RSS

Takraw - maikling kwento

"Takraw"
Kategorya : Maikling Kwento
blogger : Archenemy



Kasabay ng pito ng nagmistulang referee ay inihagis na ng isang manlalaro ang bola ng Takraw na sinipa naman ng nagsilbing Tekong ng kanilang kupunan. Sa paglampas nito sa tali sa gitna na naging net nila ay agad naman itong nasipa ng isa sa mga miyembro ng kabilang grupo. Mabilis ang pagbalik ng bola ngunit naging mas alisto naman ang tatlong magkakakampi kaya naman naibalik din agad sa kalaban ang tira. Nagpabalik-balik ang bola habang halos palipad ang mga sipa ng mga naglalaro. Sa bawat paglalakbay ng bolang rattan sa ere, lalo akong naeengganyo at napapatayo sa aking kinauupuan.

Mula sa ikalawang palapag ng aming bahay kung saan tanaw ko ang mga kaibigan kong naglalaro ng Sepak Takraw ay bumaba ako at tahimik ngunit nagmamadaling lumabas ng bahay. Nasa may tarangkahan pa lang ako nang sumigaw si Mama.

"RAYMOND!!!! 'WAG KANG LALABAS!"

"Mama naman. Ngayon lang naman."

"Hindi. Pumasok ka at doon ka maglaro sa kwarto. Alam mo namang hindi pwede e. 'Wag ka nang makulit. Aba, hindi biro iyang gusto mong mangyari ha! Mahirap na, 'nak. Kabilin-bilinan ko sa'yo…"

Hindi ko na pinakinggan pa ang mahahabang litanya ni Mama na paulit-ulit niyang sinasabi sa akin sa tuwing sususbukan kong lumabas ng bahay. Padabog akong bumalik sa itaas. Ipinarinig ko sa kanya ang malalakas na dabog ng mga paa kong kating-kati nang makipaglaro sa mga kaibigan ko sa labas na mundo.

Ganito na ang buhay ko mula noong limang taong gulang pa lamang ako. Limang taon na ang nakakalipas pero eto pa rin ako, nakakulong sa bahay. Nakakalabas lamang ako kapag kasama si Mama. Palaging siya lang ang pwede kong samahan palabas. Kapag naman hindi kami lalabas pareho, dito lang ako sa bahay. Buti nga at hinahayaan na niya ako ngayon na maglaro na lang sa taas. Dati kasi, kailangan nakabuntot lang lagi ako sa kanya, kahit na naglalaba siya o nagluluto. Isinasabay pa niya ako maligo. Gaya ng lagi niyang sinasabi, mahirap na daw kasi. Maigi na iyong nag-iingat.

Makulit ako noong mas bata pa ako. Palaging sinasabi ni Lola sa akin kung gaano ako kalikot. Tatakbo dito, lulundag doon, at nagtatambling pa sa kama. Natural daw iyon bilang bata pero sabi niya, iba raw ang kulit ko. Dalawa pa man din daw ang puyo ko.

Limang taon pa lamang ako noon nang minsang maiwanang bukas ang tarangka ng aming bahay. Patakbo akong lumabas at nagmasid sa paligid. May nakita akong mga batang naglalaro ng bola. Sinisipa ng isa upang pasipang saluhin naman ng isa. Lumapit ako at nakisipa sa kanila. Kinatuwaan nila ako kaya naging saling pusa ako sa laban. Hindi ko na rin naalala ang mga iyon. Kwento lamang sa akin lahat ni Lola. Siya lang naman ang kaisa-isang tao sa angkan namin na nagkukwento ng tungkol sa kabataan ko bago siya pumanaw.

Natuwa sina Mama kaya hinayaan lamang nila ako. Pinapanood nila at binibidyo pa ang paggaya ko sa paraan ng pagsipa ng mga batang lima o anim na taon ang agwat sa akin. Noong una, nagagawa ko naman kahit papaano, pero sa isang akmang pagtalon ko ay 'di inaasahang mali ang aking naging pagbagsak. Nawalan ako malay. Tumirik ang aking mata at nagdugo ang aking ulo.

Pagbalik ko sa bahay matapos ang isang linggo sa ospital, hindi na ako muling pinalabas pa ni Mama.

Muli kong tinanaw ang mga batang naglalaro sa 'di kalayuan. Pataasan ng talon at palakasan ng sipa ang mga manlalaro. Napangiti ako sa galing nila. Hanggang doon na lamang naman ako. Manonood sa mga naglalarong bata. Makikitawa na para bang kasali rin ako. Papanoorin silang isa-isang susunduin ng kanilang mga magulang. Pagkatapos, hihintayin ko ulit sila kinabukasan.

Wala na ang ingay ng mga bata sa kalsada. Isasara ko na ang bintana nang mapansin ko ang kakambal kong nakatingin pala sa akin. Hawak niya ang bola ko ng Takraw. Inihagis niya ito at sinipa papunta sa akin. Nasipa ko ito pabalik sa kanya. Gaya ng dati, hindi na naman niya itong nasipang muli.

"Ang hina mo talaga," patawa kong sabi.

Ngiti lang ang isinagot ni Ramon. Pinulot niya ulit ang bola at inulit ang serbis. Ganoon ulit, nasipa ko, hindi niya ulit nasipa.

Si Ramon na lang ang naging kalaro ko mula nang hindi na ako palabasin ni Mama. Madalas kaming naglalaro ng Sepak, kahit sa simpleng pagpapasahan ng bola lamang. Kahit na hindi naman ako natutuwa dahil hindi niya nasisipa ang bola pabalik sa akin, ayos na rin iyong sinusubukan niya akong pasayahin. Natatawa na rin lamang ako sa tuwing sisigawan kami ni Mama kapag naririnig niya ang malalakas na lagabog ng bola sa itaas. Pagkatapos ng sigaw niya ay maririnig namin ang yabag ng kanyang mga paa paakyat ng hagdan, kaya naman tatakbo kami sa kwarto at magtatago.

"ANO NA NAMAN BANG INGAY 'YAN, HA?" Ayan na ulit si Mama. Patawa na ulit kaming tatakbo ni Ramon.

Naglalaro na naman ang mga bata kinabukasan. Pinanonood ko ulit sila nang batuhin ako ni Ramon ng bola. Nagyayakag na naman siyang maglaro. Para sumaya ako.

"Haha. Naghahamon ka na naman. Ni hindi ka naman makasipa," pagyayabang ko sabay sipa papunta sa kanya ng bola.

Hinabol niya ang bolang lumampas sa sumusubok niyang paa. Inihagis niya ito pabalik sa akin.

"Buti ka pa, Ramon, pinapasaya mo 'ko." Sinipa ko ang bola.

Kinuha niya itong muli, nakangiti, nagpapasalamat.

"Bakit kasi ayaw pa ako palabasin ni Mama? Hindi ko na kaya. Gusto ko nang sumali sa kanila." Sabay sipa ulit sa bolang inihagis sa akin.

Patakbong pinulot ni Ramon ang bola upang ihagis ulit sa akin.

"Lagi na lang kasing ganito. 'Di ka makasipa. Ako ang napapagod sa'yo e." Napasipa ako ng mas malakas.

Hinabol ni Ramon ang bola at sinipa niya ito nang malakas. Sa aking gulat sa ipinakita niyang patalong pagsipa sa bola, hindi ako naging handa sa kanyang tira, bukod pa sa hindi ko inaasahan na maibabalik niya ito nang ganoon sa akin. Hinabol ko ang bola, tumalon, at sinubukang sipain ito bago bumagsak sa lupa.

Nasipa ako ang bola. Tumalsik ito papalayo. Bumagsak ako at may naramdamang matinding sakit. Bago ako tuluyang mapapikit ay nakita ko si Mama. Nakasilip sa aming paglalaro.

Nagising ako sa ospital. Sinubukan kong bumangon ngunit pinigilan ako ni Mama.

"Ayos ka lang, Mon? Andito lang si Mama. 'Wag kang magagalit sa akin, ha?" Inayos niya ang aking buhok at kumapit sa aking kamay. "Kapag gumaling ka na, papayagan na kitang makipaglaro sa labas."

Napangiti ako at muling pumikit.

Matapos ang isang linggo, muli akong dinala ni Mama sa doktor. Ipinaliwanag niya sa amin ni Mama ang mga nangyari sa akin. Nakatingin lamang ako sa doktor dahil wala naman akong maintindihan sa mga sinasabi n'ya. Si Mama naman ay tila naluluha habang nakikinig.

Ang mga huling sinabi ng doktor ay para sa akin.

"Raymond, iiwan muna natin si Ramon, ha?" sabay tapik sa aking ulo.

Tumingin lamang ako kay Ramon. Hawak pa rin niya ang bola.

Naging madalas na ang pagdalaw namin sa ospital. Palagi akong kinakausap ng doktor. Naglalaro rin kami minsan. Minsan naman, para kaming nagka-klase. Pinagdo-drowing niya ako at pinagsusulat ng kung anu-ano habang siya naman ay nagsusulat din sa sarili niyang papel. Nanonood lamang si Ramon sa gilid. Hawak ang bola. Hinhintay niyang matapos kami ng doktor. Sa tuwing lilingon ako sa kanya, nakangiti lamang siya sa akin. Naiintindihan pa rin niya ako. Naghihintay lamang siya sa akin.

Hanggang sa isang araw, nang lumingon ako sa kanyang hintayan, wala na siya. Ang bola ng takraw na lamang ang nakita ko sa sahig. Iniwan na ako ni Ramon.

Kasabay ng pito ng nagmistulang referee ay inihagis na ng isang manlalaro ang bola ng Takraw na sinipa naman ng nagsilbing Tekong ng kanilang kupunan. Sa paglampas nito sa tali sa gitna na naging net namin ay agad naman itong nasipa ng isa sa mga miyembro ng aming grupo. Mabilis ang pagbalik ng bola ngunit naging mas alisto naman ang tatlong magkakakampi kaya naman agad naibalik din agad sa amin ang tira. Nagpabalik-balik ang bola habang halos palipad ang mga sipa ng mga bawat isa sa amin. Sa bawat paglalakbay ng bolang rattan sa ere, lalo akong naeengganyo maglaro at sumipa sa bawat paparating na bola.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment