RSS

Doon Sa Amin, Sa Payatas - tula

"Doon Sa Amin, Sa Payatas"
Kategorya : Tula
blogger : Carloalmighty





Sa ilalim ng isang nakangiting araw,
tagus-tagusan sa mangilan-ngilang butas sa yero
habang pina-pangalmusal ang natitirang tutong at bahaw
isang ingay ang mula sa dako paroon ang pumukaw.

Nangangahos na nginuya ng aking mga panga
ang almusal na s’ya na ring aking pananghalian,
nang sa gayo’y makapaglaro sa kanal kasama ang papel na bangka
at ang sangkatutak na dumi ng tao’t anu’t-ano pang karumihan.

Tinahak ko ang daan papalabas ng may ngiti
habang kasalubong ko ang marami:
natatakot, natataranta, punung-puno ng pighati.

Pilit na naghuhumiyaw sa galit
ang aking mga minamahal
hanggang sa langit ay magalit,
na pumuno sa bukana ng kaibigan kong kanal.
Dumating ang mga higante't matitikas na mga laruan;
Oh, ang pangarap kong trak at kotsi-kotsehan!

Agad kong nasilayan ang iba
handang agawin ang mga matitipunong laruan.
Buong lakas na tinahak ng aking mga binti
ang distansyang naghihiwalay sa amin.
Binti ko ma’y napuno ng pagal
buong dipa kong yinakap ang magagarang laruang bakal.

Kumagat ang dilim sa oras ng tanghalian,
animo’y isang malamlam na saad.
Nagpatuloy ang pagluha ng kalangitan,
nakikisama sa mga sawim-palad;
Mga bigo't inggit sa bago kong kayamanan!

Biglang tumahimik ang paligid
na pawang binawian ako ng pandinig,
kasabay nito’y ang pagkawala ng aking paningin at tinig,
o maaring hindi ko lamang maibuka ang aking mga bibig
dulot na rin siguro ng aking matinding pananabik.

Ilang sandali pa ang lumipas,
ang pader ng katahimika’y nabutas;
isang atungaw ang aking naulinigan,
hindi ni Santa Klaws ngunit ng aming ilaw ng tahanan.

“Putang ina mo!”
“PUTANG INA NINYONG LAHAT!”
Buong lutong ang pagsambit,
tila punung-puno ng galit.

Isang haplos at mahigpit na yakap
ang bumalot sa kanina ko pang giniginaw na katawan.
Dama ko ang init ng kaniyang hininga at labi
sa aking malalamig na pisngi,
kasabay nito ay ang pag-agos ng kanyang mga luha
kasabay ng kanyang pag-usal ng, “Anak, mahal na mahal kita!”

Naramdaman ko ang muling pag-agos,
hindi ng mga luha o ng ulan
tila ito’y nagmumula sa aking bungo:
mainit, mabibilis na paglawa ng aking natitirang dugo.


  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

7 comments:

Anonymous said...

Pinupukaw nito ang katotohanan sa ating bayan. Maraming mga tao ang naghihirap at nagugutom. Sa unang isinisiwalat lamang ang realidad ng buhay na marami sa populasyon ngayon ang walang maayos na tahanan. Masasabi ko na naging trahedya ang dulo ng tula batay sa aking pagkakaunawa. Nagkaroon ng demolition sa kanilang bahay at nadamay ang BINATA dahil pinoprotektahan nito ang kanilang munting tahanan.
Mula sa una at ikalawang saknong, positibo ang naging paglalarawan sa simpleng buhay isang bata.
Ngunit ng biglang dumilim sa ng sumapit ang tanghalian. Maari nating masabi na BINATA ang siyang nagsasalita.

-----------------------------------------------
Malawak ang nagiging pananaw ng isang mambabasa. Mahusay ang iyong paggamit ng mga salita ngunit kakitaan pa rin ito ng antas ng pagkakagamit sa WIKA.

Anonymous said...

Parang pelikulang pina-ikli. Makakabuo ka ng sarili mong larawan habang binabasa ang tula.

Anonymous said...

two thumbs up :)

Anonymous said...

magaling na likha.

Anonymous said...

speechless..I can't think of any word that could describe your poem...super like..:)

Anonymous said...

Ang gandaaa!

Sabel said...

Ramdam na ramdam ang eksena, te! Lovet!

Post a Comment