RSS

Bangkang Papel - maikling kwento


"Bangkang Papel"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Bino
blog : Damuhan


Nonoy, pakikuha muna ’yung mga sinampay ko sa bubong. Umaambon na, baka mabasa pa’ng mga ‘yon!” sigaw ni Thelma. “Opo ‘nay, tapusin ko lang po ‘tong ginagawa ko,” wika ni Nonoy.

Dali-daling sinilip ni Thelma ang ginagawa ng anak. “Lintik na! Wala ka na ibang inatupag kundi magkalat nyang mga papel na ‘yan!” “Eh ‘nay sabi ni tatay ayos lang naman daw po ‘to, basta lilinisin ko pagkatapos,” mahinang sagot ni Nonoy. “Oh sya, sya, kuhanin mo na ‘yung mga sinampay du’n,” ang sabi ni Thelma.

Habang nasa bubungan si Nonoy at abala sa pangunguha ng mga sinampay, may narinig siyang tumatawag ng pangalan niya.

Psst! Noy, magkita na lang tayo sa creek ha! Siguraduhin mong matibay ‘yung sa’yo ah, kundi matatalo ka na naman sa’kin,” pasigaw na sabi ni Buboy. “Hoy, ‘wag kang pakasiguro hindi pa nga nangyayari ang dami mo nang sinasabi d’yan,” sagot ni Nonoy.  

Nagmadaling kinuha ni Nonoy ang mga natirang sampay at patakbong lumabas ng bahay. “Hoy, at sa’n ka na naman pupunta?” tanong ni Thelma. Agad napahinto si Nonoy, “maglalaro lang po sana kami ni…” “Sama ka ng sama kay Buboy, kaya tuwing uuwi ka dito nanlilimahid ka! Akala mo ba madali maglaba?” galit na wika ni Thelma. “Ang galing ni nanay, alam na niya kaagad,” bulong ni Nonoy sabay ngisi.

Ang tagal mo naman, kanina pa malakas ang agos ng tubig dito oh!” sabi ng kalaro. Bakas ang pagkasabik sa mukha ng kalaro kaya patakbong nilapitan ito ni Nonoy. “Tara na, dating gawi du’n tayo sa tuktok magsimula.” Agad tumutol si Nonoy, “ano, aakyatin na naman natin ‘yang bundok ng basura? Kaya tuloy lagi na lang akong pinapagalitan ni nanay eh.” “Lagi ka naman pinapagalitan nyang nanay mo eh,” sagot ng kalaro sabay tawa. Tulad ng dati, wala nang nagawa ang pagtutol ni Nonoy at sinundan na lamang ang kalaro.

Bukod sa mabahong tambak ng basura, mabilis na ragasa lang ng tubig ang makikita sa kinatatayuan nila Nonoy. Agad nilang ipinuwesto ang mga hawak na tinuping papel at pagbilang ng tatlo ay agad na pinakawalan ito.

Bilis! Sige pa, bilis!” buong siglang sigaw ni Nonoy. Mabilis namang kinontra ni Buboy ang sinabi niya, “’Yan ang akala mo. Hindi mo ba nakikita, malapit na maabutan ng bangka ko ang sa’yo.” Patakbong sinusundan nila Nonoy ang kanilang nag-kakarerang bangkang papel. Ilang saglit pa ay humampas ang bangka ni Buboy sa isang plastic na may lamang diaper at agad na tumaob. “Yehey! Sinabi ko naman sa’yo eh, hindi palaging ikaw ang mananalo,” halata sa boses ni Nonoy ang pang-aasar sa kalaro. “Nakatsamba ka lang boy! Epal naman kasi nun pampers na ‘yun eh, ‘di na lang lumihis ng daan, edi sana ‘yung sa’yo ang tinamaan,” apila ni Buboy.

Dahan-dahang pumasok si Nonoy sa kanilang bahay. “Oh anak, magpalit ka na ng damit at nang makakain na tayo,” wika ni Mang Kanor. “Ayan, d’yan ka magaling. Magpalit nang magpalit ng damit! Kung hindi ba naman matigas ang ulo mo at namirmi ka dito sa bahay edi sana hindi ka nanggigitata, nakatulong ka pa sa gawaing bahay!” galit na sambit ni Thelma. “H’wag mo na lang pansinin ‘yang nanay mo, pagod lang ‘yan,” sagot ni Mang Kanor habang nagmamano sa kanya si Nonoy.

Nakayukong umakyat si Nonoy upang kumuha ng damit. “Di bale, ‘pag naging kapitan ako ng malaking barko sigurado hindi na palaging mainit ulo ni nanay. Tapos hindi na niya kailangan maglaba ng mga damit kasi may uutusan na siya para gawin ‘yon. Tapos sila ni tatay lagi lang nasa bahay at nagpapahinga, o kaya naman namamasyal.” Nakangiting pinakikinggan ng ama ang anak habang patuloy ito sa pagbuo ng kanyang pangarap.

Tahimik na kumakain ang mag-anak nang biglang magsalita ang padre de pamilya, “anak, malapit na nga pala kaarawan mo ‘no? Ano gusto mong regalo?” Napangiti agad si Nonoy sa tanong ng ama at sinabing, “Si tatay talaga, nagtatanong pa. Alam nyo naman po kung ano'ng matagal ko na hinihiling sa inyo eh.” “Sabagay, para ‘di mo na kailangan magkalat ng mga papel dito,” pabirong wika ng ama. “Tumigil na nga kayong mag-ama d’yan, imbis na laruan ang ibili mo sa anak mo, bakit hindi na lang damit. Para hindi paulit-ulit ‘yang sinusuot mong sando na mukha ng kung sinong superhero ang nakalagay,” sambit ng ina. Nagpalitan ng tingin ang mag-ama at animo’y nagkaintindihan na at ngumiti na lang sa isa’t isa.

Pabalik-balik sa bintana si Nonoy, bakas sa mukha nito ang pagkabalisa at kaba. Saglit na uupo at maya-maya lang ay tatayo na naman upang sumilip sa bintana. Napansin ni Thelma ang anak at sinabing, “ano ba naman Nonoy, pudpud na ‘yang tsinelas mo sa kakapabalik-balik mo. Bakit ba hindi ka mapakali?” Hindi na nakasagot si Nonoy nang bumungad ang boses ng ama, “Happy birthday anak!” Napatakbo si Nonoy upang salubungin ang ama, bumungad sa kanya ang isang bilao ng pansit sa kaliwang kamay ng ama, at isang nakabalot na regalo sa kabila.

Sa isang iglap lang ay nabuksan na ni Nonoy ang regalong dala ng ama. Napatalon pa siya sa tuwa habang nagpapasalamat sa ibinigay sa kanya. “Salamat ng madami ‘tay! Ang saya-saya ko po, sa wakas totoong bangka na ang lalaruin ko. Siguradong maiinggit si Buboy sa’kin,” tuwang-tuwang sinabi ni Nonoy sa ama habang yakap ito. “Walang anuman anak, pasensya ka na at hindi ka nabibilan ni tatay ng mga ganyan, pero meron pa naman akong isa pang sorpresa sa’yo,” wika ng ama habang iniabot sa kanya ang isang  t-shirt na may naka-drawing na malaking angkla. Nagmadaling sinukat ito ni Nonoy sabay harap sa salamin. “Nanay, bagay po ba sa’kin? Parang binata na ‘ko, diba ‘nay?” pabirong tanong ni Nonoy sa ina. Napangiti naman ang ina sa kasiyahan ng anak sabay sabing, “tama na ‘yan at baka lumamig pa ‘tong dalang pansit ng tatay mo.”

May kalakasan ang ulan nang binabagtas ni Mang Kanor ang daan pauwi ng kanilang bahay, sumilong siya pansamantala sa isang tindahan dalawang kanto ang layo sa kanilang bahay. Habang nag-aantay siyang medyo humina ang ulan, bumili siya ng softdrinks at biskwit at nakinood muna sa telebisyon sa katabing bahay.

Habang dala-dala ni Nonoy ang laruang bangka na iniregalo ng ama, pinuntahan niya ang kaibigan. “Nakita mo ba to? Bago ‘to at magandang klase, regalo ni tatay sa’kin,” pagyayabang ni Nonoy sa kalaro. “Oo nga, mukhang matibay. Kahit ilang plastic pa ng basura bumangga d’yan mukhang hindi tataob eh,” kitang-kita ang pagkamangha ni Buboy sa ipinakitang laruan ng kaibigan. “Ano pa’ng tinatayo-tayo mo d’yan? Subukan na natin ‘to, paniguradong maganda magpa-anod ngayon, ang lakas ng ulan eh,” pag-aaya ni Nonoy. Teka, baka naman hanapin ka na naman ni Aling Thelma, pati ako madamay,” pag-aalala ni Buboy. Agad naman sumagot si Nonoy, “’wag ka mag-alala, umalis si nanay. Dinala kay Aling Mercy ‘yung sirang pantalon ni tatay.” Sa narinig, mabilis na kinuha ni Buboy ang mga reserbang bangkang papel na nakalagay sa isang kahon ng sapatos. Agad na naglakad ang magkaibigan sa creek ‘di kalayuan sa bahay nila Buboy.

Ako na lang ang aakyat sa taas, abangan mo na lang ‘tong bangka ko dito dahil hindi na ‘to gaya ng bangkang papel natin. Siguradong magagalit si tatay ‘pag mawala ito,” utos ni Nonoy kay Buboy. Nagmamadaling tinakbo ni Nonoy ang tuktok ng creek, ‘di alintana ang lakas ng buhos ng ulan, lakas ng agos ng tubig at ang mabilis na pagtaas ng tubig. “Handa ka na ba sa unang pagsabak mo? Hindi tayo pwedeng mapahiya kay pareng Buboy,” wika ni Nonoy sa laruang hawak. Bago pa man bitawan ni Nonoy ang bangka, kumulog ng malakas kasabay ang mas lumakas pang buhos ng ulan.

Inaasahang tatama ang bagyo sa Gitnang Luzon kasama ang Metro Manila. Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat sa lakas ng hangin at dami ng ulan na dulot ng bagyo. Samantala, maging alerto ang mga mamamayan sa maaaring pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng malakas at halos walang-tigil na pag-ulan.Manang, pabili na nga din ho ng 3 esperma, sakaling mag-brownout mabuti nang may nakahanda ako,” wika ni Mang Kanor sa tindera. “Kanor?” Napalingon si Mang Kanor sa tumawag, ang asawa pala niya ito. “Anong ginagawa mo d’yan?” tanong ng asawa. “Nagpapatila lang ng ulan, nakalimutan ko kasi magdala ng payong,” sagot niya. “Mabuti at napansin kita, kundi baka magdamag ka dito, dahil mukhang walang balak tumila ang ulan,” biro ng asawa.

Nagtataka ang mag-asawa nang sa sumunod na kanto ay may mga nagtatakbuhang mga tao at nagkakagulo. “Gumuho daw ang mga basura sa creek!” sigaw ng isa. “May natabunan daw eh!” sigaw naman ng pangalawa. Nagmadali sa paglalakad ang mag-asawa hanggang makarating sa kanilang tahanan.

Nonoy, anak. Nandito na kami ng tatay mo,” pagtawag ni Thelma sa anak. Nang walang narinig na sagot, umakyat si Mang Kanor upang tignan kung nandoon ang  anak. Walang tao doon, ang tanging naroon ay ang nakabukas na kahon sa ibabaw ng kama, ang kahon ng bangkang kanyang iniregalo sa anak.

Aling Thelma..” Nagulat si Thelma sa nangingig na boses na narinig mula sa labas ng bahay. Agad niyang tinignan kung kanino nagmula ang tinig. “Oh, ikaw pala Buboy,” bungad niya. “Buboy, nasa’n si Nonoy?” pagsingit ni Mang Kanor. Nakaramdam ng kaba si Thelma sa kakaibang tono ng asawa. Hindi pa man nakakasagot si Buboy agad na tumakbo si Mang Kanor patungo sa kumpol ng mga tao malapit sa creek. Unti-unting nanlumo si Mang Kanor nang sa pagpupumilit niyang makasingit sa dami ng tao ay tumambad ang murang katawan ng anak na nakahandusay. “Anak, anak, gising anak!” balisang sambit niya habang binubuhat ang wala pa ding malay na anak.

Hindi makapaniwala sa narinig, sinugod ni Thelma ang lakas ng ulan at tinakbo ang kinaroroonan ng mga tao. Inabutan niya ang asawang nakasalampak sa mga basura at nasa bisig ang anak. Kasabay bumuhos ng ulan ang mga luha nila para sa anak. “Mang Kanor, magagalit daw po kayo ‘pag nawala ang bangkang ‘to sabi ni Nonoy.” 



  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

1 comments:

Anonymous said...

Great job ! good story and pretty well written....

Post a Comment