"Ang Bata ko sa Divisoria"
Kategorya : blog / freestyle
blogger : hitokirihoshi
blog : aspectos de hitokiriHOSHI
Ang Bata ko sa Divisoria
Puno ng pagdadalawang-isip ang pagpunta ko sa Divisoria noong Sabado (Setyembre 10) para mamili. Kung susundin ko kasi ang pinakapakay ko na bilhan lang ng gamit ang isisilang na anak ng ate ko ay parang mas makakamura pa ako kung sa pinakamalapit na mall ako pupunta. Isa pa’y matinding enerhiya ang kinakailangan kada pupunta ako sa Soria (pinaikling taguri ng mga tsuper ng jeep) para sulit. Hindi naman kasi praktikal kong mapapadpad ka rito kung iilan lamang ang bibilhin mo, pakyawan kung pakyawan kung kakayanin. Tapos ayon umilaw ang isang bumbilya sa diwa ko. “Ting! Isabay ko na ang mamili ng panregalo sa Pasko lalo na para sa aking mga inaanak at pamangkin.“

pamangkin ko, tapat na este sapat na!

Naengganyo rin akong pasukin ‘yong isang eskinita na masikip pero parang itsura ng eksena sa mga telefantasya (fantasy series) sa telebisyon. Nandoon pa nga ‘yong pakpak ni Aguilus (Mulawin), sumbrelo ni Darna, espada ni Panday, maskara ni Batman, panali nila Naruto, batya o pananggalang ni Captain America, sinturon ni Captain Barbell at agiw este laruang sapot ni Spiderman. Sayang wala ‘yong gusto kong ubang peluka ni Rogue (X Men), hangin ni Amihan (Encantadia) at ang matalas na tinidor ni Elektra (Daredevil) na kahit ‘yong gawang kahoy lang.
Subalit sa pagsuot-suot namin sa iba’t ibang kalye at gusali ay napadaan kami sa isang madilim na daan. Doon naman ay nakakita ako ng tatlong mamang malalaki ang tiyan na nakahilata sa kani-kanilang puwesto. Bigla nagbalik sa aking alala iyong mga kontrabida sa napapanood ko sa Cedie: Ang Munting Prinsipe, Remi: No Body’s Boy, at Julio at Julia: Kambal ng Tandahana. Habang may mga batang ipinagpapalit ang kanilang mga laruan at kabataan para may maiuwing pagkain sa kanilang mga nakababatang kapatid at inang nararatay sa sakit sa kanilang bahay na maraming tumutulong tubig kapag umuulan, ay may mga karakter na sadyang nakakainis panoorin dahil sa kanilang mga aksyon.
Naisip ko pa tuloy na kung ‘yong mga batang naglalako ng mga paninda ay nakakabili man lang ng laruan na gusto nila? Iyong mga magulang na gumagawa ng laruan, napapasalubungan kaya nila ang kanilang mga anak? Paano pa kaya kung isipin natin na sa monitor ng TV ay may dalawang eksena ng mga bata. Iyong kanan ay iyong batang nagtatrabaho sa Divisoria na masinsinang gumagawa ng laruan. Iyong kaliwa namang screen ay ‘yong nakatanggap ng maganda niyang ginawang laruan pero tinatapon-tapon at inaapak-apakan lang ‘yong regalo sa kanya. Parang nakakaiyak sa imahinasyon ano? Pero hindi naman ako nagpaparinig sa mga reregaluhan ko sa Pasko, nagpapaisip lang. Kasi hindi ko pa naman sinasabi na mahirap din ang magbalot ng regalo tapos pupunitin o guguntingin saka lalamusikin at iitsa sa basurahan.

Pag-uwi ko ng bahay, hindi ko rin napigilan na ‘di bigyan ng laruang panulat ang dalawang pamangkin ko. Kakatuwa lang dahil pinili ng isa kong pamangkin iyong kahel at ube na gustong-gusto ko. Buti na lang bumili ako ng pulseras na may nakalagay ng pangalan ko kaya ‘di na ako nagdalawang-isip ibigay na lang sa kanya iyon.
2 comments:
Hello ito na ba yong entry mo? Wish ko lang sana marami magkagusto para manalo ka, para worth it ang effort mo.
salamat po kuya elpidio! sana nga! mabuhay!
Post a Comment