RSS

Tayo Nang Maglaro - Blog


"Tayo Nang Maglaro"
Kategorya : Blog / Freestyle
Blogger : JH Alms




Mahilig ka bang maglaro? Noong bata ka, ano ang madalas mong laruin? Ano ang paborito mong laro? Ngayong malaki ka na, ano ang gusto mong laging nilalaro?

Noong isa pa akong maliit, malikot at bibong bata, nakahiligan ko din ang mga larong pangkaraniwan na sa mga bata, mga isip-bata, at sa mga taong dumaan sa pagiging bata. Mga old-school o classic na mga laro tulad ng tagu-taguan, patintero, paway, tumbang-preso, tirador, syato, dampa, habul-habulan, trumpo, holen, yoyo, tex, espa-espadahan, sipa, baril-barilan (minsan, gamit ‘yung isang uri ng “sumpak” na yari sa kawayan tapos ang ibinabala eh ‘yung basang mga papel, meron ding iba na hardcore dahil ‘yung mga sumpak nila eh yari sa binaling sanga ng lumang antenna na pang-TV tapos laman ng niyog ang bala [mas malupit ang sakit nu’n ‘pag makatama, na minsan nagiging dahilan ng away pati ng mga magulang ‘pag umabot na sa puntong meron nang sumbungan], grupo-grupo kami noon, kaming magbabarkada sa baranggay namin laban sa magbabarkada din na taga-ibang baranggay), at marami pang iba (na ‘yung iba eh nag-iimbento na lang ng laro dahil walang magawa). Dumating din ‘yung pagkakataon na may naka-impluwensiya na rin sa akin na subukan din ang mga laro nang kadalasang naka-upo lang tulad ng monopoly, snakes-and-ladders, S.O.S., “lokalok” (kung isa kang bata na galing sa northern part ng Pilipinas, siguradong alam mo ang mechanics ng larong ito), sungka, pares-pares, at game-‘n-watch, na nag-evolve sa paglalaro sa arcade machines, family computer, Nintendo Entertainment System (o NES), Atari, at Playstation 1. Ngayong matanda na ako eh madalas pa rin akong naka-upo sa harap ng telebisyon at Xbox 360 ko. Makikita mo akong nakikipagbarilan at nakikipag-ungasan sa Xbox Live (isang serbisyo na dinebelop ng kumpanyang Microsoft at siya ring nag-manufacture ng game console na Xbox 360, na nagbibigay ng prebelihiyo sa lahat ng mga may Xbox 360 na makalaro at maka-usap ang sinuman sa buong mundo na meron ding ganitong console at internet connection) habang naglalaro ng mga First Person Shooting games tulad ng Halo 3/Reach, Mass Effect 1 & 2, Call of Duty: Modern Warfare 2/Black Ops, Borderlands, at iba pa.

Likas nga sa tao ang paglalaro. Kahit anong lahi ka pa, edad, kasarian, katayuan sa buhay, bata ka man o matanda, bungi man o pandak, may mga panahon talagang nakakapaglaro ka. Maaaring ilan lang iyon sa paraan mo ng paglilibang upang kahit papaano ay maka-iwas o makalimutan, kahit saglit, ang mga problema. Meron din namang mga naglalaro para sukatin ang lakas o kakayahan, pisikal man o utakan, katulad ng sa isports. Sa larangan ng isports, nariyan ang grupo ng mga manlalaro ng basketball, football, volleyball, baseball, ice hockey, sepak takraw, at kung anu-ano pang mga isports na nilalaro ng magkaka-team. Kung merong laro para sa magkakagrupo, meron din namang para sa mga indibidwal na manlalaro tulad ng chess, boxing, golf, lawn/table tennis (na pwede din naman sa “doubles” o sa dalawang magkakampi na players), dart, billiards, bowling, poker (teka, isports ba ang poker?), at iba pa.

Dahil nga normal na lang sa atin ang maglibang at maglaro, tunay ngang napakaraming uri o klase ng laro ang makikita mo kahit saan ka lumingon. Nasaan ka man, kapag tumingin ka sa paligid, siguradong merong mga naglalaro. Mga batang nagdya-jack en poy o nagta-tatsing, mga lalakeng alagang-alaga ang mga sasakyang itinuring nilang “toys for the big boys”, at mga matatandang tutok na tutok sa pagalingan sa larong “dama”. Pero, kung meron ngang ilang halimbawa ng mga larong pambata, pang-tamad, at pang-isports, na binanggit na sa itaas, meron din naman ‘yung hmmm sabihin na lang nating “mga laro ng mga kampon ni satanas”.

Nariyan ang ilan sa mga pulitiko na pinaglalaruan ang kamalayan ng maraming tao sa pamamagitan ng mga “pambobola” at matatamis na mga pangako para makakuha ng maraming boto at suporta sa panahon ng eleksiyon. Ang mga bulaang propeta na lagi nang ginagamit ang mga salita ng Diyos at bibliya upang maka-akit ng maraming tagasunod at siyempre, makalikom ng maraming donasyon at pera. Ang mga kaawa-awang biktima, na pagkatapos ngang “paglaruan”, halayin, at dustayin ang puri ng mga walang-awang manyakis at malilibog, ay swerte nang nakaka-uwi pa ng buhay sa kani-kanilang mga bahay. Pangkaraniwan na rin ang mga pedestrian at mga tsuper na mahilig makipagpatintero sa kalsada, kahit pa sa mga daan na itinuring na ngang “accident prone area”. “Pinaglalaruan” lang din minsan ng ilang mga “may kapit sa taas” ang mga ebidensya at testimonya para maiwasan lang ang isang kaso ng anomalya o krimen. Nand’yan din ang mga small-time na mga masasamang loob, tulad ng mga snatchers, mandurukot, manggagantso, at mga mapang-apid, na “pinaglalaruan” ang mga takot na takot na mga tao para makuha ang gusto, parang isang laro na pangkaraniwan lang ang pandaraya. Ilan lang ang nabanggit na mga taong nakikipagsapalaran sa buhay para sa pansariling kapakanan, pakikipagsapalaran sa paraang gaguhan.

Dahil sa mga nabanggit na mga kalakaran sa lipunan, marami, lalo na ‘yung mga biktima, ang naniniwala na ang tadhana ay marunong din “maglaro” minsan. Meron din ‘yung tinatawag nilang “bad karma” na ang laro eh tulad nu’ng ilan sa mga sugal sa casino, na pagaganahin ka muna sa pakikipagsugal, papapanalunin sa ilang pasada ng baraha at sa bandang huli ay sasairin din nila ang pinakahuling sentimo sa iyong bulsa, sa hindi mo nalalaman na paraan. Sa madaling salita, ang tadhana, masaya ang pakikipaglaro sa mga mabubuting tao, pero masakit sa mga taong masasama.

Kaakibat nang lagi na kapag binanggit na ang salitang “laro”, maiisip kaagad ng tao ay “bata”. Maraming bata ang masuswerteng nabigyan ng kani-kanilang mga magulang ng sangkaterbang laruan, pero kung papansinin mo, sa lahat ng mga laruang iyon, ay lagi nang meron silang pinakapaborito. Lalo na du’n sa mga batang salat sa laruan. Nag-iisa man pero “kapatid, anak/baby, at matalik na kaibigan” kung kanilang ituring. Nariyang lagi nila itong iniingatan na hw’ag madumihan, mabasa, laging katabi sa pagtulog, at lalong lagi nilang iniingatan na h’wag masira. Mga bata man kung ituring, pero hindi natin pwedeng iwasan na meron din tayong matututunan sa kanila. ‘Yung mumunti nilang kaalaman sa tunay na kahulugan ng “pag-aalaga” at “pagpapahalaga” kahit sa mga laruan lang.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment