RSS

Korona - maikling kwento

"Korona"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Ben
blog : Rated E!



Si Jonah ang isa sa mga pinakamagandang manika sa loob ng Toy Store. Maliban sa nakasuot ito ng bulaklaking damit na tineternohan ng magagandang pulseras at hikaw, si Jonah ay ang may pinakamahaba’t malambot na buhok.

Ngunit sa kabila ng gandang taglay ni Jonah, siya ay mayabang. Ni hindi siya nakikipagusap sa ibang manika. At maliban sa pagiging isnabera, mataas ang pangarap ni Jonah na makuha ng isang batang mayaman at manirahan sa nakapalaking bahay.

“Ayokong mapasakamay ng kung sino-sinong bata lamang. Gusto ko, kagaya ko, maganda. Gusto ko, ilalagay ako sa isang malaking bahay.”

Sasagot naman ang iba pang manika sa pagyayabang ni Jonah.

“Pero Jonah, tayo ay nilikha hindi para pumili ng batang pasisiyahin. Dapat kahit sino, mapasiya natin.”

Nagmamaktol na sasagot si Jonah. “Ah basta, ayoko ng kung sino-sino lang. Gusto ko mayaman at magandang bata, gaya ko!”

Bago pa man magtuloy ang paguusap ng mga manika, tumunog na ang bell na nakasabit sa pintuan ng Toy Store. Ito ang hudyat na magsisimula ng pumasok ang mga kostumer.

Maraming bata ang nagpalakad-lakad at tumingin sa mga manika. Iba iba ang manika; may hitsurang haponesa.; ang iba, naka-Filipiniana; ang iba, nakasuot na pang-beauty pageant. Sa dami ng mga bata, nadumog ang mga manika. Halos nasipa pa ang iba at nasagi.

Habang nilulunod ng ingay ang buong Toy Store, iisang bata ang tanging humawak at yumakap kay Jonah. Ang bata ay si Jen.

“Oh, Jen, yan na ba ang gusto mo?” tanong ng lalake na nakatayo sa counter.

Hindi makasagot ang batang si Jen. Tila nagdadalawang isip ito lalo pa’t nakita ang mamahaling presyong nakasukbit sa manika.

“Sabi ko naman sa’yo, kahit anong gusto mo ngayon, bibilhin natin. Siempre, birthday mo eh!”

Hindi na nakasagot pa si Jen. Ngumiti ito at hinaplos ang mahabang buhok ng manika.

Hindi nagtagal, nagbayad si Jen at ang Naytay nito at umalis na bitbit ang manikang si Jonah. Bakas sa mukha ni Jen ang di maipintang saya na bibihira din niyang maramdaman dulot ng kanyang karamdaman at kahirapan ng pamilya.

Sa kabilang banda, sa pagsarado ng pintuan ng Toy Store, may malaking tandang pananong ang gumuhit sa mukha ng ibang manika. Sadyang kakaiba ang batang babaeng nakakuha kay Jonah. Sa pisikal na anyo pa lamang, ibang iba na sa inaasahan ni Jonah.

***
Pagdating sa bahay, aksidenteng nabitiwan ni Jen si Jonah. Humampas ang ulo ng manika sa sahig. Paano’y panay-panay ang ubo ng bata at tila nahirapan pang huminga. Sa ilang daang hakbang at pagsakay ng jeepney, tila milya na ang nilakbay ng batang si Jen.

“Sabi ko sa’yo, dapat pala ay hindi ka na sumama. Napagod ka pa.” Pagaalala ni Mang Jopet, ang Naytay ni Jen.

Tanging paghihingalo ang naisagot ni Jen.

Agad dinampot ni Mang Jopet ang manika at inilagay sa upuan. Samantala, sinamahan na ni Mang Jopet sa kuwarto si Jen para magpahinga.

Sa pagalis ng ama, mabubuhay si Jonah. Maigagalaw nito ang kanyang mga paa at kamay. Sa pagkurap nito, makikita niya ang kanyang bagong mundo. Sa kanyang kinauupuan, makikita niya ang sira sirang sofa. Sa ding-ding ay nakapaskil ang iba’t ibang mukha ng mga babae at lalake na may iba’t ibang gupit. Naroroon din ang sira-sirang kalendaryo kung saan nakabilog ang petsa ng kaarawan ni Jen. At sa gilid, may isang malaking salamin na may upuan. Sa mesa ay nakalagay ang mga gunting at iba’t ibang panggupit. Sa sahig, nagkalat ang ilan pang buhok na hindi pa nalilinis. Mayroon ding mga plastic na kahon na naglalaman ng mga pang-manicure.

Nalungkot si Jonah. Hindi niya inaasahan na iyon ang bago niyang paraiso. Sa halip na malaking bahay ang kanyang tuluyan, nakasiksik siya sa isang masikip at maliit na bahay. Halos hindi rin niya matiis ang dami ng langaw na lumulipad at ang ingay ng kahol ng aso sa katabing bahay. Ngunit ang mas ikinagulat ni Jonah ay nang makita niya ang larawan ng mag-ama.

Kitang-kita ni Jonah na kalbo si Jen sa larawan ngunit nanatiling nakangiti. Halos hitsurang matanda na rin ito. Kulubot ang mga balat. Bahagyang nakaluwa ang mata at nakasalamin. At halos kitang kita ang ugat sa uluhan. At si Mang Jopet naman, lalake man ngunit nakadamit pambabae.

Akmang hahawakan na sana ni Jonah ang larawan ng mag-ama nang basagin ang katahimikan ng yabag ng mga paa ng isang nagmamadaling bata. Dali-dali namang nagbalik sa pagiging manika si Jonah.

Tanging sigaw ni Mang Jopet ang dumagundong, “Jen, maya maya magpahinga ka na ha! Tama na yang paglalaro!”

“Opo, Naytay!” Sagot ng batang halos hindi magkamayaw sa kagustuhang malaro ang bagong manika.

Pagdating sa sala, agad na kinuha ni Jen si Jonah sa sofa. Kumuha ito ng suklay at sinuklay ang nakapaganda, mahaba at malambot na buhok ni Jonah.

Habang sinusuklay ni Jen ang buhok ng manika ay nagwika ito, “Buti ka pa, napakaganda ng buhok mo.”

Bago pa man makapagsalita pa si Jen, tatlong batang lalake ang dumungaw sa kanilang bintana at nagsumigaw nang “Duwende! Duwende! Nuno sa Punso!” Sinabayan pa ito ng malalakas at malulutong na halakhak.

Nang marinig ni Mang Jopet ang sigaw ng mga bata ay agad itong lumabas at itinaboy ang mga makukulit na paslit. Parang mga bangaw na umaaligid na itinaboy ni Mang Jopet ang mga nangaasar na paslit.

Si Jen, tila napatingin na lamang sa kanyang Naytay at bumagsak ang luha nito. Tila ilang taon na rin siyang tinutukso ng mga bata sa kanilang lugar sa kanyang kakaibang hitsura. Kung hindi man siya kinukutya o sinasabihan ng “malas,” madalas siyang katakutan o pandirihan.

Kakaiba si Jen sa ibang mga bata. Di gaya ng normal na bata, mabilis ang pagtanda ni Jen. Simula ng tumuntong ito sa edad na sampu, tila mas naging mahina na ang katawan nito. Ayon sa mga doktor, si Jen ay isa sa milyong milyong bata sa buong mundo na may kaso ng Progeria, isang sakit agad na tumatanda ang katawan ng bata; na sa pagtuntong sa edad na sampu, halos edad kuwarenta y singko na ang pangangatawan nito.

Maliban sa alam ni Jen na siya ay ampon lamang ng kanyang Naytay, alam din niya ang sitwasyon ng kanyang kalusugan. Hindi na rin ito inilihim ni Mang Jopet sa kanya. Dahil nga rin sa madaling mapagod si Jen, hindi na nito nakuha pang makapagaral. At upang umiwas sa pangungutya ng ibang bata, hindi na nito nakukuha pang lumabas.

Nagsimulang lumubog ang araw. Kahit alas-siyete pa lamang, tila hapong-hapo na ang katawan ni Jen sa maghapong pakikipaglaro kay Jonah.

“O magpahinga ka na!” Paalaala ni Mang Jopet kay Jen. Nagpaubaya naman ang bata.

Bago matulog si Jen, inilagay niya si Jonah sa gilid ng kanyang kama. Siniguro niya na maayos ang buhok nito at hindi marurumihan ang bulaklaking damit. Naglagay pa nga ito ng malabot na unan para masandalan ng manika.

At bago mahiga, hinalikan ni Jen si Jonah at nagwika, “Matulog ka na rin para bukas maglalaro ulit tayo.”

***
Tulog na tulog na si Jen nang magkamalay si Jonah. Sa pagmulat ng mata ng manika, agad nitong nakita ang maliit at kulu-kulubot na katawan ni Jen. Sa isip isip ni Jonah, hindi ang katulad ni Jen ang batang nababagay sa kanya. Lalo pa’t hindi masaya si Jonah sa tinitirhan nina Mang Jopet. Kaya naman dali dali itong kumilos at umalis ng bahay.

Nagsimulang baybayin ni Jonah ang katabing subdivision ng tinutuluyang bahay nina Mang Jopet. At sa di kalayuan, natanaw ni Jonah ang isang napakalaking bahay. Nagsusumabog ang liwanag mula sa mansion at ang bakod ay sadyang napakataas.
Sabi ni Jonah sa kanyang sarili, “Dito ako nababagay!”

Mas natuwa pa si Jonah nang makita ang batang babae na bumaba sa kotseng pumarada sa harap ng bahay. Maganda at makinis ito, gaya niya.

Dahil sa mga nasaksihan, gumawa ng paraan si Jonah na mapansin. Agad itong naglakad patungo sa kinapaparadahan ng kotse at isinilid ang sarili sa bandang gulungan.

“Wow! May manika!” Agad na dinampot ng batang babae ang manika. Ang bata ay si Julie. Maputi, makinis at may mata na kulay asul.

Hindi nagtagal, bitbit ng batang babae, naipasok si Jonah sa loob ng malaking bahay. Sa loob ng mansion, agad na isinilid si Jonah sa kuwarto ng bata na puno ng naggagandahan ring manika.

Nang mailagay na si Jonah sa hanay ng mga magagandang manika, nakadama ito ng saya. Para kay Jonah, ito ang mundong nababagay siya. Naka-aircon ang buong bahay. Maliwanag ang kapaligiran at mabango. At andon ang iba pang mga magagandang manika na gaya niya.

Ngunit tila nagkamali si Jonah.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ng isang manika.

“Wag mong sabihing dito ka titira?” tanong ng isa pang manika na naka-sumbrero.

“Gusto ko rito. Malaki at malinis ang bahay. Bagay ako rito.” Payabang na sagot ni Jonah sa iba pang mga manika.

“Naku, nagkakamali ka. Hindi masaya ang buhay dito.” Wika ng isa pang manika na halos tanggal na ang balikat.

“Ano’ng nangyari sa balikat mo?” Tanong ni Jonah sa manika.

Sasabat ang isang manika at nagwika, “Kung gusto mo pang mabuhay, umalis ka na sa bahay na’to. Siguradong sasaktan ka lang ni Julie. Gaya namin.”

“Ha? Hindi ako naniniwala sa inyo. Napakabait nga ni Julie at kinuha niya ako sa kalsada. Ah basta, dito ako titira. Na-i-insecure lang siguro kayo dahil maganda ako.” Sabay umirap si Jonah at naupo.

“Bahala ka. Basta pinagsabihan ka namin. Wag mo kaming sisihin sa huli.”

***
Kinaumagahan, tila nagkatotoo na ang sinabi ng ibang manika kay Jonah. Halos walang tigil si Julie sa pagkaladkad kay Jonah. Iwinawasiwas ni Julie si Jonah habang hawak ang mahabang buhok ng manika. At dahil nasa hardin si Julie, halos napuno ng putik ang damit ng manika. Walang nagawa ang iba pang manika kundi pagmasdan kung paano pinaglaruan si Jonah.

Nang mapagod si Julie at pumasok sa loob ng bahay, naiwan si Jonah sa may hardin at balot ng putik. Ang damit nito ay nagkapunit punit at halos matanggal na ang sapatos na suot. At ang buhok ni Jonah ay basang basa at nabahiran ng putik. Halos hindi makilala ni Jonah ang kanyang sarili sa sinapit sa kamay ni Julie.

Habang pinapahid ni Jonah ang dumi sa kanyang damit at pilti na nililinis ang buhok, isang pamilyar na boses ang bumasag sa kanyang kalungkutan. Narinig ni Jonah ang boses ni Mang Jopet.

Dali daling kumilos si Jonah at pumaroon sa kinaroroonan ng boses. Agad niyang natanaw sina Mang Jopet at Jen. Masayang masayang inaayusan ng buhok ang ina ni Julie, si Donya Lydia.

Sa pagmamasid ni Jonah, naramdaman niya na gusto niyang bumalik kay Jen. Naisip niya na kahit mahirap lamang sina Jen, inaalagaan siya at itinuturing siyang parang tao. Hindi tulad dito sa mansion, bugbog sarado ang kanyang katawan sa paglalaro ni Julie. Ang problema nga lang ni Jonah, nahihiya na siya kay Jen lalo sa ginawa niyang paglalayas.

Matapos ang ilang minuto ay natapos na sina Mang Jopet at si Jen sa pagaayos ng buhok ni Donya Lydia. Tumayo na ito at inabutan ng bayad ni Donya Lydia. Ito na rin ang naging hudyat tuluyan nang mawala ang pag-asa ni Jonah na takasan ang kamay ni Julie.

Papaalis na sina Mang Jopet at Jen nang damputin ni Julie si Jonah. Makikita ni Jen na halos kinakaladkad ni Julie ang manika. Makikita ni Donya Lydia si Julie at tatawagin ito.

“Julieeeeeee! Saan ka pupunta? Wag kang lalabas ng bahay ha!”

Hindi sasagot si Julie at tuloy pa rin sa pagkaladkad ng manika.

Habang papalapit sina Mang Jopet, Donya Lydia at Jen sa kinaroroonan ni Julie sa may hardin, nagwika si Jen, “Gusto mo, linisan natin yang manika mo? Ang dumi kasi.”

Napatingin si Julie at nagsabi, “Wag na, itatapon ko na’to. Napulot ko lang naman to kahapon eh.”

“Ha? Naku, sayang naman.” Panghihinayang ni Jen.

Sumabat si Donya Lydia, “O Jopet, alam mo naman tong anak ko. Mabilis magsawa. Baka gusto niyo. I-uwi niyo na yang manika. Puede pa yan.”

“Nako, nakakahiya naman po.” Sabi ni Mang Jopet.

Haharapin ni Donya Lydia si Julie, “Julie, ibigay mo na sa kanila yan. Sa kesa itapon mo.”

Hindi na nagdalawang isip si Julie at ipinasa ang manika kay Jen. Sabay tumakbo paloob ng bahay ang batang si Julie at tila hindi naman mapakali sa saya si Jen.

***
Pagdating sa bahay, agad na nilinis ni Jen ang manika, si Jonah. Tinanggal nito ang mga putik sa buong katawan. Muling inayos ang halos natanggal ng sapatos. At pinatuyo ang buhok nito gamit ang bentilador. Halos maghapon din ang inabot para malinis ni Jen ang kanyang manika.

Ngunit tila bumigay na ang katawan ng bata. Sa hindi inaasahang pangyayari, nahirapan huminga si Jen. Awa naman ng Diyos, agad namang sumaklolo si Mang Jopet at pinainom ng tubig ang anak.

Inihiga ni Mang Jopet si Jen sa kama. Ngunit, tila hinang-hina pa rin ito.

“Anak, magpahinga ka muna. Magluluto muna ako ng ating hapunan.”

Sa pagalis ni Mang Jopet, nanatiling nakahiga si Jen sa kama. Tila naghahabol ito ng hininga at halos napikit na ang mata sa pagal. Saksi si Jonah sa sinapit ni Jen, sa sakripisyo ng bata.

Makalipas ng ilang minuto, naglakad si Jonah sa kinahihigaan ni Jen at nagwika ito, “Hi Jen!”

Tila walang narinig si Jen at muling nagwika si Jonah, “Hi Jen, ako si Jonah, ang manika mo.”

Unti-unting dinilat ni Jen ang kanyang mga mata at nakita si Jonah. Sa halip na matakot, ngumiti si Jen at nagwika, “Pasensya ka na. Hindi ko pa nasusuklay ang buhok mo. Napagod kasi ako.” Tila parang nanaginip lang si Jen nang makausap niya si Jonah.

“Jen, maraming salamat ha. Akala ko pababayaan mo na ako. Pero eto ka at nilinisan mo pa ako at muling binihisan.”

“Walang anuman.”

Pansamantalang binalot ng katahimikan ang kapaligiran bago nagwika ang manika.

“Jen, nakikita mo ba itong mahaba kong buhok. Gusto kong ibigay sa’yo. Bilang pasasalamat. Gamitin mo ito at sabihin mo kay Mang Jopet mo na gawing buhok mo.”

Hindi na nakapagsalita pa si Jen. Sumibol ang isang napakalaking ngiti sa mukha nito at ipinikit nang tuluyan ang mga mata.

***
“Happy Birthday, Anak!” buong siglang sigaw ni Mang Jopet habang bitbit ang isang cake na may nakasinding kandila.

Isang taon na rin pala agad ang nakalipas. At para kay Jen, isa na naman itong biyaya na muling madagdagan ang kanyang edad sa kabila ng karamdamang nagpapabilis ng kanyang pagtanda. Bagama’t kulubot na ang balat, mas nanghina at hindi na nakakalakad pa, pinilit pa rin ni Jen ang ngumiti at hipan ang kandila sa kanyang cake.

Sa pag-angat ng usok mula sa kandila, muling nasilayan ni Jen ang kanyang sarili sa salamin. Nakasuot siya ng salamin at panay na ang paglabo ng kanyang paningin. Pero ang laking gulat ni Jen, gandang ganda siya sa kanyang sarili na halos hindi niya maipinta ang nadarama. Nakasuot na siya ng wig na gawa sa buhok ni Jonah.

Itinaas niya ang kanyang kamay at ipinatong niya ang kanyang mga daliri sa kanyang ulo at dinama ang kakaibang korona na nagbigay sigla sa kanyang pagkatao. “May buhok ako,” ang tanging naibulong ni Jen sa kanyang sarili.

Sa unang pagkatataon, naramdaman ni Jonah ang maging maganda sa kabila ng kawalan ng buhok. Damang dama niya ang ngiti sa mukha ni Jen. Higit pa sa pagpapasiya ng bata ang kanyang naibahagi. Nagbahagi siya ng buhay.

Matapos ang ilang segundo, napatingin si Jen sa kanyang manika na si Jonah. Agad niya itong niyakap at ngumiti.

 “O, kainan na!” alok ni Mang Jopet kay Jen. Hindi na sila nagpaawat pa sa pagdiriwang ng regalo ng buhay kay Jen.








  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment