RSS

Mr. Smile - maikling kwento

"Mr. SMile"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Kurog

“Bakit ba palagi mo nalang hawak ‘yang maruming bagay na ‘yan?” naiinis na tanong ni Gina sa kasintahang si Jordan.

“Bakit ba palagi mo nalang ako pinapakialaman?” balik na tanong naman ni Jordan sa kaniya na kasalukuyang nagmamaneho ng kotse patungo sa paborito nilang restawran upang ipagdiwang ang ikalawang taong anibersaryo ng kanilang pagiging magkasintahan.

Sa tuwing magkasama ang dalawa ay hindi mawawala ang pagtatalo nila tungkol sa maliit na laruan na magmula pagkabata ay pag-aari na ni Jordan. Isa iyong maliit Teddy Bear na may nakausling tali bilang sabitan. Sa liit nito ay maaari mo itong gamiting pang-sabit sa susi o di kaya naman ay sa iyong bag. Ang hindi maintindihan ni Gina ay kung bakit kahit na dalawampu’t tatlong taong gulang na ang kasintahang si Jordan ay palagi parin niya itong dala-dala at pinaglalaruan.

Sina Gina at Jordan ay dalawang taon pa lamang na magkasintahan ngunit mula sa pagkabata ay magkaibigan na ang dalawa. Pareho sila ng baryong sinilangan. Nagkakailala ang dalawa nung sila ay parehong nasa ikatlong baitang ng elementary at maging magkaklase. Nang tumuntong ng sekondarya ay nagpasya ang dalawa na mag-aral sa parehong paaralan. Ganun din sa kolehiyo at maging ang kursong tinapos nila ay magkapareho rin.

Lumaki silang matalik na magkaibigan. Magkasundo ang dalawa sa halos lahat ng bagay. Pareho ang mga hilig at ang mga hindi gusto. Dalawang taon ang nakalilipas ay nagtapat ng pag-ibig ang binatang si Jordan kay Gina na agad naman tinanggap ng huli dahil matagal na rin itong may pagtingin sa matalik na kaibigan.

Magmula noon ay naging mas masaya ang pagsasama ng dalawa. Bagamat hindi maikakaila na dumaraan sa ilang pagsubok ang kanilang relasyon ay naging matatag sila sa kanilang pagmamahalan.

“Gina,” nauutal na usal ni Jordan habang nagmamaneho parin. “Kumapit ka.”

“Ha?” nagtatakang tanong ni Gina sa kasintahan. “Bakit?”

“Nawalan tayo ng preno.” sagot ni Jordan. “Babangga tayo.”

“Wag kang magbiro ng…” hindi na naituloy ni Gina ang sasabihin nang bigla siyang yakapin ng kasintahan kasabay ng pagbangga nila sa isang kongkretong harang sa gilid ng kalsada.

Nagising si Gina sa loob ng ospital na nagtamo lamang ng ilang galos sa katawan samantalang si Jordan na ginawang pananggalang ang katawan para sa kasintahan ay nagtamo ng matinding pinsala at ngayon ay nag-aagaw buhay.
….oooOOOooo…

“Wag kang mag-alala,” pang-aalo ng naghihingalong si Jordan sa umiiyak na kasintahan. “Magiging maayos din ang lahat.”

“Hindi ko kakayanin pag nawala ka.” tugon ng lumuluhang si Gina na kanina pa namumugto ang mga mata sa kakaiyak. “Kumapit ka Jordan. Kumapit ka.”

“Hindi naman ako bibitiw.” sagot ni Jordan na nagpipigil ng pag-iyak. Pilit na itinatago ang sakit at hirap na nararamdaman. Pilit pinapatatag ang sarili sa kabila ng nalalapit na kamatayan. “Kahit na mawala ako, alam kong nandiyan parin ako.” sabay turo sa dibdib ni Gina kung nasaan ang puso nito.

“Hindi ka mawawala rito.” tugon ni Gina na hinawakan ng dalawang kamay ang kamay ni Jordan at lalo pa itong idiniin sa kaniyang dibdib upang ipadama ang pagtibok ng puso sa loob nito. “Ikaw lang ang mamahalin ko Jordan.”

Napangiti si Jordan sa tinuran ng kasintahan at nagsalita. “Alam ko. At lagi mong tatandaan na ikaw lang ang babaeng minahal ko. Alam mo naman siguro ‘yan dahil magmula pagkabata ay tayo na ang magkasama.”

“Alam ko Jordan.” sagot ni Gina. “Alam ko. Buong buhay ko ay umikot kasama ka. Kaya kung mawawala ka, hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin. Mababaliw ako Jordan. Di ko kaya.”

“Kayanin mo.” paki-usap ni Jordan na halata ang hirap sa pagsasalita. “Para sa akin.”

“Di ko alam Jordan.” sagot ni Gina na lalong tumindi ang hirap ng damdaming nadarama. Batid niya na ano mang sandali ay babawian na ng hininga ang pinakamamahal na kasintahan. “Susubukan ko.”

Nagbuntong hininga si Jordan at pagkatapos ay ngumiti. Binawi niya mula sa kasintahan ang kaniyang kamay at ipinasok iyon sa loob ng kumot na nakatakip sa kaniyang katawan at tila may kinuhang kung ano mula roon. Halata na hirap na hirap sa pagkilos. Paglabas muli ng kaniyang kamay ay hawak na niya ang maliit na laruan na lagi nilang pinagtatalunan ng kasintahan. Iniabot niya ang Teddy Bear kay Gina at saka nagsalita.

“Gusto mong malaman ang sagot sa lagi mong tanong sa akin?” tanong nito na nakangiti.
Hindi naman nakuha ni Gina ang nais sabihin ni Jordan kaya napakunot ang noo nito, patuloy parin ang pagdaloy ng luha mula sa kaniyang mga mata. Bago magsalita ay pinahid ni Jordan ang mga iyon gamit ang kaniyang kamay.

“Naaalala mo ba nung mga bata pa tayo?” nakangiting tanong ulit ni Jordan. “Nung una tayong magkakailala?”

Tumango lang si Gina bilang sagot sa tanong ng kasintahan.

“Nakita kitang umiiyak noon…” umpisa ni Jordan. “Unang araw iyon ng pasukan…”

“Bakit ka umiiyak?” tanong ng batang Jordan sa batang Gina na nadatnan niyang mag-isang umiiyak sa 
likurang bahagi ng kanilang silid aralan.

“Wala kang pakialam!” bulyaw ng humihikbing si Gina pagkatapos ay sininghot ang sipon.

“Sungit mo naman,” pabirong usal ni Jordan habang umuupo sa tabi ni Gina at pagkatapos ay inilabas mula sa kaniyang bag ang kulay asul na panyo at iniabot iyo kay Gina. “Heto, panyo o.”

“Di ko kailangan ‘yan!” malakas na turing ni Gina na napatingin sa kamay ni Jordan na may hawak ng panyo at saka pinalis ang kamay na iyon ngunit napahinto ito nang makita ang isang maliit na bagay na nakasabit sa daliri ni Jordan. “Ano ‘yan?” tanong niya matapos punasan ng sariling kamay ang mga luha.

“Ito?” tanong ni Jordan sabay itinapat ang laruan sa mukha ni Gina upang siguruhin kung iyon nga ang tinutukoy nito.

Tumango naman ang batang si Gina na nahinto na rin sa pag-iyak.

“Ito,” sagot ni Jordan na may tono ng pagyayabang. “Ang pinakamatalik kong kaibigan.”

“Talaga?” tanong ni Gina na nanlaki ang mata ng mapagmasdan ng maayos ang laruan. Napangiti ito dahil nagandahan sa laruan. “Anong pangalan niya?”

“Ha?” gulat na tanong ni Jordan. “Hi-hindi ko alam.”

“Di mo alam?” tanong ng nagtatakang si Gina. “Sabi mo matalik mo siyang kaibigan?”

“E…” sagot ni Jordan na di alam ang isasagot. “Ayaw niya kasing sabihin sa akin eh. Sikreto daw.”

Tumawa ng malakas si Gina dahil sa sagot ni Jordan. “Pano naman niya sasabihin e laruan lang iyan?”

“Gusto mo ikaw magbigay ng pangalan?” tanong ni Jordan na parang napahiya sa pagtawa ng bagong kakilala.

“Pwede ba?” tanong ulit ng muling napangiti na si Gina.

Tumango naman si Jordan bilang sagot.

“Sige.” sagot naman ni Gina. “Ano bang maganda?”

“Gusto mo isunod natin sa pangalan nating dalawa?” mungkahi ni Jordan.

“Sige.” masiglang sagot ni Gina. “Ano bang pangalan mo?”

“Jordan.” sagot ng batang lalaki. “Ikaw?”

“Gina.” sagot naman ng batang babae at saka sandaling nag-isip. “Jona nalang?”

“Pambabae yung eh.” sagot ni Jordan na nagkakamot ng ulo. “Lalaki kaya ito.”

“Ganun?” tanong ni Gina. “E kung Jogi nalang? O kaya naman ay Jorgin?”

“Sige,” sagot ni Jordan. “Jorgin nalang.”

“Sige!” sigaw ni Gina na patango-tango habang nakangiti. “Siya na ngayon si Jorgin!”

“Mr. Smile Jorgin.” usal muli ni Jordan.

“Mr. Smile Jorgin?” nagtatakang tanong ulit ni Gina.

“Gusto mong malaman kung bakit Mr. Smile Jorgin ang ipinangalan ko diyan?” tanong ni Jordan kay Gina na 
nakapagpabalik dito sa kasalukuyan.

Tumango lang si Gina na nakangiti na pala dahil sa binalikang ala-ala.

“Dahil katulad ngayon,” nakangiting usal ni Jordan. “Nagawa ka na naman niyang pangitiin.”

Tinitigan ni Gina ang kasintahan habang nagpupunas ng mga natuyong luha sa kaniyang pisngi na animoy nagtatanong.

“Nadatnan kita noon na umiiyak.” pagpapatuloy ni Jordan. “Sa totoo lang, napulot ko lang iyan ilang minuto bago kita makilala. Pero nang makita kitang mapangiti nang makita ito ay naisipan kong sabihin sa iyo na matalik ko siyang kaibigan. Ilang beses ka napangiti habang pinagmamasdan ito noon kaya Mr. Smile ang ipinangalan ko sa kaniya. At magmula nang araw na iyon, kahit hindi ko alam ang dahilan kung bakit ka umiiyak ay nangako ako sa sarili ko na hindi ko na hahayaang makita kang muling umiiyak. Mula noon ay ginawa ko ang lahat upang mapangiti ka kaya hindi ko na halos binitawan pa yang si Mr. Smile. Hindi ko nga maintindihan kung bakit nagagalit ka sa tuwing makikita mong pinaglalaruan ko pa rin ito.”

Nanatili lang na matiim na nakikinig si Gina.

“Naaalala mo ba nung itinapon mo ito sa basurahan?” tanong ni Jordan na nagpipigil ng tawa. “Halos mabaliw ako sa kakahanap dito. Umiyak ako ng umiyak dahil sa takot na baka hindi ko na siya mahanap pa. Parang naawa ka naman sa akin kaya itinuro mo sa akin kung saan mo ito itinapon. At nagmadali naman akong hanapin iyan sa basurahan at nang mahanap, kahit kagagaling lang nito sa basurahan ay pinaghahalikan ko pa ito. Natawa ka nang makita ang ginawa ko. Naisip ko noon na hindi talaga ako nagkamali sa pag-aalaga sa maliit na laruang iyan dahil alam ko na kahit hindi mo pansin ay palagi ka niyang napapangiti.”

“Patawarin mo ako Jordan…” ang pagtangis ni Gina. “Kung alam ko lang, hindi ko na sana ginawa ang bagay na iyon. Hindi na sana kita inaway pa sa tuwing pinaglalaruan mo ito at hinayaan nalang sana kita na paglaruan si Mr. Smile. Kung alam ko lang.”

“Huwag kang humingi ng tawad.” usal ni Jordan na naputol dahil sa pag-ubo nito. Agad naman siyang inalalayan ni Gina at nang makabawi ay nagpatuloy ito. “Alagaan mo si Mr. Smile ha.”

Tumango lang si Gina bilang tugon. Hindi magawang makapagsalita dahil sa pagpipigil ng iyak na dala ng tila pamamaalam ng minamahal na kasintahan.

“Kahit wala na ako,” usal muli ni Jordan na halata ang matinding hirap na nararamdaman. “Lagi ka paring ngingiti. Ayokong nakikita kang umiiyak dahil mas nasasaktan ako. Tatandaan mo na mahal na mahal kita at hindi iyon magbabago.”

“Wag kang magsalita ng ganyan…” pakiusap ni Gina na agad namang pinutol ni Jordan.

“Gustuhin ko man,” usal ni Jordan. “Alam kong di ko na kaya. Lumalaban ako Gina pero sumusuko na ang katawan ko. Gusto ko sanang makasama ka pa ng matagal. Gusto ko sanang tumanda kasama ka at pakasalan ka at magkaroon ng mga anak at panoorin silang lumaki. Pero alam ko na hanggang dito nalang ako.”

“Jordan,” pagsusumamo ni Gina. “Lumaban ka. Lumaban ka para sa akin. Kung mahal mo ako ay hindi mo ako iiwan.”

“Hindi naman kita iiwan,” tugon ni Jordan. “Kahit san man ako mapunta pagkatapos nito, lagi kitang aalagaan kahit na imposible na muli tayong magkita.”

“Mahal kita Jordan.” ang tanging nasambit ni Gina. Alam niyang kahit anong pakiusap ang gawin niya sa kasintahan na lumaban ay hindi na magtatagal ang buhay nito.

“Mahal din kita Gina.” sagot ni Jordan na nagsimula nang lumuha. “Tanggapin mo sana ng maluwag sa puso ang aking pagpanaw. Huwag ka nang iiyak. Sa tuwing malulungkot ka ay alalahanin mo lang ang una nating pagkikita. Kausapin mo ako sa pamamagitan ng laruan na iyan. Hindi man iyan makasagot, lagi mo lang iisipin na naririnig kita. Ipakita mo ang pagmamahal mo sa akin sa pamamagitan niyan.”

“Pangako Jordan,” usal ni Gina. “Pipilitin kong hindi umiyak. Pipilitin kong mabuhay kahit wala ka na. Pipilitin kong ngumiti kung ito ang makakapagpasaya sa iyo. Mahirap man itong tanggapin, kakayanin ko. Hindi ako bibitiw sa pagmamahalan natin.”

“Salamat Gina.” tugon ni Jordan na pinipilit gumuhit ng ngiti sa mga labi. “Kahit naging maikli ang buhay ko ay napaligaya mo ako. Simula nang makilala kita ay naging mas makulay ang mundo ko.” muli itong umubo. 

“Kung sakali mang makahanap ka ng bagong mamahalin, wag mong pigilan ang sarili mo. Mas matutuwa ako kung mangyayari iyon.”

“Hindi mangyayari iyon Jordan,” usal ni Gina na muling nagpahid ng luha. “Ikaw lang ang mamahalin ko.”

“At ikaw lang rin ang babaeng minahal ko buong buhay ko.” sagot ni Jordan. “Pero kung sakali mang dumating na ang bagong lalaki na makakapagpangiti sa iyo, maiintindihan ko. Pag nangyari ang bagay na iyon, kung sigurado ka nang magiging masaya ka habang buhay ay saka mo itapon ang laruan na iyan.”
Muling umubo si Jordan at halos mamilipit sa sakit na nararamdaman. Tumawag agad ng doctor si Gina at habang naghihintay ay muli nitong hinawakan ang kamay ng kasintahan habang nakaupo sa gilid ng kama nito.

“Paalam na Gina.” usal ni Jordan na habol-habol ang hininga. “Hanggang dito nalang ako.”

“Wag mong sabihin iyan!” halos pasigaw na pakiusap ni Gina na napahagulgol na sa pagkakayakap kay Jordan.

“Mahal kita Gina.” ang huling nasambit ni Jordan at kasabay ang mahabang tunog ng aparatong nakadugsong sa dibdib ni Jordan tanda ng pagtigil ng tibok ng puso nito.

“Jordan!” sigaw ni Gina habang niyuyugyog ang katawan ng kasintahan, nakikiusap na bumalik ang buhay dito. “Wag mo kong iwan!”
….oooOOOooo…
“Mama…” sambit ng isang batang lalaking nasa limang taong gulang mula sa likod ni Gina na nagpabalik sa kaniya sa kasalukuyan mula sa paggunita ng kanilang nakaraan. “Bakit ka umiiyak?”

“Masaya lang si Mama, Jorgin.” sagot naman ni Gina sa anak na nagpahid muna ng luha bago humarap sa anak. “Uwi na tayo?”

Tumango naman ang bata bilang sagot at saka niyakap ang ina. “Wag ka na pong iiyak Mama.”

Ngumiti naman si Gina at saka nag-ayos ng sarili at tumayo. Hinawakan niya ang kamay ng anak at nagsimulang maglakad. Ngunit bago tuluyang makalayo ay muli nitong nilingon ang puntod ni Jordan at saka bumulong.
Salamat Jordan.” nakangiti siya habang kinakausap ang yumaong kasintahan. “Di ko inaasahan pero dumating na ang taong makakapagpangiti sa akin tulad ng ginagawa mo noon. Sayang lang at hindi mo na nahintay pa ang pagdating niya. Limang taon na ang anak natin Jordan. Siya na ang bagong Mr. Smile ng buhay ko.”

Kasabay nito ang pagdaloy ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment