RSS

Naglalaro ba ang Tadhana? - maikling kwento

"Naglalaro ba ang Tadhana?"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : taribong


Naninibago si Roger sa kanyang nararamdaman.  Nagtataka siya sa sarili kung bakit siya kinakabahan.  Mabilis ang tibok ng kanyang puso kaysa sa normal.  Luminga-linga siya sa loob ng silid bago niya nilimas ang alahas na laman ng pinagbuhol na bandanang nakatago sa mumurahing bag na nasa maliit na drawer sa ilalim ng built-in cabinet.  Kaunti lamang ang nakuha ni Roger; mukhang nakutuban ang may-ari ng bahay sa pagsalakay niya o sadya lamang sigurong hindi mahilig sa alahas ang nakatira rito.

Pumasok si Roger sa kabilang silid at pinuntirya ang study table na naroon.  Mabilis niyang binuksan ang mga drawers pero puro resibo, papel at mga panulat lamang ang mga naroon.  Dinampot na lamang niya ang laptop na nasa ibabaw ng mesa at isinilid sa knapsack na nakalaylay sa kanyang kanang balikat. 

Nakatawag-pansin kay Roger ang paperweight sa mesa.  Pangkaraniwang bato lamang ito:  pantay ang ibabaw, medyo manipis at may tatlong guhit sa gitna, makinis ang kabuuan ngunit may gasgas sa isang gilid nito. Hinawakan ni Roger ang bato.

“HOY! Anong ginagawa mo riyan,” malakas ang tinig ng isang babae sa may pintuan.  Napalingon si Roger, napansin niyang may hawak na baril ang babae. Hula ni Roger ay Browning 9mm semi-automatic pistol ang nakatutok sa kanya.

“Lumayas kang magnanakaw ka. Kung ‘di ay babarilin kita,” madiin ang pagkakasabi ng babae. Galit. Nagngingitngit sa galit. Katulad ng matinding sikat ng araw sa labas.

Hindi makakilos si Roger. Naguguluhan siya.  Pamilyar ang tinig ng babae. Hindi niya magawang ipukol ang batong hawak niya. 

Akmang tatalilis na si Roger nang biglang mapansin ng babae ang batong hawak niya.  Bago pa man ito maibato ay kinalabit na niya ang gatilyo ng baril. Umalingawngaw ang putok at nasundan pa ito ng tatlong beses dahil sa sobrang nerbiyos noong babae.

Bagama’t napapikit ang babae nang kanyang pakawalan ang mga putok, sapol sa dibdib si Roger. Tagos ang dalawang bala sa katawan nito.

Napatumba si Roger. Sumalampak ang kanyang katawan sa sahig.

“Ccc….. Ccristina Fferrrer?” pinilit ni Roger na mabigkas na malinaw ang pangalan. Lalo pang bumilis ang pintig ng kanyang puso.

“Sino ka? Bakit mo ako kilala?” tanong ni Tina sa lalaking duguan sa harap niya. 

Hinahabol na ni Roger ang paghinga, “Huwag mo na ak-kkong kki-kkilalanin. Sorry. Pattawarrin mo akkko.”

“Huwag mo ipappaa-alam kay Chris.. Cchristopher,  ‘yung anak kko.” Pinipilit ni Roger na ngumiti pero hindi niya magawa “Sunodss ‘pangalan mo.”

Natigilan si Cristina.  Parang nabuhusan siya ng malamig na tubig.

“MA, ANONG nangyari? Anong putok….” Humahangos ang binatilyong papasok sa silid nang matambad sa kanya ang inang may hawak ng baril kaharap ang lalaking nakalugmok at duguan.

“Jj---Jjjericho, huwag ka nang lumapit dito.  Tttu-tumawag ka na ng ambulansiya,” utos ni Tina sa anak. 

Agad na tumalima si Jericho. Hinanap ang directory at pumindot ito sa telepono.

“ROGER Corrales?  Bakit? Annong nangyari??” nagitla si Tina.  Tatlong dekada nang hindi sila nagkita ng kababata at ngayon pa’y sa hindi inaasahang pagkakataon.

“Anng pamato…” napapikit si Roger at napangiti, tila umaapaw ang diwa.

“Nasa iyo pa ang pamato.. Ssa-salamat.” Ibinuklat ni Roger ang kanyang kanang palad.

“Oo. Nasa akin pa ang pamato. Gaya ng pangako ko..” Nagsisimulang pumatak ang mga luha ni Tina.

Pilit namang binubuksan ni Roger ang kanyang polo. Lumapit si Tina at tumambad sa kanya ang tattoo sa dibdib ni Roger.  Bagama’t duguan, kitang-kita ni Tina ang isang sixteenth note katulad ng inukit nila sa puno ng mangga noong bata pa sila.  Matingkad ang pagkakaukit ng kalahati ng bilog na parang titik C at ang tangkay ay matingkad ang ukit na parang titik F na siyang initials ni Tina.  Bumuhos na ang luha ni Tina, napaupo siya sa tabi ni Roger. 

Itinataas ni Roger ang kamay papunta sa mukha ni Tina. Kinuha ni Tina ito at idinampi sa kanyang pisngi.  Naramdaman ni Tina ang pagpisil ng kamay ni Roger na tila pinapawi ang mga luha nito ngunit nanghihina na ito.

Hindi na napigil ni Tina ang pagdaloy ng luha.  Si Roger ang kanyang kaibigan, ang kanyang tagapagtanggol noon.  Siya ang sumasaway sa mga nang-aalipusta sa kanya dahil sa kanyang kapansanan.  Pinagbabantaan ni Roger ang nang-aaway sa kanya.  Pero umalis sina Cristina sa San Isidro at lumipat sa Nueva Caceres.  Labing-isang taong gulang pa lang sila nang magkahiwalay.  Tanging ang pamato sa mga larong kalye ang naiabot ni Roger na alaala para kay Tina, na sinuklian ni Tina ng halik sa pisngi bago tuluyang umalis. 

Matagal na panahon ang lumipas. Katulad ni Tina, inasam-asam ni Roger na muling magtagpo ang kanilang mga landas.  Makailang ulit na lumipat ng tirahan sina Tina kung saan man madestino ang kanyang ama.  Sinikap ni Roger na hanapin si Tina pero nanatiling bigo siya.

At ngayon nga, sa wakas ay muli nilang natagpuan ang isa’t isa.  Napapasinghap na si Roger.

“Jericho, ano ba? Wala pa bang ambulansiya??”  pabulyaw na sigaw ni Tina sa anak.  “Isinunod ko sa pangalan mo,” baling niya kay Roger na nakatulala.

“Jericho, tumawag ka na ng kapitbahay… tumawag ka na ng saklolo…” gumagaralgal na si Tina. Nadadaig na ng kanyang hagulhol ang kanyang palahaw. 

“DADDY… BARIL KO,” bulong ni Christopher habang tulog.   “Baril ko….” Napabalikwas si Cristopher at hinahanap ang laruang baril-barilan.  Humihikbi na ito.

“Ano bang hinahanap mong bata ka,” usisa ni Elena sa anak na kanyang pinapaypayan.  Magtatakipsilim na’y pawisan pa rin ang mag-ina dahil tatlong araw na silang naputulan ng kuryente.  Ibinaliktad na ni Roger ang kuntador ngunit bumalik ang mga taga-Meralco at tuluyan nilang tinangay ang kuntador sa kuryente. Hindi tuloy nila magamit ang kakarag-karag na bentilador. 

“Wala yung baril mo, saan mo ba kasi inilagay?  Ito na lang.” Iniabot ni Elena kay Cristopher ang dumptruck na laruan.  Hinawakan ni Cristopher ang laruan at muling nahiga.  Kinuha niya ang boteng naglalaman ng kape at isinubo ito.  Dapat gatas ang iniinom nito pero walang magawa si Elena.  Umaasa siyang magkakalaman din ang kanilang tiyan pagdating ni Roger.

Muling napapikit si Christopher. Gumulong ang dumptruck sa kanyang katawan.  Maski papatulog ay napahigpit pa rin ang hawak ni Cristopher sa pising nakatali sa dumptruck.  Bumitin ang dumptruck habang unti-unting humuhulagpos ang tali sa pagkakahawak ni Christopher.  Hanggang sa tuluyang bumagsak ang dumptruck sa lupa.

“DADDY….” pabulong na sambit ni Christopher na tila nanaginip lang.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment