"Malungkot na Masaya"
Kategorya : Tula
blogger : Gien
blog : Giensy
Nung una tayong nagkita
Ako'y lubos na natuwa
Dahil sa wakas magkakaroon
na ako ng makakasama
Makakaalis na rin
sa mga laruang naka-hilera
Sa iyong pag-uwi
agad akong niyakap, tinitigan
sa pagtulog ako'y katabi
Kasa-kasama mo'ko sa bawat sandali
Sa lubos na atensyon
tila wala nang mahihingi
Lumipas ang panahon
at napansin kong ikaw ay nag-iba
Di mo na'ko pinapansin
at marami kang ginagawa
Nauso ang Facebook
Habang ako'y nababalutan ng alikabok
Pero salamat pa rin at ako ay isinupot
Nang dahil doon alam kong sa'kin
ay hindi ka napu-poot
Dumating ang araw
na aking kinatatakutan
Nang ako'y ikinahon
at nilagay sa imbakan
Napuno ako ng takot
malungkot sa kadiliman
Umaasa na ako'y muling balikan
Nagdaan ang taon at isang araw
ang silid ay lumiwanag
Ako'y natuwa dahil mukha mo
ang una kong nabanaag
Lubos na nagalak
tila ayaw ko nang kumalas
sa iyong pagkakahawak
Nang bigla akong iabot
sa isang batang umiiyak
Nalaman kong siya pala
ay iyong anak
Ngayon alam kona kung
bakit mo'ko itinago
Yun ay para manatili akong bago
Ngayon sa piling ng iyong anak
muli ako ay masaya
Nagbalik sa'king alaala
ang masaya nating pagsasama
0 comments:
Post a Comment