng kanyang kapangyarihan ay dapat gamitin lang sa kabutihan ng nakararami at hindi para sa pansariling interes lang.

Isang araw, sumama ang apat na magkakaibigan sa isang ‘Hiking Activity’ sa kanilang paaralan. Halos hindi maubusan ng kuwento ang apat habang sila ay naglalakad sa loob ng isang gubat. Minsan pa silang nagkatakutan tungkol sa mga engkanto, duwende at kapre na nakikita sa mga kagubatan.

Sa haba ng kanilang nilakad naisipan ng grupo na magpahinga muna. Kanya- kanyang latag ng mga baong banig at higaan upang kanilang pagpahingahan pansamantala. Habang masayang nagkakakuwentuhan ang lahat, may namuong munting apoy sa may di kalayuan. Dahil sa init ng panahon, mabilis na kumalat ito. Nung mapansin ng grupo ang apoy, malapit na ito sa kanila. Nagkagulo ang lahat.

“SUNOG!!! SUNOG!!!”

Nataranta ang lahat kabilang ang apat na magkakaibigan. Kanya-kanya sila ng dampot ng gamit at takbo papalayo sa apoy. Mabilis ang kanilang ginawang pagtakbo kahit medyo nahihirapan si Jong dahil sa kanyang katabaan. Hindi nila namalayan na napahiwalay sa kanila si Mikay.

Si Mikay ay napadpad sa isang batuhan. Hindi niya alam ang tamang daan dahil napapalibutan na siya ng apoy. Sinubukan niyang gamitin ang kanyang kapangyarihan ngunit hindi ito gumana. Ito ang limitasyon ng kanyang talento. Hindi niya kayang silipin kung ano ang nasa likod ng apoy.

Takot na takot si Mikay. Wala siyang magawa. Ang buong akala niya ay kaya siyang iligtas ng kanyang kapangyarihan, ngunit hindi pala. Naisip niya na may mga pagkakataon palang dapat siya mismo ang gagawa ng paraan at hindi iaasa lang sa angking kapangyarihan.

Napunta si Mikay sa may batuhan. Naisip niyang gumawa ng isang malakuwebang taguan mula sa mga bato sa gubat. Ito ang ginamit niyang pananggalang sa papalapit at nangangalit na apoy. Dito naghintay na lang si Mikay sa mga susunod na pangyayari. Maya-maya ay nawalan na lang ng malay ang kawawang si Mikay.

Nang humupa ang apoy, malaking bahagi ng kagubatan ang natupok. Nagkaroon ng malawakang paghahanap para kay Mikay. Naging mahirap para sa mga bumbero, pulis at mga kaibigan ni Mikay ang paghahanap sa kanya dahil sa lawak ng pinsala ng sunog.

Di naglaon, napansin ni Jong at ni Kwatog sa may di kalayuan ang mga batong magkakapatong. Naalala kaagad nila ang kanilang kaibigang si Mikay. Mahilig kasi ito  magtago sa mga batuhang gaya ng kanilang nakita. Napansin din ito ni Isay kung kayat agad niya itong pinuntahan. Sunod naman sina Jong at Kwatog. Dito nila nakita ang walang malay na si Mikay. Nakabaluktot at may basang tuwalya na nakatakip sa mukha nito. Agad itong ginawaran ng pangunang lunas ng mga bumbero. Maya-maya’y nagkamalay na muli si Mikay.

Nagbunyi ang lahat kasama ang kanyang ina, lalong-lalo na ang apat na magkakaibigan dahil muli na naman silang magkakasama at makakapaglaro ng taguan.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment