RSS

Nawawala ang Tsinelas Ko - kwentong pambata

"Nawawala ang Tsinelas Ko"
Kategorya : Kwentong Pambata
blogger : Blessed Zyra



Masigla at masayahing bata si Manny. Tuwing umaga, tinutulungan niya ang kanyang nanay magtinda ng pinya. Tuwing gabi, tinutulungan naman niya ang kanyang mga kuya na magligpit ng pinagkainan. Tuwing Linggo, sinasamahan niyang magsimba ang kanyang mga magulang.

Araw-araw tuwing bakasyon, alas dose ng tanghali ang oras ng paglalaro ni Manny.

“Nay, aalis na po muna ako para maglaro sa labas,” sigaw ni Manny.
“Sige anak, ingat ka. Ingatan mo iyang tsinelas na regalo ng tatay mo sa iyo,” sagot ng kanyang nanay.

Araw-araw mabilis na tumatakbo si Manny papunta sa Burugan. Doon sila naglalaro ng kanyang mga kaibigan. Paboritong laro ni Manny ang tumbang preso.

“Sali ako, sali ako!” pagmamadali ni Manny.
“Sige pero taya ka,” sagot ni Jhong, ang matalik na kaibigan ni Manny.

“Oo ba, basta huwag sabay sabay ang bato ng tsinelas. Masakit ‘pag tumatama sa binti. Hoy Delio wag ung Rambo gamitin mo, ang kapal nun pag binabato mo, lugi ako,” sabi ni Manny habang kinakabit ang kanyang mga tsinelas sa kanyang mga kamay.

“O sige game na!” sigaw ng mga batang lalaki na kalaro ni Manny.
“1…
…2..”
At dineskartehan nila ang pagbabato ng tsinelas papunta sa latang binabantayan ni Manny.

Araw-araw ay naglalakad si Manny pauwi nang nakapaa. Masarap daw kasi sa pakiramdam ang gaspang ng kalsada.

“Manny! Tutulungan mo pa ako magtinda ng pinya, maghugas ka ng paa mo doon, dalian mo. Madudumihan din yang tsinelas pag sinuot mo,” sita ng kanyang nanay.

“Mamaya na po Nay. Madudumihan din naman po ang paa ko,” sagot ni Manny sabay hagis sa kanyang tsinelas papunta sa ilalim ng kariton ng kanyang ina.

“Hay, Manny. Wala kaming pambili ng tsinelas. Ingatan mo iyan,” sambit ng nanay ni Manny.

“Opo nay!” sagot ni Manny.

Isang gabi, matapos makipaglaro sa kanyang kaibigan at magtinda ng pinya ay tila pagod na pagod na umuwi ang masayahing si Manny.

“Naku, kulang ata ako sa tulog dahil nagpuyat ako para makakanood ng drama sa TV nila Aling Suling kagabi,” sabi ni Manny sa sarili.

Inihagis ni Manny ang kanyang tsinelas sa ilalim ng kama sabay tumalon dito upang matulog. Napakarumi ng kanyang paa na narungisan ang kobre kama.
“Haaay, makapagpahinga nga muna. Sarap mahiga,” sambit ni Manny.

Kinabukasan, nang maghahanda na si Manny upang tulungan magtinda ang kanyang nanay, hindi niya makita ang kanyang mga tsinelas.

“Nay… Nakita niyo po ba ang tsinelas ko?” tanong ni Manny.

“Hindi anak, hanapin mo na lang at binabalot pa namin ng mga kuya mo itong mga pinya. May order si Aling Suling. Ihatid mo ito sa kanya mamaya.” Sagot ng kanyang ina.

Winalis ni Manny ang ilalim ng kanyang kama. Ginalugad niya na rin ang ilalim ng bawat lamesa at kabinet sa kanilang bahay.

“Naku, paano po iyan? Hindi ko po talaga makita,” sabi ni Manny.

“Baka nilayasan ka na ng tsinelas mo. Ayaw mo kasi ingatan. Hagis ka ng hagis!” sigaw ng tatay ni Manny na paalis na para mamasada ng pedikab.

“Ay baka naiwan ko sa Burugan.”
“Nay, punta lang po ako sa Burugan, baka nandoon po ang aking tsinelas,” sabi ni Manny.

Naabutan ni Manny na naglalaro ang mga kaibigan sa Burugan.

“Jhong, nakita mo ba ung tsinelas ko?” tanong ni Manny. “Bakit?” sagot ng kanyang kaibigan.

“Nawawala ang tsinelas kooooooooooooooooo!!!” galit na sagot ni Manny.

“Naku hindi, wala akong napansin. Hanapin na lang natin,” sagot ni Jhong.

Sa gitna ng kanilang paghahanap, nakasalubong sila ng isang batang may kakatuwang damit at suot niya ang tsinelas ni Manny.

“Hoy bata, tsinelas ko yan. Akin na yan!” sigaw ni Manny.

“Oo nga, ibalik mo yan, ba’t ka kumukuha ng hindi mo gamit?” gatong ni Jhong.

“Manny…” sagot ng bata.

“Hoy bata, bakit mo alam ang pangalan ko, minamanmanan mo ba ako? Magnanakaw ka talaga ‘no?” sagot ni Manny.

“Oo nga, magnanakaw ka ‘no?” dugtong na naman ni Jhong.

“Hindi, hindi ako magnanakaw,” sagot ng bata.

“E ano ka?!” pikon na sigaw ni Manny.

“Oo nga, ano ka?!” gatong muli ni Jhong na kanina pa inuulit ulit ang sinasabi ni Manny.

“Duwende ako. Doon ako nakatira sa ilalim ng kama mo, Manny,” ang mahinahong sagot ng bata na nagpakilalang duwende.

“Du-du-du-wende ka-ka-ka? E bakit ang laki mo? Bakit kasing laki ka namin? Hoy Jhong, wag mong uulitin ung sinabi ko pwede ba?” tanong ni Manny.

Tumango na lang si Jhong ngunit lumapit siya sa duwende at kinurot-kurot ang pisngi nito.

“Ako si Mirshan. Isa akong duwende at matagal ko nang pangarap magkaroon ng tsinelas. Akala ko kasi ayaw mo sa tsinelas mo kasi napapansin ko, palagi mo lang itong hinahagis. Kung gusto mo, sa’yo na lang itong sapatos ko,” alok ng duwende.

“Di ba wala kang sapatos Manny? Kapag sinuot mo ito, tandaan mo na hindi na ito matatanggal sa paa mo. Hindi na marurumihan ang paa mo, hindi mo na kailangan maghugas ng paa maya’t maya,” dagdag ng duwende na nakangiting lumalakad-lakad paikot kay Manny.

“Aaah, eeeh… Sige! Gusto ko n’yan. Basta walang bawian, saka wag mong sasabihin sa tatay ko na nasa iyo yan, kukutusan kasi ako nun,” sabi ni Manny.

“Sige. Walang bawian,” sagot ni Mirshan.

At sinuot nga ni Manny ang sapatos ni Mirshan at masayang masaya siyang naglakad lakad --- ito ang unang beses niyang nagkaroon ng sapatos.

Mabilis siyang tumakbo patungo sa tindahan ng pinya ng kanyang ina upang ipagmalaki ang kanyang sapatos.

“Nay! Nay! May sapatos na po ako!” sabi ni Manny.

“Saan galing yan anak? Parang nakakatawa ang itsura. Oo nga pala, nakita mo na yung tsinelas mo?” tanong ng nanay ni Manny.

“Bigay po sa aking ng isang duwende Nay, kapalit ng tsinelas ko,” sagot ni Manny.

“Pasensya na po Nay…” dugtong pa niya.

“Duwende?! Di bale, ingatan mo na iyang sapatos mo. Sayang naman ung tsinelas na regalo ng tatay mo anak,” sabi ng nanay ni Manny.

Malungkot na umalis si Manny at naglakad nang nakatingin sa lupa. Nanghihiyang siya sa kanyang tsinelas na ipinagpalit niya sa sapatos ni Mirshan. Naalala rin ni Manny ang saya sa mga mata ng kanyang ama ang tuwa nang bigyan siya nito ng tsinelas.

“Manny! Tumbang-preso tayo!” sigaw ni Jhong habang kumakaway-kaway mula sa malayo.

Napatingala si Manny at sabay tumakbo papalapit sa mga kaibigan. “Sige!” masiglang sigaw ni Manny.

“Sige, magpalit ka na muna ng tsinelas. Bawal sapatos dito, lugi kami kapag binato mo yan sa amin,” sagot ni Jhong.

“Jhong, hindi pwede. Sabi ni Mirshan, hindi ko na daw ito pwede hubarin ‘di ba? Hindi ko na ito pwedeng hubarin kapalit nung tsinelas ko.” sabi ni Manny.

“Ay! Oo nga pala, e di, hindi ka muna kasali Manny. Mukhang hindi ka na makakapagtumbang preso,” mabilis na sagot ni Jhong.

Umiyak, tapos ay humagulgol, tapos ay mabilis na tumakbo pauwi si Manny. Pagdating niya sa kanilang bahay ay lumuhod siya upang silipin ang ilalim ng kanyang kama at nagsisisigaw:

“Mirshan! Mirshan! Mirshan! Ibalik mo na ang tsinelas ko! Ibalik mo na ang tsinelas ko! Ayaw ko na ng sapatos mo Mirshan. Ibalik mo na ang tsinelas ko!!!”

Buong lakas na tinaob ni Manny ang kanyang kama upang hanapin si Mirshan pero wala siyang natagpuang duwende. Matapos ay naglupasay na lamang ito, umiyak at nagsisisigaw muli:

“Mirshan! Nasaan ka? Sabi mo dito ka nakatira sa ilalim ng kama ko! Ibalik mo na ang tsinelas ko! Ibalik mo na ang tsinelas ko! Bigay yun sa kin ng tatay ko. Hu---hu---hu.”

“Anak! Anong nangyayari dito?” mabilis na saklolo ng nanay ni Manny.

“Nay, pasensya na po kayo sa akin. Sorry po kung hindi ko po iningatan ung tsinelas na bigay ni tatay,” ani Manny na biglang yumakap sa kanyang ina.

“Anak, mahalaga ang bawat bagay na ibinibigay namin ng tatay mo sa iyo. Normal lang naman sa mga batang tulad mo ang maglaro, pero sana, huwag mo palaging paglaruan ang tsinelas mo. Lagi mo dapat iniingatan iyon, na kapag suot mo iyon, malinis din dapat ang iyong mga paa dahil marurumihan ang mga iyon at madaling masisira,” bilin ng kanyang nanay.

Sa gitna ng kanilang pag-iiyakan ay biglang may bumatok kay Manny.

“Aray! Tay!” sigaw ni Manny.

“O, eto nang tsinelas mo. Kinuha ko yan kagabi tapos inutusan ko si Mirshan, ung batang payaso sa birthday party ng anak ni Mang Karding na magpanggap na duwende,” natatawang sagot ng tatay ni Manny.

“Tay, bakit niyo po ginawa yun at bakit hindi po mahubad itong sapatos?” sagot ni Manny.

“Pwedeng mo iyang hubarin anak, hindi mo naman sinubukang hubarin dahil natakot ka sa duwende. Ginawa ko iyon para malaman mo ang kahalagahan ng mga bagay na pinaghirapan naming ibigay sa iyo anak. Mahal na mahal ka namin ng nanay mo,” ani ng tatay ni Manny at niyakap ang kanyang anak.

“Salamat Nay, salamat tay. Hayaan n’yo po, iingatan ko na po ito mula ngayon. Pero pwede pa rin po ba akong maglaro ng tumbang preso?” tanong ni Manny.

Tumango ang kanyang mga magulang sabay sabi, “basta ingatan mo iyan, at huwag sobra-sobrang gawing laruan.”

“Hay, salamat po! Ang saya ko, makakapagtumbang preso na ako bukas! Yes!”

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment