RSS

Trumpo at Traje de Boda - maikling kwento

"Trumpo at Traje de Boda"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Russian Doll



Ganito pala ang pakiramdam kapag ang taong mahal mo ay inaya kang magpakasal.

Akala ko dati baduy. Pero hindi pala.

Ang sarap niyang pakinggan. Parang musika na naghahatid ng magkahalong emosyon. Nakakaiyak pero hindi nakakalungkot. Para kang baliw dahil matatawa ka habang umiiyak.

Hindi ko maiwasang masabik. Ako, lalakad papunta sa altar, sa aking magandang Traje de Boda, may magandang belo na nagtatakip sa mukha, magsusuot ng magandang singsing na kaparehas ng sa kanya. Siya na kikitain ko sa harap ng Diyos, pagkakalooban ng puso't kaluluwa. Siya, ang taong tatanggapin kong makasama habang buhay.

Totoo nga marahil, na ang kasal na siguro ang pinakamasayang kaganapan sa buhay ng isang babae.


-o-o-o-o-o-o-o-o-o-

Naaalala ko pa nung unang araw na nagkakilala tayo. Napakapayat mo, at maliit para sa isang dose anyos na bata. Mag isa ka lang sa may bakanteng lote dahil ayaw ng ibang bata na makipaglaro sayo. Trumpo lang daw kasi, hindi mo pa alam kung papaano laruin. Lagi kang sentro ng katatawanan. Kahit sa tagu-taguan at tumbang preso, ikaw ang laging taya. Laging balagoong. Lalampa lampa ka raw. Kaya't lagi kang mag isa. Ngayon, heto ka't pinupulupot ang tali ng trumpo sa paligid nito, habang iniingatang huwag mabitawan ang kabilang dulo, at pinipilit paikutin, pero lagi kang bigo. Nilapitan kita.


"Kapag initsa mo kasi, hatakin mo pataas yung tali, para may bwelo yung trumpo."


"Ha?"


"Amina, ganito."


"Ang galing.. mo. Pano mo nagawa yun?"


"Kapag hinatak mo pataas ang tali, mas malakas ang pwersang ibinibigay mo sa trumpo, mas matagal ang ikot niya."


"Salamat. Pano ka natuto nito?"


"Bakit? Lalaki lang ba ang pwedeng maglaro ng trumpo?"


"Hindi naman. Pero salamat.. Ako si Noel."


"Ella."



Hindi na tayo mapaghiwalay mula ng araw na iyon. Lagi na tayong magkasamang maglaro sa bakanteng lote. 'di naglaon, natuto ka narin magpaikot ng trumpo. Sa sobrang saya mo, binili mo lahat ng nilalako kong puto tuwing hapon. At hindi ka narin pinagtatawanan ng mga bata sa lugar natin.

Minsan nakakalaro na natin sila sa mga munting paligsahan ng pagpapaikot ng trumpo. Madalas nating laruin ang nakasanayan nang paraan ng paglalaro nito. Kung sino ang makakapagpaikot ng trumpo sa loob ng isang malaking bilog nang pinakamatagal ang siyang panalo. Kaya mo naring magpatumba ng ibang trumpo ng mga nakakalaro natin, likas sa'yo ang pagiging masikap na matutunan ang isang bagay, lalo na't kung gustong gusto mo ito. Natuto ka naring hulihin ang iyong trumpo gamit ang tali habang ito'y umiikot, pinapatalon mo ito at sinasapo gamit ang iyong palad, habang patuloy itong umiikot. Walang ibang bata sa ating lugar ang kayang gumawa nun, kahit ako.

Nagpasalamat ka sa akin dahil nakuha mo ang respeto at giliw ng mga tao sa paligid mo na matagal mo nang inaasam.

-o-o-o-o-o-o-o-o-o-


Nagpatuloy ang ating pagkakaibigan. Ako ang naging tagapagtanggol mo mula nung tayo'y mga bata pa. Minsan ay nahihiya ka't babae pa ang nagtatanggol sa iyo, pero lagi kitang pinapanatag at pinaaalala sayo'ng hindi ka sanay sa mga ganitong asaran at pangungutya ng mga bata sa kalye pagkat hindi mo kauri ang mga ito. Mayaman ka at hindi kayo pinamihasa sa ganitong pambubuska na kung tutuusin ay katuwaan lang sa mga maralitang bata na tulad ko.


“Hoy Ella! Tara't samahan mo muna kong maglaro dito.”

Noel, hindi kami mapapakain ng trumpo. Kailangan ko pang ilako 'tong mga 'to, panghapunan namin ni Nanay. Isa pa'y disi otso anyos na tayo, trumpo parin ang iniisip mo!”

Hindi mo naman siguro ikakalugi ang kalahating oras na paglalaro ng trumpo sa kikitain mo.”

Palibhasa'y hindi mo problema ang pangkain ninyo.”

Hindi naman sa ganun. Gusto ko lang eh maglibang ka ng kaunti. Sayang pa naman ang ganda mo kung ginagamit mo lang 'yan sa paglalako ng puto.”

Siyanga? Maganda ako?”

Namumula ang mga pisngi mo. Hahaha.”

Hmph! Wala kang ibang maloko, no!”

Totoo nga. Maganda ka. Maganda ka hindi katulad ng ibang babae diyan na kailangan pang maglagay ng kolorete sa mukha at magsuot ng magarang damit para lang masabing maganda sila.”

At naniwala ako sayo. Naniwala ako sa lahat ng sinabi mo sa akin. Kahit na animo'y isa akong matapang at matikas na maton sa asta at pag-uugali, pusong babae parin ako.

Madalas rin kitang puntahan sa pamantasan kung saan ka nag-aaral, sabi mo'y maaari kong ilako ang aking paninda sa eskwela niyo dahil paniguradong mauubos ito. Tinutulungan mo ako sa paglalako, ultimo sa mga propesor mo, at sabay rin tayo kung umuwi.


Anak, 'di yata't masyado kayong nagkakalapit nung binatang Montereal dyan sa may malaking bahay?”

Nay, mabait si Noel. Hindi siya mapangmata tulad ng ibang mayayaman, at totoo siyang kaibigan mula ng kami'y musmos pa.”

Alam ko. Ang gusto ko'y maging maingat ka lang.”

Huwag kang mag alala, 'Nay. Iba si Noel.”


-o-o-o-o-o-o-o-o-o-

Saan ka galing, Noel? Hindi ka nanaman namin nakasabay sa hapunan ng Papang mo.”

Sa Eskwela, saan pa ba? At saka hinatid ko sa bahay nila si Ella.”

Por Diyos por Santo naman, hijo, ilang beses ko bang sasabihin sayo na mamili ka ng sasamahan. Hindi mo alam na halang ang bituka ng mga tao diyan sa looban at heto ka't inaaguwantahan mo parin ang pagdikit diyan sa babaeng 'yan!”

Mamang, sa tagal namin magkasama ni Ella ay wala pa namang nangyayaring masama sa akin. Wala rin naman siyang nakakahawang sakit para siya ay iwasan ko. Wala akong makitang dahilan para hindi kami magkalapit. Isa pa'y mabuti at totoong tao siya. May puso at may malasakit sa iba. Mapalad ang mga taong nakakakilala sa kanya.”

Tinatanong ko ba? Anak kita at hangga't nandirito ka sa poder ko ay ako ang masusunod. Hindi ka na makikipagkita pa sa hampaslupa na 'yon.”

Mamang, ikaw ang ina ko pero hindi ikaw ang magdedesisyon sa kaligayahan ko. Hindi mo pag aari ang buhay ko.”

At 'yan ba ang napupulot mo sa looban? Sa impyernong lugar na 'yon? Ang lumapastangan sa magulang? Hintayin mo ang Papang mo't makikita mo ang hinahanap mo.”

Hindi ang Papang. Hindi siya kahit kailan hahadlang sa kaligayahan ko. Hindi siya, ngunit ikaw lang, Mamang. Tama na, pagod na akong maging sunud-sunuran at pagod na 'kong magpasakop sa inyo. Hindi na ako magiging mahina. Mahal kita, Mamang pero utang na loob, sana'y hayaan mo na akong piliin kung sino ang gusto kong maging kaibigan o kasintahan. Gawin mo kung ano ang nais mong gawin, ngunit maninindigan ako sa pagkakataong ito.”

-o-o-o-o-o-o-o-o-o-

Naging magkasintahan tayo. Ikaw lang yata ang nagsabi sa akin na maganda ako, kahit kilos lalaki sa maraming pagkakataon, lalo na sa kupas na dilaw kong palda at puting kamison. Gusto mo ng buhok kong bagsak hanggang balikat. Pero higit sa lahat, ang pinaka mahal mo ay ang pagiging natural ko at totoo sa maraming bagay. Matapang, palaban at hindi basta basta nagpapatalo.

“Magpakasal tayo, Ella.”

Ano?!”

Bakit, ayaw mo ba?”

"Hindi naman sa ganu'n, pero bakit?"


"Anong bakit? Ano pa ba ang kailangan natin na wala sa atin ngayon para hindi tayo magpakasal? Kaya kitang buhayin at ang magiging anak natin, kung sakali. Oh, eh bakit ka umiiyak?"


"Wala naman."


"Hindi ka ba masaya?"


"Masaya. Iniisip ko lang kung bakit ako ang napili mo? Baka kasi magbago ang isip mo bago ang araw na 'yun, naku hindi ko talaga kakayanin."


"Ano ka ba naman. Unang una, ikaw ang gusto ko. Mula pa ng mga bata tayo. Nasa iyo ang lahat ng hinahanap ng kahit sinong lalaki. Ako ang mapalad kung sakaling papayag kang pakasal sa akin. Pangalawa, wala kang dapat isipin dahil hinding hindi na magbabago ang isip ko. Bakit? Kasi hindi ako babae na paiba iba ang takbo ng isip!"


"Sobra ka naman. Kaso payag na ba ang mamang mo?"


"Ako ang pakakasalan mo, hindi naman siya. Ako ang alalahanin mo, at ang kasiyahan mo. Kung sa tingin mo na ang pagpapakasal sakin ang magpapasaya sayo, eh 'di magpakasal tayo."


"Salamat, Noel. Hindi mo lang alam kung gaano mo ako pinasaya."


"Talaga? O s'ya sige, punasan mo na 'yang luha mo't hindi bagay sayo ang umiiyak. Hindi ugali ng Ella ko ang iyakin."



Pinunasan ko ang luha sa aking mga pingi. Kailan ba ang huling pagkakataong tumulo ang mga ito? Nung masunugan kami ng bahay? Nung mamatay ang alaga kong pusa na si mumay? Nung iwan kami ni Tatay? Hindi ko talaga maalala. Isang bagay lang ang natitiyak ko ngayon. Hindi ako lumuluha dahil sa sama ng loob. Hindi sa lungkot o pighati. Lumuluha ako dahil dumating din ang pinakamasayang araw sa buhay ko. Luha ito ng kaligayahan. Ng kasiyahang hindi ko 'ata maihahalintulad sa kahit anong masayang kaganapan sa buhay ko.


-o-o-o-o-o-o-o-o-o-

At dumating din ang araw ng kasal natin. Napakaganda ng Traje de Boda ko. Sabi mo'y sagot ito ng iyong mamang. Siya narin kamo ang sasagot ng mga gastusin sa kainan dala ng siya ang ina ng lalaki. Nagtataka man kami ay nais parin makihati ni Nanay sa gastos ngunit sabi mo'y huwag na.

Hindi ako mapakali sa pagkakaayos ng belo sa ulo ko, siguro'y dala lang ito ng kaba. Nang makuntento na ako sa aking ayos ay lumabas na kami ni Nanay ng bahay para magtungo sa simbahan. Baka 'kako naiinip ka na.



Pagbaba namin ng sasakyan na pinahiram din ng iyong Mamang, hindi na kami nagulat sa dami ng tao. Kilala ang inyong pamilya sa ating lugar kung kaya't hindi nakakapagtaka na marami ang dadalo sa ating kasal. Kami nalang ni Nanay ang magkasama sa buhay kung kaya't wala kaming ibang bisita. Nang lumapit kami sa bungad ng simbahan ay nakakita ako ng iba pang mga babaeng nakasuot ng Traje de Boda. Inisip ko'ng baka napaaga kami ni Nanay at may isang malakihang kasal ang gaganapin bago ang ating kasal. Naghintay kami sa labas. Nakapasok na ang lahat ng mga babaeng ikakasal maliban sa akin. Hindi kita makita. Lahat ng tao ay nakatingin na sa akin, hinihintay na iparada ko ang aking magarang damit.


Nagsimula akong kabahan.


Bakit wala akong makitang pamilyar na mukha?
Hindi kita maramdaman na malapit sa akin?
Sabi ni Nanay baka bukas pa ang ating kasal at napa aga lang kami ng punta.
Pero hindi ako pwedeng magkamali dahil minarkahan ko ang aking kalendaryo sa araw na ito.


Nagsimulang manghina ang tuhod ko. Pinigil kong tumulo ang aking luha at baka mabura ang aking meyk up. Hindi maaari ito. Baka may nangyari nang masama sa'yo. Hindi maaaring hindi ka sisipot sa kasal natin ng wala man lang pasabi. Hindi mo kayang gawin sa akin 'to. Hindi mo 'ko kayang saktan.


"Nay, tara na't umuwi. Hindi na siya darating."

-o-o-o-o-o-o-o-o-o-


"Kumusta na po, Tiyang Nelia?"

"Noel? Buti't nadalaw ka."

"Tiyang.. Gusto ko sanang malaman kung ano'ng nangyari."

"Hindi ba dapat ako ang magtanong sa'yo niyan?"



Bakit nga ba? Nasaan ka ng mga sandaling iyon, Noel? Ngayo'y nandirito ka sa amin, bagsak ang magkabilang balikat, bakas sa mga mata mo ang sakit. Ang panghihinayang. Ang lungkot.


"Hindi ako nakasipot sa kasal dahil nilinlang ako ng aking mamang. Nag alok siya na siya nang mag aayos ng lahat ng kailangan namin ni Ella sa kasal, ikinasiya ko ito. Ngunit kasabay nito'y inutusan niya akong makipagpulong sa grupo ng mga mangangalakal sa Maynila, kailangan akong manatili duon ng dalawang linggo. Ayaw ko sanang pumayag dahil sa nalalapit naming kasal ngunit malaki ang magiging epekto nito sa aming kumpanya. Lingid sa aking kaalaman ay ibang petsa ang ibinigay niya sa inyo ng aming kasal. Iba sa araw na alam ko. Kaya't hindi tayo nagtagpo."


Umiiyak si Nanay. Siguro'y naalala niya ang lahat ng nangyari nung araw na iyon.


"Naghintay kami sa'yo sa simbahan ng araw na iyon. Naghintay si Ella. Pero nang mapagtanto niyang hindi ka sisipot, umuwi na kami. Naging matamlay na siya mula nuon. Hindi kumakain, nagkukulong sa kwarto at ayaw magsalita. Sabi ko'y kalimutan ka na, at hindi kayo magkatulad. Baka 'kako nakakita ka ng mas bagay sa iyo at ganun narin ang dapat niyang gawin. Wala siyang ginawa kundi ang umiyak. 'Di nagtagal ay lumabas din siya ng kwarto. Pumunta sa bakanteng lote, naglaro ng trumpo sandali, at umupo sa ilalim ng puno ng mangga sa may harap ng aming bahay. Pinagmamasdan ko siya, ngunit hindi siya nagtagal sa ganung ayos. Pumasok siya ng bahay at dumeretso sa kanyang kwarto. At hindi ko na siya nakitang lumabas ng kwarto mula ng araw na iyon."


"Tiyang..."


"Pinuntahan ko siya ng mga bandang hapon, at nandoon si Ella. Nakahandusay ang katawan sa kama, animo'y natutulog ng mahimbing, dumadaloy ang dugo mula sa bukas niyang pulso. Nahuli ako, Noel. Nahuli lang ako ng kaunti."

"Nahuli tayo pareho, Tiyang. Patawarin mo ako. Patawarin mo ako, Ella."


-o-o-o-o-o-o-o-o-o-

Naaalala ko pa nung unang araw na nagkakilala tayo. Napakapayat mo, at maliit para sa isang dose anyos na bata. Mag isa ka lang sa may bakanteng lote dahil ayaw ng ibang bata na makipaglaro sayo. Trumpo lang daw kasi, hindi mo pa alam kung papaano laruin. Lagi kang sentro ng katatawanan.

Pero malaki na ang pinagbago mo ngayon. Matipuno na ang iyong pangangatawan, matalino, at matikas. Hawak mo ang iyong lumang trumpo at pinipilit paikutin tulad ng kung paano tayo maglaro dati. Pero hindi mo na magawa. Siguro'y nakalimutan mo na kung paano. Kung sakaling nandiriyan lang ako sa tabi mo'y tuturuan ulit kita.

Patawarin mo ako, mahal ko. Kinuha ko ang aking buhay para wakasan ang sakit na nararamdaman ko. Sinabi ko sa'yong hindi ko kakayanin kung magbabago ka ng isip tungkol sa atin, at totoong hindi ko talaga kinaya. Hindi ako matapang tulad ng iniisip mo. Patawarin mo ako kung hindi ko na matutupad na samahan ka, kahit saan ka man magpunta.


Tahan na, hindi magtatagal at makakawala ka rin sa ala ala ko. Sa ala ala nating dalawa.


Paalam, Noel. Hanggang sa muli nating pagkikita.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment