RSS

Laruan - maikling kwento

"Laruan"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : JH Alms




“Hindi ko sana magagawa iyon kung hindi lang. Kung hindi lang sana..”

+
Pagkabukas ko ng pinto ng kwarto nina Papa at Mama ay nakita ko si Mama na may kausap na lalake. Naka-upo sila sa gilid ng kama, kapwa may hawak na mga baso habang naghahagikhikan. Nabigla si Mama nu’ng napansin niya ang pagbungad ko sa kanilang kwarto.
“Precy, ano’ng ginagawa mo dito?”
“Ma, kukunin ko lang sana ‘yung mga laruan na naiwan ko dito kanina.”
Nagmadali siyang dinampot ang mga laruan na tinukoy ko na nakakalat sa isang sulok at kaagad ding iniabot ang mga iyon sa akin.
“Sino siya, Ma?”
“Kaibigan lang siya ng Mama. O, ‘eto, pumaroon ka na sa kwarto mo at papupuntahin ko na lang du’n si Yaya para may kasama ka. Sige na..”
Hindi ko maintindihan kung bakit may kasamang iba si Mama sa kwarto nila ni Papa.
+

“Miss Galman..”
“Sino ka?
“Ako nga pala si Dr. Henry de Leon. Tawagin mo na lang akong “Henry” kung gusto mo. Narito kami para magbigay sana ng..”
“Hindi ko kailangan ang anumang tulong ni’yo!”
“Miss Galman, gusto lang kitang kausapin. Gusto lang din kitang tulungan. At gusto ko rin sana na maging magkaibigan tayo.”

Sandali akong nag-isip.

“May yosi ka ba diyan?”

+

Nakagawian na ni Yaya na kuwentuhan ako noon ng mga fairy tales bago matulog. Pero minsan..

“Alam mo, Precy, niloloko lang ng Mama mo si Papa mo.”
“Bakit niloloko? Paano po?”
“Matagal ko nang alam na may kalaguyo ang Mama mo.”
“Kalaguyo?”
“Hindi ko lang masabi sa Papa mo. Pero alam mo, naaawa ako kay Sir. Nu’ng isang gabi kasi, nakita ko na nahuli na ng Papa mo si Mama mo tsaka ‘yung kalaguyo nito sa mismong kuwarto nila. Siguro, love na love lang talaga ni Sir si Mama mo kasi ‘di niya nagawang pagalitan ito. Pero alam kong galit na galit na ang Papa mo pero umalis lang siya nu’ng gabing iyon. Siguro, pinili niyang tanggapin na lang ‘yung nangyari. Bumalik siya dito sa bahay, nag-uusap sila ng Mama mo na para bang walang nangyari. Pero bakas na bakas sa mukha ng Papa mo na malungkot siya. Pati nga ako eh, nalulungkot na rin para sa kaniya.”
“Bakit siya magagalit kay Mama? Bakit siya malungkot?”
“Ay, diosko, Precy, hindi mo pa nga pala naiintindihan ‘yung mga nangyayari sa ngayon.”
Niyakap na lang ako ni Yaya. Hindi ko talaga maintindihan iyong mga kinukwento niya.

+

Papatawid na kami ni Papa sa isang kalsada galing sa isang convenience store pagkabili namin ng ice cream.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Alam kong dalawa kami ni Papa ang mabubundol ng isang rumaragasang kotse na iyon pero nagawa ni Papa na itulak ako palayo para hindi
ako madamay.

Ang bilis ng mga pangyayari. Si Papa, hindi na siya nagsasalita. Hindi na siya gumagalaw. Ayaw niyang gumising kahit gaano kalakas ang pagyugyog ko sa katawan niyang nakahandusay. Umiiyak na ako. Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari.

+

“Ano ba, Precy? Hoy! Kausapin mo naman ako!”

Bakit parang wala akong marinig? Bakit parang wala akong pakialam sa paligid?

Si Steve, ang kasintahan ko. Naririto para makipag-usap sa akin. Pero bakit parang hindi ko siya kilala? Bakit parang blanko ang utak ko ngayon?

“Precy naman, ano ba? Hoy!”

Bakit hindi ko maintindihan?

“Nandito nga ako, wala ka namang imik d’yan. Kung hindi mo ako kakausapin, iiwanan kita dito.”

Bakit parang wala akong marinig? Alam kong mariin ang pagkakatingin niya sa akin pero bakit kahit gusto kong tingnan din siya at kausapin, mas pinili kong tumahimik na lang?

Malayo na si Steve mula dito sa kinauupuan ko pero bakit hindi ko man lang siya hinabol? Gusto ko siyang kausapin at sabihin sa kanya ang nararamdaman ko ngayon pero bakit mas pinili kong tumahimik na lang?

Bakit ba hindi ko maintindihan?

+

“Papa, love mo po ba si Mama? Kasi, sabi kasi ni Mama love ka daw niya.”

Ibinaling ni Papa sa ibang direksiyon ang kaniyang tingin.

“Papa, ano? Love mo ba si Mama?”
“Oo naman. Love na love ko kayong dalawa ni Mama. Lalo na ikaw. Halika nga rito.”

Niyakap ako ni Papa. Masaya ako kasi alam kong love na love ako ni Papa. Pero bakit parang naluluha siya?

“Papa, bakit…?”
Iling na may halong ngiti lang ang isinagot niya sa akin.
“Gusto mo ng ice cream?”

+

“Sir Henry, ito na po ‘yung newspaper.”
“Salamat.”

Nagulat si Henry nang mapansin nito ang nasa headline ng dyaryo.

BABAENG PRESO,
NAGBIGTI SA KULUNGAN

+

“Hindi ko sana magagawa iyon. Nu’ng makita ko sina Mama tsaka ‘yung hayup na lalake na ‘yon.. nu’ng makita ko ‘yung mga hayop na ‘yon, naalala ko si Papa. Niloko nila si Papa, naaawa ako kay Papa..”
“Anong sumunod na nangyari, Precy? Sige, sabihin mo lang sa akin.”
“Noong bata pa ako, wala akong alam. Pero ngayon, naiintindihan ko na. Gusto kong sumabog noon habang nakikita ko ‘yung kababuyan nila. Pinaglaruan nila ang pagkatao ni Papa, sinamantala nila ang kaniyang kabutihan. Kung nagawa ni Papa na tanggapin ang lahat ng ‘yon, sa akin hindi pupwede ‘yon. Nararapat lang sa kanila ‘yon. Ginawa ko sa kanila iyon para kay Papa! Kung hindi lang sana..”

*Klik.

Hindi na kaya ni Henry na muli pang marinig ang mga iyon.

At habang nakakaramdam siya ng matinding panlulumo, itinapon na lang niya ang hawak na tape recorder sa malayo.
————————————————————
Ang maikling kwento na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2011.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment