RSS

Si Benjie, Renan at Utoy - kwentong pambata

"Si Benjie, Renan at Utoy"
Kategorya : Kwentong Pambata
blogger : Bino 
blog : Damuhan




Si Benjie ay isang bata'ng lumaki sa karangyaan. Walang bagay na hindi naibigay ng kanyang magulang. Mula sa masasarap na pagkain hanggang sa magagarang damit at gamit sa eskwela. Palibhasa'y pareho'ng kumikita ng malaki ang nanay at tatay niya kaya naman spoiled na spoiled siya sa mga ito. 

At dahil nga bata, normal sa kanyang edad ang mahumaling sa mga laruan. Lahat halos ng mga uso'ng laruan ngayon ay mayroon siya. Kahit pa ubod ng mahal ng mga ito. Hinding hindi siya titigil hangga't di siya naibibili ng kanyang nanay ng laruang kanyang magustuhan.

Bagamat may mabuting asal pa rin naman siya, isang kapintasan ay ang pagiging madamot nito. Walang sinuman ang nakakahawak o nakakagamit ng kanyang mga laruan kahit pa ang bunso niyang kapatid na si Renan.

"Kuya palaro naman ako ng PSP mo." hingi ng pahintulot ni Renan ng minsan siyang nakita nito na naglalaro ng gadget na nabanggit.

"Low-bat na eh. Next time na lang." sagot niya. 

"Di pa naman low-bat eh. Sige na kuya." samo ni Renan.

"Ayoko nga! Ang kulit mo. Baka masira mo pa to. Hindi mo to alam laruin!" singhal niya sa kapatid.

"Sige, eto na lang kotse-kotsehan mo. Di mo naman ginagamit eh."

"Di nga pwede! Bago pa yan! Isang beses ko pa nga lang yan nalalaruan eh. Baka masira mo! Umalis ka na nga dito!" 

Malungkot na umalis si Renan at pumasok sa kanyang silid. Nadatnan na lamang ito ng kanyang mga magulang na umiiyak. Sinabi nito'ng ayaw siyang pahiramin ng kanyang Kuya Benjie ng laruan.

"Benjie anak. Halika sandali" tawag ng kanyang ama.

"Bakit po daddy?" 

"Hindi ba sinabi namin sa yo ng mommy mo na huwag mo'ng pagdamutan ang kapatid mo? Bakit di mo siya pinahiram?" malumanay na sambit ng kanyang ama.

"Eh nilalaro ko pa po kasi yung PSP. At saka baka masira niya to." katwiran niya.

"Anak, masama ang maramot. Dapat matuto ka'ng magbigay. Kahit man lang yung kotse-kotsehan mo di mo pinahiram" paliwanag ng kanyang nanay.

"Eh ba't kasi puro na lang si Renan ang kinakampihan niyo?" ang nagtatampo niyang sabi.

"Hindi namin siya kinakampihan anak. Itinutuwid lang namin ang pagkakamali mo." sabi ng kanyang ama.

"Ako na lang lagi'ng mali. Lagi na lang ganun! Sana pala, di na lang ako nagkaroon ng kapatid para walang nangingialam ng mga laruan ko!" sigaw niya sabay takbo papasok ng kanyang kwarto. Naglock siya ng pintuan. Hindi niya pinansin ang pagkatok ng kanyang mga magulang. Nahiga siya sa kanyang kama at nagtalukbong ng kumot.

Ako lang ang maglalaro ng mga toys ko. Bawal manghiram. Ako lang! ang sabi niya sa kanyang sarili. 




“Goooood Morrrrnniinnng Benjie!!! Gising na! Maglalaro ka pa!” ang sabi ng isang boses kay Benjie. 

Pagmulat niya ng mata’y isang payaso ang bumulaga sa kanyang harapan.

“Mommyyyy!!!” ang sigaw niya dahil sa pagkabigla.

“Huwag ka’ng matakot. Hindi kita sasaktan. Ako si Utoy! Dinalhan kita ng maraming-maraming laruan!” sagot ng payaso.

“Te-teka, nasaan ba ako? Paano ka nakapasok dito? San sila mommy? Si daddy? Si Renan?” sunud-sunod na tanong niya.

“Nandito ka sa Laruanlandiya! Ang lugar na kung saan, wala ka’ng ibang gagawin kung hindi maglaro! Hindi ba’t gusto mo iyon?” 

“Talaga? Wow!! Ibig sabihin, walang mangingiaalam? Wala ri’ng manghihiram ng mga toys?” 

“Tomoh!!! Kaya bangon ka na diyan at simulan mo ng maglaro!” anyaya pa ng Payaso.


Agad siyang bumangon mula sa kama at lumabas ng kwarto. Tila nasa iba'ng dimensyon siya. Tumambad sa kanyang harapan ang isang lugar na pagkarami-raming laruan. Remote control cars, bisikleta, swing, toy guns, mga tau-tauhan, at maging ang mga high tech na gadgets gaya ng PSP, PS3, Xbox at WII. Kapansin-pansin din na may ibang mga bata na naglalaro din.

"May iba din'g mga bata?" ang kanyang tanong.

"Huwag ka'ng mag-alala, hindi ka nila pakikialaman. Dito sa Laruanlandiya, kanya-kanyang laruan. Walang hiraman. Ikaw lang ang maglalaro!" sagot ni Utoy.

"Wow Ayos!!!" sagot niya.

"O sige iwan na kita ha. Laro ka na!" at biglang nawalang parang bula ang payaso.


Tinakbo ni Benjie ang lugar kung saan nandoon ang PS3. Naglaro siya ng Tekken, God of War, Fight Night at iba pa. Nang magsawa'y Pinuntahan niya ang mga tau-tauhan. Pinagbukud -bukod niya ang mga ito ayon sa mga kulay. Matapos nito'y naglaro na siya ng gera-gerahan. Hindi pa siya nakuntento at dinampot naman niya ang laruang eroplano at kapagdaka'y pinalipad ito sa ere. 

Ganunpaman, nakaramdam siya ng pagkabagot. Nilapitan niya ang isang bata at niyayang maglaro.

"Ayoko. Gusto ko ako lang maglalaro." sagot sa kanya ng isa.

"Wag mo ko'ng pakialaman, ayoko ng may kalaro." sabi naman ng isa.

Halos lahat ng mga batang kanyang nilapitan ay ganun ang sinasabi sa kanya. Sa paglibot niya sa Laruanlandiya'y may nakita siyang isang magandang laruan na nilalaro ng isang bata. Bagong labas pa lang ang toy na yon at di pa siya naibibili ng kanyang magulang. 

Agad siyang lumapit sa bata.

"Bata, pahiram naman ako." sabi niya

"Low-bat na eh. Next time na lang" sagot ng bata. Ang mga salitang nabanggit nito ay ang mismo'ng salitang sinabi niya sa kanyang kapatid na si Renan.

"Sige na, pahiram please?" samo niya.

"Ayoko nga! Ang kulit mo. Baka masira mo pa to. Hindi mo to alam laruin!" galit na sabi ng bata sa kanya sabay tayo at lumipat ng pwesto.

Naramdaman niya ang bawat salitang binitiwan ng paslit. Kung paano ang kanyang pagkakasabi ng mga yon kay Renan ay ganun din ang pagkakabigkas ng bata sa kanya. 

Bumalik siya patungo ng kanyang kwarto. Akmang bubuksan na niya yon ng biglang may magsalita.

"Sawa ka na ba'ng maglaro Benjie?" si Utoy.

"Nakakalungkot pala ng walang kalaro. Nakakaiyak din nung pinagdamutan ako." ang sabi ni Benjie na may namumuo'ng luha sa kanyang mga mata.

"Alam mo na siguro ang pakiramdam ng kapatid mo nung gawin mo ito sa kanya." ang sabi ng payaso.

"Oo. Nasaktan ko pala siya. At ayoko ng ulitin yun. Sana mapatawad ako ni Renan." 

"Gusto mo na ba'ng umuwi?" tanong ni Utoy.

"Oo. gustung gusto ko na. Gusto ko ng makita ang kapatid ko. Pati sina mommy at daddy."

"Ok kung yan ang gusto mo. Pero lagi mo'ng tatandaan na masama ang maging madamot at makasarili. Ipangako mo na hindi mo na uulitin ang ginawa mo'ng pagkakamali."

"Promise. Salamat Utoy!"

"Walang anuman. Sige pumasok ka na sa kwarto mo at babalik ka na sa mundo ninyo."

Isang nakakasilaw na liwanag ang pansamantalang bumulag sa mga mata ni Benjie nang buksan niya ang pinto. Nang bumalik ang kanyang paningin. nasa sariling higaan na siya. Normal na ulit ang paligid. Agad siyang lumabas ng kanyang kwarto at pinuntahan ang kapatid.

"Renan. Sorry sa mga nasabi at pagiging madamot ko. Di ko na uulitin. Pramis." hingi niya ng paumanhin sa bunso niyang kapatid.

"Di ka na galit sa kin kuya? Pwede na tayo'ng maglaro?"

"Oo. Pwedeng pwede na." sabay yakap sa kapatid.

Masaya silang pumunta sa sala at naglaro. Ang kaibahan nga lang, Pinapagamit na ni Benjie kay Renan ang kanyang mga laruan. Tinuturuan na niya rin ito kung paano laruin ang mga high tech niya'ng toys. 

Mula noo'y hindi na naging madamot si Benjie na ikinatuwa naman ng kanyang mga magulang. 

Wakas.


Ang lathalaing ito ay opisyal na kalahok sa ikatlong Saranggola Blog Awards para sa Kategoryan’g Kwento’ng Pambata

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment