RSS

Chu-chub! Cha-cha! Akeyn! - tula

"Chu-chub! Cha-cha! Akeyn!"
Kategorya : Tula
blogger : Hideki


Sa-i.
Hinalukay ang mga teks na naitabi.
Uso na naman kasi.
Kung wala na pala, galingan nalang ang paghingi,
o kaya ay humanap ng piso pambili.

Wa-la-da.
Konti lang, ang teks na dapat dala.
Para kung malagas ay may panglaban pa.
Mga kalahating dangkal ay pwede na.
Piliin ang paboritong pato at rak na.

Lo-tat.
Sa larong to, i-ready ang math.
Sa bilangan, mabilis at marunong ka dapat.
Ilapag ang mga taya sa tapat.
Pag tumama, hahamigin maski na parang kalat.

Pat-a.
Mag iimbento ng pambatong tira.
Upang yung pato mo lang ang tumihaya.
Wag na magtatangkang mandaya.
Baka malasin ka pa at sa huli, hindi ka rin sasaya.

Ma-li.
Kung nalalagas na ay dapat ng makali.
Init ng ulo ay wag na wag mong isasali.
Baka sa mga tira o pato mo ikaw ay nagkamali.
Siguro ang swerte ngayon ay hindi ka lang napili.

Nim-a.
Sa buhay natin ay ganun talaga.
May katumbas ang iyong bawat pag-tira.
Sa huli, hindi lahat pinagpapala.
Yung iba din kasi, walang napapala.

To-pi.
Ang buhay parang larong teks lang na de-sapi.
Lumalaban ka pero sino ang nais mong magapi?
Kung sinong may higit na kakulangan ay syang api.
Bakit kasi hindi pwedeng lahat na lang ay happy.

Lo-wa.
Kung minsan nga lahat e parang paulit-ulit na.
Taya, tira, hamig, taya na naman, nakakasawa na.
Nabubuhay na lang ba tayo para mabuhay pa?
Nasan na nga ba ang tunay na ligaya?

Yam-si.
Sa iyong mga desisyon, ang kaligayahan mo ang nakakasi.
Dapat sa bandang huli ay hindi ka magsisi.
Sa mga di magandang nangyari, maling ika’y manisi.
Hinding hindi mo na makakabit pa kung mapagot na ang iyong pisi.

Pu-Sam.
Ang teks ay parang isang sugal, kung di mo pa alam.
Parang buhay, na kapalaran mo’y walang may alam.
Larong teks, sa buhay ko ay nakialam.
Tinuro ang mga mahahalagang aral nang di ko alam.

Ang “Chu-chub! Cha-cha! Akeyn!” ay isa lamang sa madaming ekspresyon ng mga batang naglalaro ng teks.. Chu-chub, o tataob, cha-cha o titihaya, at akeyn o akin; para na din itong battle cry o pampaswerteng dasal kapag ikaw ang titira para yung pamato mo ang lumabas. Hahamig ka, panalo ka.
Ang “sa-i, wa-la-da, lo-tat, pat-a, ma-li, nim-a, to-pi, lo-wa, yam-si, pu-sam” ay isang paraan ng pag bibilang ng teks kapag nagbabayaran na. Inartehan lang ng mga bata ang pagbibilang para mas masaya at may twist ng konte.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment