RSS

Kape, Teddy Bear at Pag-ibig - maikling kwento

"Kape, Teddy Bear at Pag-ibig"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Katrinadanieles

Kape, Teddy Bear, at Pag-ibig

“Sinong magbabayad?”                    

Bungad sa’kin ni Nicole na para bang nagpapahiwatig na ako dapat ang magbayad. Ang mahal pa naman ng pinili niyang lugar. Mamahaling coffeeshop.  Kung saan ang lahat ng mga malalaki ang sweldo,dito nagkakape. Hindi ko naman siya masisisi, nakasanayan na niya ang ganitong buhay.

Pinili kong sa loob nalang ng coffeshop  pumuwesto.  Nasa bandang sulok.  Kung saan merong dalawang itim na sofa na pang-isahan. Nasa tabi ng  salamin na  humihiwalay sa loob at labas ng coffeeshop.  Sa ganitong pwesto, madaling makita ang tanawin sa labas at medyo pribado dahil malayo sa ibang mesa.             

“Haha. Ikaw kaya ang nagyaya dito Nic.Pero  sige na nga. Ako na.  Hmmm,  bakit ka nga pala nagyaya dito? May okasyon?”  tanong ko sa kanya.

Medyo nakakabigla lang na magyaya si Nicole kasi hindi niya naman talaga ako pinapansin sa opisina. Oo, magka-opisina kami. Sa totoo lang, schoolmates din kami nung highschool,  iskolar ako sa pribadong eskwelahan na pinapasukan niya. Pero hindi niya ata alam na schoolmates kami. Ako lang nakakaalam na schoolmates kami, siya kasi ang prom queen.   

“Order muna tayo”, mungkahi niya sa’kin. Di niya na sinagot ang katanungan ko.

“Anong gusto mo?”

“Macchiato.”

Tinanong ko pa. Tuwing magkakape ang  mga magka-opisina, yan din ang  ino-order  niya.

“O  sige, ako na ang mag-oorder.”

Pumunta na ako ng counter at dun sumalubong sa’kin  ang babaeng naka-apron na kulay brown at nakatatak ang logo ng mamahaling kapehan. Tinanong ang order ko. Dun ko lang napag-isipan na brewed coffee ang gusto ko. Hinintay ko na  lang ang  order namin para ako na ang magdala sa mesa namin ni Nicole.

 Nang pabalik na ako ng mesa, di ko pa rin maiwasang mag-isip kung bakit nagyaya si Nicole.   
Nakatingin siya sa labas. Parang may iniisip na kung ano. Para siyang isang babae sa music videos ni Christian Bautista. Yung malungkot, tumitingin sa malayo, at tipong di maabot ng mga tulad ko.

 Dahan-dahan kong inabot  ang kape sa kanya.  Tinitigan niya ang kape, inamoy ng dahan-dahan, pumikit ng sandali,  humigop ng konti.  

“May sasabihin sana ako saýo, ” matamlay na saad ni Nicole.

“Ano yun?” tanong ko na may halong pag-aalala.

“Naalala mo ang company party?” 

“Oo naman. Pero dalawang buwan na yun ah. May hang-over pa?  Haha,” biro ko pero hindi naman siya tumawa kaya tumahimik na lang ako at  uminon ng mainit-init pang  kape.

“Ang ibig kong sabihin, what happened after the party.”

“Ah. Ganun ba? Sabi mo ayaw mong pag-usapan yun.”

 Napatingin ako sa tasa ko, sa kape ko.  Medyo nahiya ako. Parang nakakailang pag-usapan kung anuman ang nagyari nun.

“Well, I don’t want to talk about it pero kasi...kasi...”  

Humigop ulit siya ng kape,matagal.. parang ninanamnam ang likido, parang uubusin niya  lahat sa isang higop lang.

“Buntis ka Nic?” tanong ko sa kanya sa pinakamahina at malumanay na boses na kaya ko.    
Tinitigan niya ako. Tapos napatingin din siya sa kape niya. Hinihimas ang gilid ng puti at porselanang tasa. 

“This is not a big issue naman. Don’t worry,  hindi ako isa sa  mga babaeng maghahabol sa lalaki at ipagsisigawan na panagutan niya ang dinadala ko,” tinitigan niya ako ulit.

“I just want to let you know that I  don’t want to become a mother, not now, maybe, not ever.” 

“Nic, teka lang, mukhang nag-desisyon ka na ha. Wag kang mag-alala, pananagutan ko yan. Planuhan natin. 
May mga trabaho naman tayo.  Tsaka 26 na tayo, parang nasa edad na rin para mag-asawa.”
Tinititigan ko siya ng maigi habang sinasabi ang mga salitang yun. Pinapahiwatig na seryoso ako. 

“The thing is, hindi naman tayo Josh. At masaya ako sa buhay single. I want to maximize  my ‘singlehood.’ Ayoko pa ng ganyang resposibilidad Josh. I still wanna have fun.”

“Nic... Teka lang, wala ka na sa lugar niyan eh. May responsibilidad  din ako diyan.  Hindi lang ikaw ang magdedesisyon tungkol sa bagay na ‘to. “

“Katawan ko to Josh, ako pa rin ang magdedesisyon kung ano ang gagawin ko sa katawan ko. I shouldn’t have told you about this if I knew you’d  act like that.”

“Act like what? Like a responsible adult?”

“What do you mean? Irresponsable ako?” 

Medyo tumaas na boses ni Nicole kaya  nakakuha siya ng atensyon mula sa ibang customers.
Napatingn na din ako sa ibang customers. Bigla na lang tumayo si Nicole at dali-daling lumakad papuntang exit door.  Umalis ng padabog. Ang bilis ng pangyayari  kaya ginawa ko ang pinaka-posible ko lang gawin,ang habulin siya.  Buti na lang ang mga babaeng naka- 4 inch heels, hindi ganun kabilis lumakad kaya naabutan ko pa  siya.

“Nic, please, pag-usapan natin ng maayos to” medyo pahapo kong sinabi sa kanya habang  nakaharang  sa kanya.

“ Umalis ka nga sa dinadaanan ko Josh! ”

“Nic,pag-usapan natin to. Sige na please. Pangako,rerespetuhin ko ng maayos ang magiging desisyon mo.”
Kumalma siya. Matalim ang pagtitig niya sa’kin. Parang naghahamon. 

“Okay Josh, sayo na nanggaling yan, rerespetuhin mo ang magiging desisyon ko. Ako pa rin ang magsasabi kung ano ang gusto kong gawin sa katawan ko.”

Ganito talaga siya. Ikaw dapat ang nagpapakumbaba  kung kausap mo siya. Matigas kasi ang ulo. Sira-ulo minsan.

“Sabihin mo lahat ng gusto mo habang papunta akong Pandora’s Box.”

“Ha? Di’ba gift shop yun?”

 Parang ang weird  na nagyayaya  siya papuntang giftshop pero ayaw ko siyang iwanan at baka bigla siyang pumunta ng mag-isa sa abortionist at sabihin na lang isang araw sa’kin na- “Tadaa! It’s gone.”

“Nic. Makinig ka. Please pag-isipan mo muna ang desisyon mo,  pagsisimula ko ulit.  

“Josh ganito kasi yun, pinapa-simple ko lang naman ang lahat para sa’tin. I think that’s the most logical thing to do. Wala naman tayong commitment sa isa’t isa. And besides, ayaw kong sirain relasyon niyo ni Jessica.”

“Ha? Teka, anong ibig mong sabihin?  Magkaibigan lang kami nun, atsaka di kami talo nun. Ikaw nga ata gusto nun eh.”

Ewan ko  kung bakit pero parang natawa ako na inakala niyang kami ng ka-opisina namin. Yan kasi, hindi naman namamansin ng maayos si Nicole, ni di lang man tinanong kung saan ako nag-highschool. Eh di sana marami na kaming napag-uusapan, mas makikilala niya ako,mas makikilala ko siya..

“Ok, so wala kang commitment kahit kanino?”  tanong niya habang nakataas ang isang kilay.  

“Wala”.

Tumahimik siya. Walang may nagsalita sa’ming dalawa.  Lumalakad lang kami. Parang naglalaro, at kung sino ang unang magsalita, siya ang taya.  

“Ayan na ang gift shop,” pagbabasag  niya ng katahimikan sabay turo sa isang store.  

Pumasok na kami, at tumambad sakin ang  iba’t ibang laruang naka-display  sa mga estante.  Meron mga  animal stuffed toys, mga laruang sasakyan, iba’t ibang manikang parang nanggaling sa iba’t ibang lugar. Tapos sa gitna, merong candy bar, yung self-service na tipo ng candy bar. 

“Nic, bakit pala tayo nandito?”

“Bibili ako ng kendi,ganitong ginagagawa ko kapag masama ang pakiramdam ko. Kumakain ng maraming-maraming kendi. I buy as much as I want. Buti nga at di pa ako bungi at swerte ko lang hindi ako lumulubo. “

“Cute ka pa rin naman siguro kahit tumaba ka.. “

Napatingin siya sakin. Patay, bakit ko ba naman sinabi yun?  Gago ka Josh.. Kailangan kong mag-isip ng pang-change topic.

“Nic, ang ganda ng teddy bear noh?”  sabay turo sa isang teddy bear na ka-display sa isang estante.Desperado lang na baguhin ang topic. Sana hindi niya napansin na bigla kong iniba ang topic.
Tiningnan naman niy ang tinuro ko. Tinitigan niya ng maiigi. Di ko mapaliwanag pero may nagbago sa aura niya.  Pinuntahan niya  ang teddy bear sa estante. Kinuha . Tinitigan ulit. Niyakap.  Niyakap ng mahigpit.   Pumikit.

“Nic,ok ka lang?”

“Ok lang ako... Hmmm,   alam mo ba nung bata ako, binigyan ako ng teddy bear ng mama ko. Ganitong-ganito din ang itsura. Kulay brown, maamo ang mga mata, kasing laki ng unan. My mom told me that if I miss her,I just have to hug the stuffed toy and imagine I’m hugging her. Naalala kong  palangiti siya at mabait,mahinahon kung gusto akong pagsabihan, di niya nga ako pinalo kahit minsan kasi ayaw niyang nasasaktan ako. She’s a responsible mom. She’s perfect.  And I wanna be just like her.”

Medyo nabigla ako sa mga sinabi niya. Hindi ko akalaing makakarinig  ako ng mga ganung salita  mula kay Nicole.  Tumahimik na naman kami ulit.    

“Bilhin natin ang tedddy bear na yan?” yaya ko sa kanya.

Tahimik pa rin siya, nag-isip ng malalim, niyakap uli ang hinahawakan bago nagsalita...

 “Sinong magbabayad?”






  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment