RSS

Lastiko - blog

"Lastiko"
kategorya : blog
blogger : Edong




Isa sa mga paborito kong laruan noong bata pa ako ay ang lastiko o yung mas palasak na tinatawag nating ‘goma’. Kinukuha ko ang mga ito mula sa bungkos ng mga gulay ni Nanay galing palengke. Minsan pati yung sa kapitbahay ay hinihingi ko na rin para ipunin. Kapagkatapos ng isang malakas na ulan, umaanod ang mga ito sa may ilog sa likod ng bahay namin, galing daw ito doon sa isang pabrika sa taas ng ilog. Iniipon ko rin ang mga ito at nililinis.

Goma, napakasimpleng bagay na naimbento pero ang daming gamit sa buhay. Naalala ko pa yung ginawang tirador ni tatay sa akin na ginamitan ng putol na mga goma. Gamit din itong pang-ipit sa buhok ni ate, pangtali sa maluwag na medyas ni kuya, pambura sa dulo ng lapis ko at madalas pambukas ng mahigpit na takip ng garapon ni nanay. Iba’t-ibang kapal o kulay o laki ang aking iniipon upang gamitin ito sa iba’t-ibang klase ng laro na aking nakasanayan.

Una na dito ang dampa, kung saan pagagalawin mo ang iyong pato na goma papunta sa finish line gamit ang hangin na magmumula sa paghampas ng magkasaklob na kamay. Mas malakas na hangin, mas malayo ang galaw ng pato mong goma. Ayaw na ayaw ng nanay ko na naglalaro ako ng dampa, kasi pagkatapos maglaro, nalipat na lahat ng dumi ng semento doon sa damit at katawan ko.

Makakalimutan ko ba ang paligsahan sa paghagis ng isang goma para mapatungan ang iba pang goma sa malayo? At kapag nagawa mo ito, sa iyo na ang lahat ng gomang nakalatag sa sahig. Lagi akong talo dito, kaya di ko ito makalimutan. Syempre naandyan din ang walang kamatayang ‘kalog’ at ‘tatsing’ kung saan goma ang pinaglalabanan ninyo. Kapag naman pinagsama-sama mo ang mga ito maaari mo itong gamitin sa pangbading na larong ‘chinese garter’ at ‘10-20’.

Pero ang pinaka ‘da best’ na gamit ng goma para sa akin ay ang paggawa ng iba’t-ibang hugis at anyo gamit lang ang isang pirasong goma sa pamamagitan ng kamay. Mula ‘star’ hanggang ‘double star’ pati ang mukha ni Mazinger Z at Bahay ni Tarzan ay kayang-kaya kong gawin noong bata ako. Kailan lang sinubukan ko uling gawin ang mga ito gamit ang isang napulot na goma sa daan. Laking gulat ko nang malaman kong hindi ko na pala ito kayang gawin. Muntik na akong mag-panik. Nagtanong-tanong ako doon sa mga kaopisina ko kung sino ang kayang gumawa ng mga ito lalo na ang ‘Bahay ni Tarzan’, ngunit kagaya ko, limot na rin nila. Hanggang sa makakita ako ng isang technician na laking kalye din gaya ko. Biglang bumalik ako sa aking pagkabata.

Nag-evolve na rin ang goma kung tutuusin. Ang mga baller ID at mga crazy bands ngayon ay pawang mga modern adaptation ng ating klasik na lastiko.

Kamakailan, sumali ang aking anak sa Math Quiz Bee sa kanilang eskwelahan. Hilig ko kasi ang Math at nais ko syang turuan na magustuhan niya rin ito, kahit pakiramdam ko ay napipilitan lang siya. Magaling ang aking anak, matalino at masipag mag-aral, ngunit nung mga panahong iyon, nahirapan siya sa mga tanong. Sa madaling salita, hindi pinalad ang anak kong makapasok sa final round ng kanilang Quiz Bee. Dinamdam niya ito.

Kinausap ko siya at sinabihan ng mga magagandang salita, para kahit paano ay maibsan ang kanyang kalungkutan, ngunit hindi pa rin siya doon natuwa. Kung nag-aral pa daw siya nang kaunti baka daw nakapasok siya sa Final Round. Kumuha ako ng goma at ipinakita sa kanya. Hinila-hila ko ito ng mahina. Ikinumpara ko siya dito. Kapag hinila nang katamtaman ang goma, humahaba ito na nagsasaad ng kanyang pagiging elastic. Binanggit ko sa anak ko na lumaban siya sa Math Quiz Bee at doon gaya ng goma, nahila ang kanyang kakayahan. Sinubukan kong hilain ng malakas ang goma hanggang sa mapatid, nagulat ang anak ko. Ang tao ay parang goma rin, kapag hindi na kaya, kusang sumusuko, napapatid. Napatingin sa akin ang anak ko. Sinabi kong, maganda ang naging resulta ng Quiz Bee, dahil doon nalaman niya kung hanggang saan lang ang kaya niya, para sa susunod, mapaghahandaan niya iyon at masubukang pahabain pa ang kanyang limitasyon.

Higit sa pagiging laruan ng ilang kabataang gaya ko, malaking bahagi ng aking mga desisyon sa buhay, nakuha ko mula sa aral ng isang simpleng bagay sa paligid-ligid – ang lastiko.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment