RSS

Laruang Bilog - maikling kwento

"Laruang Bilog"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Metaporista
Ngayon lang narating ni Benjo ang tunay niyang bayan at tila naninibago pa sa init ng panahon.

Isa ang tatay ni Benjo sa mga naghangad na makapangibang bansa para kumita ng malaki-laki. Dahil sa tulad niyang hindi nakatapos ng highschool, sarado ang pinto ng pagkakaroon ng sweldong aabot sa 5 numero.
Kaya nang dumating ang pinakahihintay niyang pagkakataon, sinunggaban niya agad ito at hindi na pinakawalan. Bagaman hindi gaano kalakihan ang suweldo na maibibigay sa kanya, mapapantayan naman niya ang sweldo ng mga nakapag-tapos sa kolehiyo sa pinas.

Dumating ang araw na naayos na ang lahat ng papeles at ang kulang na lang ay ilang pirmahan ng kontrata. Dinalaw niya rin ang kanyang kumpareng may kamag-anak doon at humingi ng payo.

"Pag sa agency ka, maliit talaga ang sahod pare! Pero.. pag nakawala ka sa agency mo, magiging bigtime ka agad! Siguro, ayusin mo muna ang trabaho mo ng isang taon at magpundar ng kaunti para may magastos ka pag `tumalon` ka na." Payo ng matalik na kumpare ng tatay ni Benjo.

"Hindi ba delikado yun pre? Baka malamig na rehas ang mahimas ko nun." Usisa ng tatay ni Benjo.

"Sa pagkakaalam ko, basta mabilis kang tumakbo, madiskarte at maraming kaibigan na tapat, hindi ka mahuhuli.. Uulitin ko lang ha, TAPAT. Mag-iingat ka sa ilang kababayan natin doon na pinaglihi sa talangka na porque naging legal at permanente na doon, ginawa ng hanap-buhay ang pagtuturo ng lungga ng mga bilog. Aba`y malakas talaga makatukso sa ilang kababayan nating yun! 3 lapad  ba naman kada ulo ng mga bilog! Ginawa na ring sideline ng mga kababayan nating nalulong sa pachinko at nakalimutan na ang salitang tagalog na pakikisama." Pahabol na payo ng kumpare niya.

Nakaramdam ng unting pangamba noon ang tatay ni Benjo pero dahil sabik na ang kanyang pitaka na makatikim ng lapad, itinuloy niya ang paglipad.

Nagtrabaho siya sa electronics na taga-hinang ng mga piyesa. Di naman siya nahirapang makisama dahil nakapag-aral na rin siya ng salitang hapon at higit sa lahat, maraming mga kababayan na kanyang kaibigan na umaalalay sa kanya. Maayos ang naging takbo ng kanyang buhay dahil libre naman ang bahay, kuryente, tubig at pagkain at buo naman at nasa oras nilang natatanggap ang suweldo. Maayos na ang kanyang estado noon ngunit isang araw, may isang pilipinong bilog ang bumati sa labas ng kanilang kumpanya at nakipagkwentuhan sa kanya. Nabanggit ng kababayan bilog na walong beses na higit daw ang kanyang sinusweldo sa kanilang kumpanya kumpara sa suweldo ng tatay ni Benjo  sa electronics.

Pag-uwi sa kanyang tinutuluyan, napag-isip siya sa sinabi ng kapwa pinoy. Nakaramdam ng gigil at pag-kainis. Naisip niyang kung walong beses na higit ang suweldo ng mga bilog, walong beses na mas mabagal ang kanyang pag-unlad kumpara sa kanila. Naisip niyang malaya rin namang nakakapag-liwaliw ang mga bilog at tila hindi nila pinoproblema ang pagiging illegal. Dahil sabi nga ng ilan, Tyempuhan lang ang pagkahuli. At pagkalipas ng ilang araw, napagdesisyunan na rin niyang tumalon pero inantay niya muna ang kanyang sweldo para may pamasahe papunta sa malayong probinsya na pinamumugaran ng mga kaibigan niyang bilog.

Sa manukan ang naging bagsak niya. Taga-linis, taga-katay at taga-buhat. Bagaman malansang maituturing ang kanyang trabaho, busog naman ang kanyang wallet. Doon na rin niya nakilala ang ina ni Benjo na kapwa kababayan at kapwa bilog din. Masasabing made in japan si Benjo pero tagalog pa rin ang kinalakhan niyang salita. Madaling nakaipon ang mag-asawa at napatikim kay Benjo ang mamahaling gatas, napagamit ng mamahaling diaper at higit sa lahat, naibili ng magaganda, hi-tech at mamahaling mga laruan. Ang kaso, limitado ang kanyang palaruan at mga kaibigan. Hindi siya pwedeng mag-aral dahil isa siyang bilog. Hindi siya pwedeng humingi ng tulong sa pulis dahil isa siyang bilog. Hindi siya pwedeng madala sa hospital dahil rin sa isa siyang bilog.

Nagbulag-bulagan ang tatay ni Benjo sa katotohanan sa loob ng pitong taon. Alam niyang kapalit ng kalayaan ng kanyang anak ay ang kanyang pagkakulong at pagkawala ng masarap na buhay. Nabili at naibigay man niya ang lahat ng laruang tinuro ni Benjo, hindi naman niya maibigay ang mga bagay na mas may kabuluhan.

Dumating ang hindi inaasahan at yun ay ang pagkakaroon ng sakit sa baga ni Benjo.  Noong una`y simpleng ubo lang pero dama niya na nahihirapan na ang kanyang anak sa paghinga na tila may sisiw sa loob ng dibdib. Hindi siya mapakali sa naririnig niyang walang tigil na ubo. Alam niyang delikado pag napabayaan ang sakit ni Benjo. Malalim siyang nag-isip buong gabi.
Kinausap niya ang kanyang asawa sa kwarto.

"Alam mo.." Tahimik niyang bungad.

"..wala akong pinag-sisihan sa lahat ng mga naging desisyon ko. Pinili ko ang buhay na ito. Kung hindi ako tumalon, malamang ay hindi kita nakilala na napagkaganda kong asawa at siyempre, kung hindi ako tumalon, hindi mabubuhay si Benjo. Hindi ko alam, pero talaga yatang likas na sa tao ang tumingin muna sa kaliwa, sa kanan, sa likod tuwing gagawa ng kasalanan. Hindi ko alam kung bakit hindi ko naisipang tumingin sa taas. Nakalimutan kong may nakakakita pa rin sa akin.. Alam ko naman na masama ang mandaya at manloko dati pa. Sinugal ko na ang sarili ko noon para makawala sa kahirapan at hinanda ko na ang sarili ko sa parusang maibibigay sa akin. Ang hindi ko lang napaghandaan at naisip noon ay pwede palang hindi sa akin ipadaan ang parusa kundi sa anak natin.. At isandaang libong beses na masakit pala iyon. Pare-parehas lang naman tayong mga bilog na naging bilog dahil hindi tayo nakuntento sa kung anong meron tayo noon. Tinuring nating isang laro ang buhay.. Nanabik ang ilan sa atin na makasali sa liga ng mga maluwag at may masasarap na buhay. Nakasali nga tayo, pero tayo naman ang laging taya. Sa totoo lang, kaya kong laruin ang buhay ko.. Pero.. Hindi ko kayang paglaruan ang buhay ni Benjo. Sumuko na tayo. Hindi rin naman natin talaga mundo ito." Ang paliwanag niya sa kanyang asawa.

Naunawaan siya ng kanyang asawa kaya sumuko na sila pagkalipas ng ilang araw.
Nakulong sila ng ilang buwan ngunit pinalaya rin sila`t pinauwi. Noong panahong naroon sila sa bilangguan ay naipagamot na din si Benjo. Itutuloy na lamang ang pag-inom ng gamot pag-uwi sa pinas.
Sabik ang mag-anak sa pag-uwi sa tunay nilang bayan. At habang nasa eroplano ay pinangaralan si Benjo ng kanyang tatay.

"Anak, ang kasiyahan ay naka depende na sa ating kakuntentuhan. Pero Benjo, hindi ko sinasabing makuntento ka na lang habambuhay sa kung anong meron ka dahil kahit kailan, hindi masama ang mangarap at umasenso basta ba sa mabuti at malinis na paraan mo ito aabutin. Kung tutuusin, madali ang magpayaman.. ang nagpapahirap lang ay ang paraan sa pagkuha nito sa malinis na paraan. "

Nilibot niya si Benjo sa mga kilalang pasyalan. Naghabulan sa Luneta, nagpalipad ng saranggola at nangabayo sa Tagaytay at ang pinaka-nagustuhan ni Benjo, ang pagpunta sa Yexel`s Toy Museum na nagdulot sa kanya ng pagka-aliw at pagkamangha sa mga malalaki at magagandang laruan. Pagod ngunit masaya naman ang tatay ni Benjo na makita ang kanyang anak na kumikinang ang mata sa tuwa.. na malamang ay hindi niya makikita kung patuloy niyang pinaglaruan ang kanyang buhay.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment