RSS

Masamang Magnakaw - maikling kwento

"Masamang Magnakaw"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Washi Reyes


                Masayang nagkekwentuhan sila Kaloy at Berto. Dalawa lamang sila sa bahay nila Berto dahil may pinuntahan ang pamilya nito. Medyo ginutom si Berto kaya’t nagpaalam muna ito na bibili lang ng meryenda sa kanto. Naiwang mag-isa si Kaloy.
            Kanina pa tingin ng tingin si Kaloy sa isang teddy bear sa loob ng bahay nila Berto. Naisip nyang kung kukunin nya ito, siguro naman ay walang maghahanap. Mukha namang mumurahin lang ang laruan. Ngayon ang kaarawan ng nakababata nyang kapatid na si Ruth at maaari nyang ibigay ito bilang regalo.
            May nagsasabi sa isipan ni Kaloy na masamang magnakaw. Ngunit may nagsasabi rin sa isipan nyang magiging masaya si Ruth kapag nakatanggap ng regalo. Mas nanaig sa isipan nya ang mapaligaya ang kapatid kaya’t ninakaw nya ang laruan. Agad syang umalis sa bahay nila Berto.
           
            Pag uwi ng bahay ay agad na inabot ni Kaloy ang laruan sa kapatid.
            “Ruth, regalo ko sa’yo. Happy birthday”
            “Wow. Ang ganda naman nito. Salamat kuya”
            “Basta pag may pumunta ditong ibang tao, bago mo patuluyin, itago mo muna itong laruan ah”
            “Bakit po kuya?”
            “Maganda kasi to eh. Pag nakita nila, baka mainggit sila at kuhain nila ito mula sa’yo”
            Kinailangang sabihin ni Kaloy ‘yon sa kapatid bilang pagiingat. Baka kasi biglang pumunta si Berto sa bahay nila at makita ang laruan. Malalaman pa nitong nagnakaw sya.
            “Malinaw ba ‘yon Ruth?”
            “Pero bigay mo ‘to sakin kuya. Kung kukunin nila ito dahil lang naiinggit sila, ibig sabihin magnanakaw sila” sagot ni Ruth. “Diba’t masama magnakaw kuya?”
            Medyo tinamaan si Kaloy sa sinabing ‘yon ng kapatid.
            “Oo, masama magnakaw” pagsang-ayon ni Kaloy. “Kaya wag mo na silang bigyan ng dahilan para mainggit. Wag mo na lang yan ipakita sa iba”
            “Sige po kuya”
            Nang makumbinse ni Kaloy ang kanyang kapatid ay umalis muna ito upang makipaglaro ng basketbol sa kabilang baranggay.

            Ilang malalakas na katok ang narinig sa bahay nila Kaloy. Sumilip si Ruth sa bintana upang alamin kung sino ito. Marami sila. Hinahanap nila si Kaloy.
            “Nandyan ba si Kaloy?”
            “Wala po eh, umalis. Balik na lang po kayo mamaya”
            “Kapatid ka ba nya? Palabasin mo na yung kuya mo”
            “Wala nga po eh” giit ni Ruth. “Sino po ba kayo?”
            “Tito ako ni Berto. May itatanong lang ako sa kanya”
            “Sandali lang po ah. Yung tatay ko na lang ang kausapin nyo”
            Hinayaan lang ni Ruth na maghintay ang grupo ng kalalakihan sa tapat ng kanilang bahay. Kinuha nya ang teddy bear at umakyat sa kanilang kwarto. Ginising nya ang kanilang ama.
            “Tay, may naghahanap po kay kuya”
            “Asan ba ang kuya mo?”
            “Umalis po eh. Makikipaglaro po ata ng basketbol”
            “Edi sabihin mo umalis”
            “Sinabi ko na po pero ayaw pa rin nilang umalis”
            “Sino ba sila?”
            “Tito daw po ni Kuya Berto yung isa”
            Bumangon ang tatay nila Kaloy. Bumababa ito at kinausap ang grupo ng kalalakihan mula sa bintana.
            “Pakilabas ho si Kaloy”
            “Wala dito ang anak ko”
            Hindi naniniwala ang mga ito na wala doon si Kaloy. Napikon na ang nagpakilalang tito ni Berto at naglabas ito ng baril. Tinutukan nya ang ama ni Kaloy. Agad naman itong lumayo mula sa bintana. Pinagtatadyakan ng grupo ng kalalakihan ang pinto at pilit itong binubuksan. Nagulat ang mga kapitbahay sa mga nagaganap ngunit walang naglakas-loob na makialam. Naglabas kasi ng baril ang mga ito at nagbabala na mapapahamak ang sinumang magsusumbong sa mga pulis. Kakatadyak ay nagtagumpay sila na mabuksan ang pinto. Agad nilang hinalughog ang lugar. Nagkasira-sira ang mga gamit nila Kaloy. Nang hindi nila matagpuan ang kanilang hinahanap ay umakyat sila sa kwarto. Doon ay nakita nila ang mag-amang nanginginig sa takot. Hawak-hawak ni Ruth ang teddy bear na ibinigay sa kanya ni Kaloy. Kinuha ito ng isa sa mga lalaki.
            Pag-uwi ni Kaloy ay inabutan nya pa ang grupo ng kalalakihan sa loob ng kanilang bahay.
            “ANONG GINAGAWA NYO SA BAHAY NAMIN?”
            Isang palo ng baril sa ulo ang tinanggap ni Kaloy at nawalan sya ng malay.

            Nagising si Kaloy sa isang lumang warehouse. Magkatali ang kanyang mga kamay sa likod. Nang mapansin ng isa sa mga lalaki na gising na sya ay tinawag nito ang atensyon ng iba.
            “Pare, gising na yung bisita natin”
            “Anong kailangan nyo sakin?” tanong ni Kaloy.
            “Asset ka ng mga pulis no?”
            “Hindi ko alam ang sinasabi mo”
            Tinadyakan sa mukha si Kaloy. Babanatan pa dapat sya nung isang lalaki ngunit napigilan ito dahil sa pagdating ng isang van. Bumaba sa van ang ilang kalalakihan. Nakipagkamayan sila sa mga nangdakip kay Kaloy.
            “Pare, handa na ba yung pera?”
            “Syempre naman” sagot ng lalaki sabay pinalapit ang isa sa kanyang mga kasama. “Pakita mo yung laman ng briefcase sa kanya”
            “Kumpleto naman ‘to diba?”
            “Kelan ba kami nagkulang? Teka, nasan na ba yung epektos?”
            Kinuha nung lalaki yung teddy bear na kanina’y ninakaw ni Kaloy at inabot ito sa mga lalaking bumaba sa van.
            “Double-check mo kung gusto mo”
            May zipper pala sa likod yung manika at binuksan ito ng lalaki. Nakapaloob dito ay drogang nakabalot sa plastic. Doon lang nalaman ni Kaloy kung bakit galit na galit sa kanya yung mga lalaki.
            Maya-maya pa’y may nagsalita ng malakas mula sa isang megaphone.
            “WALANG KIKILOS NG MASAMA. MGA PULIS ‘TO. NAPAPALIGIRAN NA NAMIN ANG BUONG LUGAR”
            Biglang tinutukan ng baril ng mga lalaking bumaba sa van ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Nangtutok na rin ng baril ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Bago pa sila tuluyang magkaputukan ay nagpasukan na sa lumang warehouse ang grupo ng mga pulis. Sumuko na lamang ang mga lalaking nangdakip kay Kaloy. Inaresto sila ng mga pulis. Kasama ring inaresto si Kaloy. Kasabwat pala ng mga pulis ang mga lalaking bumaba sa van.

            Sa presinto, paulit-ulit na sinasabi ni Kaloy na hindi sya kasabwat ng ibang mga lalaki.
            “Sir, hindi ko po talaga kilala yang mga yan” sabi ni Kaloy. “Itinali pa nga po nila yung mga kamay ko”
            Hindi naman sa kanya naniniwala yung mga pulis dahil ayon sa ibang mga nahuli ay magkakagrupo sila. Marahil gusto na lang mandamay ng mga ito kaya nila sinasabi ang bagay na ‘yon. Nagtataka naman sila Kaloy kung bakit hindi nila kasama ngayon yung ibang mga nahuli kanina. Siguro mga pinuno ‘yon ng sindikato at maraming matataas na koneksyon.
            Kasama sa mga ikinulong si Kaloy. Hindi nya lubos maisip na ang pinag-ugatan lang ng lahat ng ito ay ang pagnanakaw nya ng isang mumurahing laruan. Nagsisisi sya kung bakit nya pa ginawa ‘yon. Nagsisisi sya kung bakit hindi sya nakinig sa kanyang konsensya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi nya na maibabalik ang panahon.
            Lumipas ang ilang oras at may dumating na dalaw si Kaloy. Kapitbahay nila ito.
            “Pare, bakit ikaw lang? Nasaan yung pamilya ko?”
            “Yung tatay mo hindi na pumunta dito dahil sa sama ng loob?”
            “Eh si nanay? Kamusta sya?”
            “Pare yun nga ang pinunta ko dito” sagot ng lalaki “Pagkagaling nya kanina sa pagtitinda, nagulat sya nung mabalitaan yung nangyari sa’yo. Pare, nasa ospital sya ngayon dahil sa atake sa puso...”

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment