RSS

Si Larry at ang mga Laruan ng Ikalawang Bunsong Kapatid sa Dako Pa Roon - kwentong pambata

"Si Larry at ang mga Laruan ng Ikalawang Bunsong Kapatid sa Dako Pa Roon"
Kategorya : maikling kwento
blogger : Lio Loco


May isang anim na taong gulang na batang nagngangalang Larry. Masayahin siyang bata at kinagigiliwan ng iba pang batang kasing-gulang niya. Tuwing Sabado at Linggo, kung kailan walang pasok sa paaralan, pinapayagan siya ng kaniyang mga magulang na maglaro sa kanilang salas kasama ang iba pang batang nakatira sa kalapit-bahay.
Sa mga araw na tulad nito, masayang-masaya si Larry dahil maaari niyang ilabas lahat ng mga laruang nakatago sa kaniyang aparador at ibahagi sa mga kaibigan niyang wiling-wili sa maghapong paglalaro. Gamit ang de-bateryang laser gun na binili pa ng Papa niya sa ibang bansa, madalas ay nagbabaril-barilan sila habang ginagaya ang tindig at kilos ng kanilang paboritong superhero na pinapanood sa pambatang palabas sa TV.
Bukod sa de-bateryang laser gun, may iba pang laruan si Larry na buong giliw niyang ipinagmamalaki sa mga batang kapitbahay niya. Meron din siyang kumikinang na espadang kasing-haba ng pinakamahabang braso ng mag-aaral sa kanilang baitang; ang mahiwagang espadang ito ay sumasagitsit kapag ihinahampas at nagkukulay-bughaw kapag madilim at pinatay na ang ilaw. Meron din siyang robot na kasing-laki ng aso nilang Doberman at nagsasalita ng "I am the Protector of the Universe! I  shall deliver justice!" habang naglalakad. 
Anupa't sa dami ng laruang binibili ng kaniyang Mama at Papa, hindi na magkamayaw ang mga batang kasama niya sa pagpili ng pinakamagandang laruan. Alam ni Larry na mahal na mahal siya ng kaniyang mga magulang. At mahal na mahal din naman ni Larry ang kaniyang Mama at Papa.
Ngunit simula nang dumating ang bunso niyang kapatid, simula nang iuwi ito ng kaniyang Mama at Papa mula sa lugar kung saan maraming magagandang anghel na nakaputi, napagtanto niyang unti-unti nang nababawasan ang atensyong ibinibigay sa kaniya ng mga magulang. Unti-unti na ring nabawasan ang pagbili ng mga bagong laruan ng kaniyang Mama at Papa. Kapag umuuwi ang mga ito galing sa pamimili ay puro gatas, lampin, at mga laruang umiikot na sinasabit sa kuna na lang ang lagi nilang dala. 
Hanggang sa tuluyan na ngang nawala ang mga bagong laruan sa aparador.
Sa paglipas ng panahon, natuto nang maglakad at magsalita ang kaniyang bunsong kapatid. Kahit pasuray-suray pa ang paghakbang nito at iilang salitang bulol pa lamang ang kaniyang alam, tuwang-tuwa ang kaniyang Mama at Papa sa tuwing nagsasalita o naglalakad ang bunsong kapatid papunta sa kanila. Natuto na ring tanggapin ni Larry na sa pagdating ng kaniyang bunsong kapatid, kahit kailan ay hindi na siya magkakaroon ng bagong laruan.
Isang araw, habang masaya siyang nakikipaglaro sa kaniyang mga kaibigan, nakawala ang kaniyang bunsong kapatid sa kunang kinalalagyan. Nagluluto ang kaniyang Mama sa kusina habang ang kaniyang Papa naman ay nakatutok sa monitor ng kaniyang computer sa sariling kwarto.
Ma, si Leo nakababa sa crib!
May isinigaw ang kaniyang Mama mula sa kusina. Pero sa ingay ng mga kalarong nagbabaril-barilan at nag-eespadahan, hindi narinig ni Larry ang tinuran ng ina. Tiningnan niya ang bunsong kapatid na gumegewang-gewang ang paghakbang papalapit sa kanilang magkakaibigang naglalaro.
Wag ka rito maglakad. Naglalaro kami. 
Pero patuloy sa paglalakad ang bunsong kapatid. Pumapala-palakpak ang mga maliliit na kamay nito habang pumapadyak-padyak naman ang mga paang papalapit sa pangkat ng mga naglalarong bata. May nakasubong tsupon sa bunganga nito at tuwang-tuwang nilalapitan ang kuyang naglalaro.
Toy! Toy! Tuya Lawee, toy! Lawo, Tuya Lawee. Toy!
Wag ka sabing pupunta rito. Naglalaro kami.
Akmang tatayo na sana si Larry para kargahin ang bunsong kapatid pabalik sa kuna nang biglang—
Bag!
Tinamaan sa noo ang bunsong kapatid ng laser gun na hawak ng isang kalaro. At biglang natumba ang dalawang-taong-gulang na bunsong kapatid. At napaupo ito. At napatigil sa pagtawa. Tumingin siya sa kaniyang kuya ng isa, dalawang minuto. At pagkatapos ay humagulgol nang malakas habang nakasalampak sa sahig.
Waaaaaaaah! Waaaaaaaaaah!
Mabilis na pumunta sa salas ang kaniyang Mamang may hawak-hawak na sandok. Ang kaniyang Papa naman ay mabilis ding bumaba mula sa taas na may dalang bolpen at nilamukos na papel.
Larry, anong ginawa mo? Bakit umiiyak ang kapatid mo?
Anong nangyari?
Hindi ba sabi ko sa'yong ibalik mo siya sa crib?
Bakit ba kasi nakababa siya sa crib?
Nag-uunahan ang mga tanong ng kaniyang Mama at Papa. Hindi niya alam kung sino sa kanila ang unang sasagutin. Ang mga kalaro niya ay napatigil na rin sa paglalaro. Nakatingin sa mga magulang ni Larry habang hawak-hawak ang mga laruan ni Larry.
Kasi po, si Leo...sabi ko po...ayaw po niyang—
—Umakyat ka sa taas!
At mabigat ang mga paang nilisan ni Larry ang mga kalaro at mga laruang nakakalat sa salas. Isa-isa na ring nagsipag-uwian ang mga kaibigan niya sa kani-kanilang tahanan. At patuloy pa rin sa pag-iyak ang bunsong kapatid na may bukol sa noong kasing-laki ng mamula-mulang sinegwelas.
Ayoko na sa kanila. Hindi nila 'ko mahal. Si Leo lang ang mahal nila. I hate Leo!I hate Mama and Papa! Ayoko na sa kanila!
Kinagabihan, naisipan ni Larry na maglayas sa bahay. Napagtanto niyang si Leo lang ang mahal ng kaniyang Mama at Papa at wala nang rason pa para magtagal pa siya sa kanilang tahanan. Sa kailaliman ng gabi, kung kailan mahimbing na ang pagkakatulog ng kaniyang Mama at malakas na ang paghihilik ng kaniyang Papa, kung kailan nakadapa na ang bunsong kapatid sa kuna sa kabilang kwarto, isinakatuparan niya ang kaniyang balak.
Sinilip niya ang nakadaplang tulog ng kapatid. Tumingin siya sa maliit na siwang ng pintuan ng mga magulang at tiningnan ang tulog na tulog na Mama at Papa. Bigla siyang nalungkot. Bigla niyang naalala ang mga panahong masayang-masaya pa sila tuwing lumalabas silang mag-anak sa Linggo. Pero buo na ang loob niyang umalis ng bahay. Dahan-dahan niyang binagtas ang daan pababa ng hagdan. Patiyad ang mga paang hinakbang ang mga baitang pababa. At nang marating ang pintuan palabas ng bahay, nilingon niya ang kabuuan ng tahanan bago pinihit ang busol at tuluyan nang umalis.
Pagdating niya sa may tarangkahan, biglang nagising ang aso nilang si Poochee at tumahol nang malakas. Hinawakan ni Larry ang matapang na mukha ng asong Doberman. Dinilaan siya nito sa pisngi.
Shhhhhh! Wag kang maingay, Poochee. Aalis na 'ko rito. Hindi na kasi ako love nina Mama at Papa. Si Leo na lang ang love nila. Pero babantayan mo pa rin silang maigi, Poochee ha.
Naintindihan siguro ni Poochee ang tinuran ni Larry. Biglang nalungkot ang mga nangungusap na mata nito at mas madiin pa ang ginawang pagdila sa mukha ng batang amo.
Paglabas ng tarangkahan, hindi alam ni Larry kung saan siya pupunta. Sa kanan ba o sa kaliwa? Liliko ba siya sa unang kanto o sa ikalawa? Hanggang saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa? Hanggang kailan siya maglalakad? Naguguluhan siya pero andito na siya sa labas ng bahay nila. Kailangan niyang simulan ang unang hakbang dahil hindi na siya maaaring bumalik.
At humakbang nga siya. At gumawa ng isa pa. Tatlong hakbang. Apat. Lima. Hanggang sa hindi na niya namamalayang nakalayo na pala siya sa bahay nila. Sali-saliwang kanto na ang dinaanan ng kaniyang mga paa. Tumigil siya sandali para magpahinga. Tiningnan niya ang paligid. Madilim. Bukod sa mangilan-ngilang ilaw na nakalagay sa piling poste ng mga kanto, ang buong paligid ay nababalot na ng maitim na kawalan. Nakakatakot. At ang madilim na paligid ay mas lalo pang pinalamig ng katahimikang bumabalot sa lunan kung saan nagpapahinga si Larry
Doon niya napansin ang matang nakatingin sa kaniya. Sa gilid ng kaniyang kaliwang mata, napansin niyang may isang pares ng mga nag-aapoy na matang nakatingin sa kaniya sa di-kalayuan. Doon sa bahaging hindi na abot ng liwanag ng ilaw sa poste. Napansin niyang papalapit nang papalapit ang mga matang walang kurap sa pagtingin sa kaniya. Kinilabutan siya. Bumilis ang pagtibok ng kaniyang puso. Pinagpawisan nang malagkit. Animo'y paghahanda bago ang mabilis na pagtakbo.
At tumakbo nga siya. Tumakbo nang tumakbo papalayo sa pares ng nanlilisik na mata sa kadiliman. Hindi niya alam kung matutunton niya ang daan pabalik sa kanilang bahay pero iyon ang unang pumasok sa kaniyang isip – babalik na siya sa kanilang bahay. Hindi na uli siya maglalayas. Pagliko sa ikatlong kanto, natanaw niya ang pamilyar na tarangkahan. Nakita niya ang pamilyar na bahay na may dalawang palapag. Sa wakas, makakauwi na si Larry!
Ngunit may iba sa bahay na kaniyang natatanaw. Parang niluma na ito ng panahon, tila isang sinaunang tahanang kuha mula sa isang larawang kupas. Ang mga bintana nito'y madilim at puno ng agiw, tila mga mata ng halimaw na kalaban ng paboritong superhero sa pambatang palabas sa TV. Pagdating niya sa tapat ng bahay, nanibago siya sa tarangkahan nito. Kinakalawang, bungi-bungi ang ilang barandilyas. Nagtaka siya. Alam niyang kakapintura lamang iyon ng kaniyang Papa noong nakaraang Linggo. Nagtaka rin siya kung bakit puro patay ang mga halamang araw-araw dinidiligan ng kaniyang Mama. Tuyot ang mga talulot ng bulaklak ng mga ito at tigang na tigang ang mga lupa sa paso. At ang pinagtataka niya sa lahat, wala roon si Poochee.
Binuksan niya ang pintuan.
Kuya, halika, maglaro tayo!
Nagulat si Larry. Naroon ang kaniyang bunsong kapatid na naglalaro sa salas. Punung-puno ng laruan. Mga bago at mamahaling laruang kailanman ay hindi niya inaakalang makikita niya. Mga de-remote control na kotse-kotsehan at toy helicopter. Teddy bear na mas malaki pa sa kaniyang Papa. Jack-in-the-box. De-bateryang choo-choo train. Gundam robots na lumilipad mag-isa.

Bigay 'to lahat ni Mama at Papa. Halika kuya, laro tayo!
Sa ikalawang pagkakataon, nagsalita nang tuwid ang bunsong kapatid ni Larry. Hindi bulol, hindi putul-putol.
Nasaan sina Mama at Papa? Papano ka nakababa rito? Nakakapagsali—
--Halika kuya. Laro tayong dalawa!
At biglang humakbang ang bunsong kapatid ni Larry papunta sa kaniya. Napaatras siya. Mas namangha kaysa sa naunang pagsasalita nang maayos ng bunsong kapatid. Hindi na ito sumusuray-suray sa paglalakad. Maayos na ang mga hakbang. Katumbas ng isang wawaluhing-taong-gulang na batang katulad niya.
Ba't gising ka pa? Di ba tulog ka na kanina?
Tingnan mo 'to kuya. Ang galing ng toy na 'to!
Hinawakan ng bunsong kapatid ang kamay niya; bumitaw si Larry sa pagkakahawak. Ang kamay na iyon, ang palad ng bunsong kapatid na dumampi sa kaniyang balat ay walang init, walang buhay. Parang kamay na matagal inimbak sa makapal na yelo ng freezer sa refrigerator.
Kuya, maglaro tayo!
Wala na ang malumay na tinig ng bunsong kapatid. Nag-uutos na ito. Bumibigkas ng isang pangungusap na hindi pwedeng hindian. Ang boses na nagmumula sa kaniyang bunsong kapatid, kakatwa iyon. Parang hindi pangkaraniwan. Parang may hindi tama.
S-sige. Laro tayo.
At naglaro nga sina Larry at ang kaniyang bunsong kapatid. Nagbaril-barilan. Nagkotse-kotsehan. Tumalun-talon sa sofa habang ginagaya ang tindig at kilos ng paboritong superhero sa pinapanood na pambatang palabas sa TV. Ngunit ano ‘tong nararamdaman niya? Bukod sa kakaibang ikinikilos ng bunsong kapatid, napansin din niyang tila nanghihina siya sa bawat dampot ng bagong laruan. Hinihingal na siya, kinakapos sa hininga. Tumigil siya sa paglalaro.
Kuya, bakit? Sige pa, laro pa tayo.
Tumingin si Larry sa bunsong kapatid na animo'y walang kapaguran sa paglalaro. Pinagmasdang maigi ang mukha nito, ang mga matang mababanaag ang kakaibang pananabik at masidhing pagnanasa. At bigla siyang napabulalas ng impit na sigaw. Kaya pala walang buhay ang mga matang kaniyang nakikita sa bunsong kapatid ay dahil mga laruang holen ang mga iyon. 
Teka lang kuya. Kukuha lang ako ng bagong laruan sa aparador.
Pagkakataon na niyang tumakas at lisanin ang bahay na iyon. Pagkatalikod ng bunsong kapatid para kumuha ng mga bagong laruan sa aparador, maingat na ibinaba ni Larry ang hawak-hawak na espadang plastik at dahang-dahan siyang tumayo. Dahan-dahang humakbang paatras hanggang sa marating niya ang pinto palabas ng bahay.
Hinawakan niya ang busol nito. Pinihit ng pawisang kaliwang kamay. At pagkatapos ay binuksan ang pintong tanging paraan niya para makaalis sa kakaibang bahay na iyon.
Saan ka pupunta, kuya?
Napalingon si Larry sa pinanggalingan ng nagtatanong na tinig. Sa kaniyang harapan ay nakatayo ang kaniyang bunsong kapatid at may hawak na mga bagong laruan. Nakahawak pa rin ang pawisang kamay ni Larry sa busol. May maliit nang siwang ang pintuan.
Sino ka? Hindi ikaw si Leo. Hindi ikaw ang bunsong kapatid ko.
Napangiti ang bunsong kapatid ni Larry na pinaghihinalaan niyang hindi niya bunsong kapatid. Ibinaba niya ang mga hawak na laruan. Itinago ang mga kamay sa likuran at humakbang papalapit kay Larry. Dahan-dahan. Tantiyado ang pagkilos.
Ako ang ikalawang bunsong kapatid mo, kuya. At hindi ka na pwedeng umalis sa ikalawang bahay nating ito.
Aalis ako rito. Babalik na 'ko sa totoo nating bahay. Babalik na 'ko kina Mama at Papa.
Hindi ka mahal nina Mama at Papa! Ako lang ang mahal nila. Ako lang. Hindi ka nila mahal, kuya!
Hindi totoo 'yan! 
At bigla siyang tumakbo papalabas ng ikalawang bahay ng ikalawang bunsong kapatid. Tumakbo siya palabas ng kalawanging tarangkahan. Tumakbo siya papunta sa kanto. At tumakbo siya nang tumakbo. Hindi niya alam kung hanggang saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa ngunit tumakbo lang siya nang tumakbo papalayo sa ikalawang bunsong kapatid.
Takbo. Hingal. Takbo. Hingal. Naghahabulan ang hakbang at hininga ni Larry.
Lumingon siya sa kaniyang likod habang patuloy pa rin ang pagtakbong walang siguradong pupuntahan. At nagitla siya sa kaniyang nakita. Ang ikalawang bunsong kapatid, kasama ang mga bagong laruan sa aparador, ay sumusunod sa kaniya. Nakangiti ito. Nakakalokong ngiti – ‘yung tipo ng ngiting alam niya ang kalalabasan at alam niyang siya ang bentahe.  Nanlilisik ang mga mata ng ikalawang bunsong kapatid sa madilim na daang hindi nasisilayan ng ilaw sa poste.
Hindi ka makakatakas, kuya. Maglalaro pa tayo. Paglalaruan kita!
Nag-isip si Larry. Kung hindi niya makikita ang daan papunta sa bahay nila sa lalong madaling panahon ay maaabutan siya ng ikalawang bunsong kapatid. Kailangan niyang makapunta sa totoong bahay nila bago pa siya mahuli ng ikalawang bunsong kapatid at ng mga laruan nito.
Sana marinig ko ang tahol ni Poochee.
At biglang-bigla, sa ikatlong liko mula sa unang inikutang kanto, narinig ni Larry ang tahol ng aso nilang Doberman. Mabagal na ang kaniyang pagtakbo ngunit inubos na niya ang natitirang lakas para takbuhin ang bahay kung saan nagmula ang tahol. Dalawampung hakbang at tanaw na niya ang kanilang totoong bahay. Hindi na niya nilingon ang ikalawang bunsong kapatid at ang mga laruan nitong tumutugis sa kaniya. 
Mabilis niyang binuksan ang tarangkahan. At dumamba sa kaniyang harapan si Poochee na iniwan niya kani-kanina lang. Matapos dilaan si Larry ay bigla itong lumabas. At nakita niya kung paanong inilabas ni Poochee ang matatalim nitong pangil upang pigilan ang ikalawang bunsong kapatid, sampu ng mga buhay nitong laruan, sa pagpasok sa loob ng tarangkahan. At ang ikalawang bunsong kapatid ay walang nagawa kundi titigan si Larry sa labas ng tarangkahan na pininturahan ng kaniyang Papa noong nakaraang Linggo. Dalawang bilog na bilog na holeng walang buhay na pinagmamasdan ang mukha ni Larry.
Tumakbo palayo si Larry at binuksan ang busol ng totoong pintuan ng totoong bahay. At tumambad sa kaniyang mga mata ang nakapantulog na mga magulang na halatang kanina pa gising at nag-aalala at ang totoong bunsong kapatid na nakatingin sa kaniyang Mama at Papa. Ang kaniyang Mama na mangiyak-ngiyak nang makita si Larry sa bungad ng pintuan. Ang kaniyang Papa na paroo't parito, hawak-hawak ang telepono at seryosong nakikipag-usap sa kabilang linya.
Saan ka ba pumuntang bata ka? Alam mo bang pinag-alala mo kami?
At niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang Mama at Papa. At niyakap niya nang mas mahigpit ang bunso niyang kapatid. At biglang ngumiti ang bunso niyang kapatid at tuwang-tuwang bumulong sa kaniyang Kuya Larry:
Tuya Lawee, lawoo tayo!

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment