RSS

Taya - tula

"Taya"
Kategorya : Tula
blogger : Lio Loco


May mga taong nabubulag sa malutong na pagpitik
ng sariling kapalarang naghahabol,
katumbas ng sampung demonyong sumasamperwan
sa inutil na diskarte ng may bulbol pero walang bayag.
Nagigising nang tulog, binabangungot nang gising –
mga taong tamad humakbang, takot tumampisaw sa tubig
na inilatag, iginuhit ng tadhanang marka ng
kung sino ang hahabulin at kung sino ang taya.
May mga taong magbabahay-bahayan, maglalaro ng apoy
at mapapaso sa malibog na ningas. May tatay at
nanay ng pagkukunwari’t pangangalunya. Uulos ang
titeng maugat sa init ng suwail na puson — mapusok!
At ang anim at ang siyam ay magbubunga, tutulo ang gatas
sa murang isipan. Puputulin ang pusod, iiyak ang anak
at ang bahay-bahayan ay masusunog ng apoy na nilaro.
May mga taong walang pakialam – walang sakong sa paa
dahil sa walang sawang pag-itsa ng tsinelas, itinutumba
ang preso ng pamamahinga at kamalayang malaya.
Henerasyon ng mga batang laging naghahabol, natutulog
nang hindi pumipikit, hinihingal dahil hindi namamahinga,
makikipaglaro sa parang ng pagkatuto’t teknolohiya.
At ang henerasyon ay patuloy sa walang-hanggang paghahabol,
makikipagluksong-tinik sa makabagong kagamitang binuhay
ng pamosong patinig, ng *maalamat na mansanas na kinagat
(maagang namatay), ng “mukhang aklat” na nilipol ang sansinukob.
Walang opinyon, walang pakialam, walang alam, wala lang.
May mga taong maagang tumanda sa pakikipag-taguan pung,
sa paghahanap ng dangal at dahilan, ng sagot at salapi.
Madilim ang paligid, mahirap umapuhap ang mga matang
pinagtaguan ng katarungan. Dahil ang buhay ay hindi patas at
ang mundo ay ‘di bilog na nilalaklak ng lasenggong hubad sa kanto.
Dahil bali-baliktarin man ang brip na may skid mark,
sadyang may mga nilalang na hindi natataya at may mga
“bagoong” na laging tinataya. Tinatamaan ng tansan,
iniimpyerno, sinasaksak ang puso, tumutulo ang dugo.
Patuloy na luluksuhin ang gomang bumubuhol sa bituka;
patuloy na paglalaruan ng mga diyablong diyos-diyosan,
ng mga tumatarantadong magnanakaw at mandarambong,
ng mga nasa taas na ayaw nang bumaba.
At ang mga nasa taas ay magpapahabol at tatakbo,
At ang mga nasa baba ay maghahabol at matataya.
At matataya. At matataya. At matataya.
Jack en Poy, holi holi hoy,
sino’ng matalo siyang unggoy!
*pagpupugay sa yumaong Steve Jobs, pambihirang kaisipang isinilang ng sangkatauhan

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment