RSS

Okavango - maikling kwento

"Okavango "
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Allen Yuarata



Nagngingitngit sa galit ang araw nang magising ako, isang umaga sa panahon ng tag-init. Marahil ito na ang pinakamainit na araw sa taong ito at hindi ko mawari kung saan kami patungo. Ginising ako ng aking kapatid upang magsimula nang maglakbay. Si Ama, na siyang pinuno ng aming tribo ay kanina pang wala sa aming buklod.

Ako si Madu, bunsong anak ni Duma, ang ikaanim na pinuno ng tribong Kwara. Kami ay mga Loxodonta africana, isa sa pinakamalaking nilalang na nabubuhay sa Savanna. Kami ang hari ng lugar na ito, marahil pangalawa sa mga Leon (na pilit itinatanggi ng aking ama).

Ang aming tribo ngayon ay nasa kalagitnaan ng paglalakbay patungo sa paraisong tinatawag nilang Okavango. Lumaki ako na inaakalang ito ay mararating lamang sa pamamagitan ng kamatayan sapagkat sabi ni Ama, si Lolo ay nasa Okavango na at nagpapakasasa sa biyayang tubig at mga halaman nito.  Ang Okavango raw ay ang pinakamasaganang lugar sa buong mundo. May malawak na latian, kagubatan, malinis at malamig na tubig na umaagos sa ilog nito. Ito ang langit sa lupa. Isang lugar na kailangan naming marating sa lalong madaling panahon.

            “O, ano pang hinihintay mo, maiiwanan na nila tayo!” ang biglang sigaw ni Kuya na sumama na sa exodus.

Dali-dali kong ibinuhol ang aking bulaylay sa punong aking sinilungan at tinulungan ang aking sariling tumayo. 
Nagsimula nang pumarada ang tribo na marahil ay aabot ng isang milya ang haba. Dahan-dahan kami sa paglalakad, kanya-kanyang pagtitipid ng enerhiya at pagkain sapagkat ang sinumang mahuli, maiwan o maligaw ay magiging hapunan ng kaaway.

            “Gaano pa ba tayo kalayo mula sa Okavango? Gusto ko nang maglaro sa tubig.” Ang biglang tanong ko kay Kuya.

            “Mga dalawampung milya pa siguro. Yun ang dinig ko sa pag-uusap nina Ama at ng mga Punong Elepante.”

            “Gaano kalayo ang apat na milya?”

            “Siguro mga dalawampung libong hakbang ng unang dalawang paa.”

            “Malapit na pala tayo! Di na ‘ko makapaghintay na makita si Ina!” ang masaya kong sabi habang tumatalon-talon sa mga patay at tuyong halaman.

Hindi namin kapiling si Ina. Nilisan nya kami nung bata pa lamang ako. Sumama sya sa isang Tao na pinangakuan syang pakikinisin ang kanyang mga pangil upang sa oras na maging pinuno si Ama, sya naman ang magiging pinakamagandang Elepante sa buong Kwara. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin bumabalik si Ina. Ang kwento ni Ama, matagal daw matapos ang pagpapakinis at pagpapaganda ng pangil, hindi pa kasama doon ang tagal ng paglalakabay mula sa Okavango. Ngayong papunta na kami doon, alam ko na kung gaano ito kalayo at marahil ay makakasalubong namin sya.

Matalik naming mga kaibigan ang mga Tao. Hindi sila nakatira sa Savanna, paminsan-minsa’y bumibisita sila upang tingnan kami at ang kagandahan ng aming paligid. Taon-taon, pumipili sila ng limang Elepante mula sa aming Tribo upang dalhin sa Zoo. Ang Zoo daw ay isang pook kung saan malayang nakikipaghalubilo ang mga Elepante sa mga Taong namamangha sa amin. Inihayag ko kay ama ang kagustuhan kong lumipat sa Zoo kapag narating ko ang Okavango kahit pa tutol dito ang aking kapatid.

Sumapit ang kalagitnaan ng hapon at patuloy parin ang aming exodus.  Hindi ko parin nakikita si Ama sapagkat siya ay nasa unahan ng Tribo. Nababalutan ng alikabok ang buklod mula sa libu-libong mga paang bumabayo sa tuyong lupa. Ang iba sa amin ay bulag na sa ilang linggong pagkakababad sa alikabok ngunit wala rin kaming magawa. Naging mainit na mainit ang klima sa Mababe, ang aming dating tirahan, at napilitan na rin kaming lisanin ito. Nung ako’y maliit pa, sagana ang aming tahanan. May tubig, may halaman, may puno at maraming hayop ang nakatira dito. Kasama pa namin sa lugar na iyon ang mga Impala na sya naming kaalyado laban sa mga Leon. Ngunit unti-unting naupos ang kasaganaan ng Mababe at naging disyerto na ito. Naubos ang mga halaman, natuyo ang ilog at lawa at nagmistulang sementeryo sa dami ng mga natatagpuang  patay kinabukasan. Madalas din kaming nakakarinig ng malalakas na pagputok at dagundong mula sa kung saan at bigla-bigla’y may isa kaming matatagpuang nakahandusay sa damuhan, naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay. Karamihan dito’y mga Impala kaya’t nagsimula na rin silang lumisan. Hindi namin mawari kung sino ang may gawa noon sapagkat hindi namin nakikita ang mga Leon; basta’t alam naming sa oras na may pumutok, may mamamatay. Nang magpulong ang mga Puno, napagpasyahang ang mga Buwitre ang siyang may gawa noon. Hindi namin batid kung paano nila ito ginagawa ngunit sila lamang ang may kakayahang lumipad, gumalaw ng pagkabilis-bilis at pumatay.

Ngunit wala na akong natitirang panghihinayang sa Mababe. Ang Okavango na ang aking magiging susunod na tirahan at magiging masagana kami doon. Ako, si Kuya, si Ina at ang aking Tribo. Marahil ay makikita ko rin doon ang mga kaibigan kong Impala na sina Ikoga at Sepupa. Sila ang mga matalik kong kaibigan. Araw-araw, kapag sumikat na ang araw sa Mababe, mag-uunahan kaming tumakbo sa lawa upang maligo. Syempre, ako lagi ang huli dahil sa laki ko.

            “Dalian mo Madu! Nahigop na namin ang buong lawa, tumatakbo ka parin!” pabirong kutya ni Ikoga.

            “Humanda ka ‘pag ako humigop nyan, kasama kayo!”

            “Hala may Hippopotamus!” ang biglang sigaw ni Sepupa habang ako’y nakababad sa tubig. Dali-dali akong tumakbong paahon at tiningnan ang paligid. Walang ibang hayop na naroon sa lawa maliban sa aming tatlo. Nang tingnan ko si Ikoga at Sepupa ay tumatawa silang nakatingin sa akin. “Ay akala ko Hippopotamus, ikaw lang pala, ang laki kasi ng bunganga mo e.”
Tuwing hapon, bago matulog ay magkakasama naming pinagmamasdan ang paglubog ng malaking araw habang pinapapak ang mga palumpong.

            “Sana paglaki ko, maabot ko ang araw.” Hiling ni Ikoga.

            “Sana maging pinuno rin ako ng Tribo gaya ni Ama,” ang pahabol ko.

            “Sana,  kapag naabot nyo yan, magkakasama parin tayo.” Ani Sepupa.

Halos hindi ko na makita ang aking dinadaanan at di ko na rin kilala ang aking kasabay sa paglalakad. Papalubog na naman ang araw at maya-maya’y titigil na kami upang magpahinga at dumelehensya ng makakain, kung mayroon man. Kapansin-pansing umikli na ang buklod at bumagal na rin ang aming paglalakad. Marahil ay may mga naiwan, nagpaiwan o hindi na kinaya pang magpatuloy. Ngayong gabi, mabubusog ang mga kaaway habang kami ay unti-unting nauubos.

Nakita ko lamang si Ama nang kami’y magpapahinga na. Kaunti na lamang daw at naroon na kami ngunit ayon sa isang ibon na kanyang nakausap, nakabuntot ang grupo ng mga Leon sa aming buklod. Isang araw lamang ang pagitan nila sa amin at sa pagkakataong ito, kailangan naming bilisan. Wala rin daw kaming pagkain ngayong gabi sapagkat tuyong tuyo ang buong Kalahari. Lahat ay patungo sa Okavango ngunit hindi lahat sa amin ay mararating ito.

Ilang araw pa ang lumipas at patuloy sa paglalakbay ang buong Tribo. Umikli nang umikli ang parada, paunti nang paunti ang aming bilang at wala pa man sa Okavango ay busog na ang aming mga kaaway. May mga araw na nakakatagpo kami ng pagkain, mga kumpol ng punong natumba o nanunuyo na. Umiinom kami sa putik at pilit na sinisipsip ang kung ilan pang patak ng tubig ang mayroon dito. Araw-araw, parami nang parami ang naiiwan ng aming Tribo, ang iba’y sumusuko na’t nakadapa na lamang sa isang tabi; hinihintay na dumating ang kaaway upang sila’y gawing hapunan. Kung dati’y hindi ko makita ang aking ama mula sa likuran ng pila, ngayon ay halos abot-kamay ko na lamang sya. Hindi na rin ganoon kakapal ang alikabok sapagkat kakaunti na lamang ang mga paang bumubulabog sa tuyong lupa. Si Kuya ay abala sa pamamasid kung may kaaway o kung may halamanang maaaring kainin habang ako naman ay pilit na pinalalakas ang sarili upang makita si Ina at marating ang Okavango.

At ito’y amin ngang narating. Pasikat pa lamang ang araw nang matanaw namin sa di kalayuan ang mataas na puno ng Setshi at ang mayayabong at makakapal na mga Mokabe. Lahat kami ay sumigaw, itinaas ang mga pagod naming bulaylay at binilisan ang paglalakad. Nang tumama ang sikat ng araw ay tumambad sa amin ang mistulang  berdeng pader na nagbabadya na kami ay hindi mamamatay. Pabilis nang pabilis ang aming paglalakad, ang mga nakababata’y nagsisitakbuhan papalapit sa batis na humahati sa disyerto’t latian.

            “Narating na natin ang paraiso! Mabubuhay na tayo nang sagana!” ang malakas na bulalas ni Ama habang pinagmamasdan ang mga batang Elepanteng nagsimula nang tumawid sa batis.
Sa wakas, makikita ko na si Ina, makakapaglaro na ulit ako sa tubig at halamanan at kakain nang walang pangambang wala nang matira kinabukasan. Ito na ang langit.

Nagpaunahan na rin kami ni Kuya patungo sa batis upang tumawid, nagsunuran na rin ang ibang nakatatanda at sabik na sabik sa naghihintay na biyaya sa kabilang ibayo. Ngunit di pa man kami nakakalapit sa tubig ay biglang dumagundong ang buong kapaligiran, nagpulasan ang aking mga kasama, may kani-kaniyang direksyon, may kani-kaniyang plano. Nagpatuloy ako sa pagtakbo upang tumawid, si Kuya nama’y sumusunod sa akin. Sa isang iglap ay nagbago ang kulay ng batis. Ang dating kristal na tubig nito’y naging pula at tumambad sa amin ang inaanod na mga katawan ng mga nakababata naming Elepante. Pinaliligiran naman sila ng mga Taong may tangang matatalim na espada’t matutulis na sibat. Ang iba sa kanila’y patuloy na humabol sa aming Tribo at pilit na hinuhuli ang sino ang tumakbo. Tig-aapat na Tao ang tumutugis sa bawat isa sa aming Tribo at isa-isang nabubuwal ang aking mga kasama. Nagpatuloy ako sa pagtakbo, ngayon nama’y binaybay ko ang batis at iniwasan kong lumusong sa tubig sapagkat ito’y makakapagpabagal sa akin. Lumingon ako’t nakita kong nakasunod sa akin si Kuya at si Ama at ilan pang mga ka-Tribo. Patuloy padin kaming hinahabol ng mga taong de-sibat, ngayo’y nanggagaling na sila sa iba’t ibang direksyon.

            “Wag kayong titigil sa pagtakbo! Baybayin nyo ang ilog!” Ang sigaw ng aking Ama na sa pagkakadinig ko’y nahuhuli na sa grupo.

Pilit kong nilabanan ang takot at pangamba na baka di na kami makaabot nang buhay. Nais ko mang balikan si Ama ay hindi ko magawa sapagka’t ako ang nauuna sa grupo at responsibilidad kong hanapin ang daan para sa kanila. Pilit naming binilisan ni Kuya ang pagtakbo habang pilit na humahabol ang ilan sa amin. Nais kong makita si Ina, nais ko syang makapiling sa Okavango kasama ni Ama at Kuya. Ngunit sa pagkakataong ito’y kailangang isalba ko ang aking sarili. Alam kong kapag binalikan ko si Ama ay walang mabubuhay sa aming dalawa. Narinig ko ang pagsigaw ni Ama upang itaboy ang mga tao. Nilingon ko siya’t nakitang dinambahan nya ang dalawa sa kanila at dali-daling tumakbo sa kabilang direksyon.

Patuloy parin sila sa paghabol sa amin at animo’y parami sila nang parami. Bigla akong napahinto nang muling dumagundong ang buong paligid at nakarinig ako ng pagkarami-raming putok. Ipinikit ko ang aking mga mata sa takot at pilit na pinanalangin na ito’y panaginip lamang. Nang imulat ko ang aking mga mata ay tumambad sa akin ang may dalawampung taong nakapaligid sa akin. Sa di kalayuan ay nakita kong nakadapa si Kuya, may nakabaong patalim sa kanyang leeg at pilit syang ginagapos ng mga taong nakahuli sa kanya. Si Ama ay di ko na nakita pa.

Tinitigan ko ang mga Tao, nakatingin sila sa akin at hawak hawak ang kanilang mga sandata; handang-handa nang ibaon ang mga ito sa aking katawan. Hindi ko maintindihan kung bakit nila ito ginagawa sa amin. Kami na kanilang mga kakampi, kami na kanilang dinadayo upang pagmasdan taun-taon.  Nais kong itanong sa kanila kung ano ang nagawa naming mali at kami’y kanilang pinarurusahan. Nagsimula akong umikot upang tingnan ang iba sa kanila. Nakatitig lamang sila sa akin, walang ekspresyon, walang damdamin. Ang isa sa kanila ay nagsimulang lumapit sa akin habang nakaturo sa aking sentido ang sandata. Walang anu-ano’y biglang pumutok ang sandata nito at nanlambot ang aking mga tuhod.  Nanghina ako at para bang ang ilang araw kong hindi pagkain ay biglang nagparamdam sa akin. Unti-unti akong bumagsak sa lupa at ang mga Tao ay nagsilapitan. Ang isa sa kanila, may tali sa leeg at may nakasabit na makinis na puting ornamente. Alam na alam ko kung saan nanggaling ang kuwintas na iyon at bigla kong napagtanto; hindi nila kininis ang pangil ng aking ina, bagkus ay pinutol ito at ginawang palamuti. Hindi ko maisip kung ano ang ginawa nila sa kanyang katawan at sa iba pang mga ka-Tribo kong nilayo nila sa amin.

Itinaas ng Tao ang kanyang sandata at natanggap kong ito na ang katapusan ng aking paglalakbay. Marahil ay nasa langit nga ang Okavango.
***
Ngayon, sana’y napag-isip-isip mo, Tao, kung paano mo hinuhugis ang mundo. Kaming mga nilalang na namumuhay ng tahimik ay pawang instrumento lamang ng iyong ambisyon. Sana’y patawarin ka ng aking mga ka-Tribong nangarap marating ang Okavango. Sana’y mapatawad ka rin ng libo-libong mga ka-Tribo kong dinala mo sa kung saan mang panig upang ipaabuso sa iyong mga kauri. Sana’y walang sumira sa iyong tirahan at sana’y walang umagaw ng kasaganaan nito.
Sana’y mapagtanto mo rin na kami ay hindi mo pag-aari. Na ang buhay namin ay kasing halaga ng sa’yo; na ang buhay namin ay hindi isang laro lamang at kami’y hindi iyong laruan.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment