"Teleponong Lata"
Kategorya : Tula
blogger : Edong
blog : inverse tutuldok
Kausap ko lang si Tatay sa telepono
Tila kanina pa niya hinihintay ang tawag ko
Halata kasi sa boses nyang nagpalseto
Naalala ko, ngayon pala ay araw ng Linggo
Biniro ko siya, na sa gusto man niya o ayaw
Kailangan kong matikman ang luto niyang sabaw
Makikikain ako ng tanghalian kasama si bayaw
Makikinood na rin kami ng laban ni Pacquiao
Kung tutuusin, bihira kami mag-usap ni Tatay
Kaya ang sandaling yon, nilasap kong tunay
Bigla na lang, naalala ko ang laruang ibinigay
Teleponong lata, nagkakaroon ng buhay
Yari ito sa dalawang lata ng sardinas
Pero mas maganda kung gagamitin lata ng gatas
Tinanggalan ng takip at sa dulo ay binutas
Pinagkabit ng isang pising matibay at malakas
Kapag ang magkabilang dulo ay iyong hinila
At subukang sa isang lata ay magsalita
Magugulat ka o di kaya’y mabibigla
Dahil boses mo ay maririnig sa kabila
Sa aming magkakaibigan, ako lang ang meron
Maliban sa naging sikat, pinagkaguluhan din ako doon
Kahit yung mayaman kong kalarong si Ronron
Nakitawag din at nagbayad pa yon.
Bumalik ang alaala kong ito habang kausap si Tatay
Matandaan pa kaya niya ang laruang ibinigay
Ang teleponong lata na nagdulot ng mga kulay
Simbolo ng aming komunikasyon ni Tatay.
Hindi ko man kita si Tatay sa kabilang linya
Ramdam ko na napapasaya ko siya
Nakangiti at nangingilid ang luha niya sa mata
Palagay ko, yung laruang telepono, naalala na niya
Teleponong lata, wala na nga yata ngayon
Natabunan na ito ng mga bagong imbensyon
Mga gamit patungkol sa komunikasyon
Patunay lang na ang tao, kailangan ng atensyon
Natuwa si Tatay sa mga tinuran ko
Napaligaya ko raw ang kanyang Linggo
Sa totoo lang, mas natuwa ang puso ko
Parang ayaw ko pang ibaba ang telepono
0 comments:
Post a Comment