RSS

Di Nagtatagal - blog

"Di Nagtatagal"
Kategorya : blog
blogger : Polaris-Kirsten


Labing walong taon gulang na ako at hindi na ako naglalaro ng mga laruan ko. Pero masarap balikan ang nakaraan, hindi ba? Naaalala ko pa, marami akong laruan dati. Hanggang ngayon naman eh. Yun nga lang sa ngayon, nakatabi na lamang sila. Nakatambak.
May gorilla akong sumasayaw kapag may pumapalakpak. Pati mga kotse-kotsehan. Pinaka una yung kotseng may pinipindot na may kotseng maliit sa loob. May race track sa loob ng kotse! Bigay yun ni Tatay. Kasunod nun, yung train set. Chooo! Chooo! Chuga-chuga! Kakaiba pa yun kasi nag iiba ng direksyon yung tren kapag ginalaw mo yung nasa riles. Yung ‘railroad switch?’ Meron din akong mga barbie. ‘Sang dosena pa nga eh. Lampas pa ata. May iba-iba pang mga pangalan. Si Jewel, si Maggie, si Niger, at iba pa. Akalain mong may mga barbie ako? Palibhasa, may pagka-‘boyish’ ako. Parang di tuloy kapani-paniwalang may mga barbie ako. Mas mahilig kasi ako sa mga kotse-kotsehan. Pati yung mga laruang mixer, dumptruck at mga de-remote control na laruan ng kapatid kong lalake, ako unang naglalaro. Kaya bata palang ako, nasa isip ko na kung babae nga ba ako. Pero di naman ako pinigilan ng mga magulang ko. Tatay ko pa nga ang nagbibigay sa akin nung iba kong laruan. Paborito ko yung sinabi ko kanina. Yung kotseng may kotse sa loob.
Tanda ko, may lagnat ako nung umuwi siya. Tinignan pa niya kung gaano kataas yung lagnat ko gamit yung thermometer. Tapos, kinalong niya ako. May dala raw siyang pampawala ng lagnat. Binigay niya ang isang box. Binuksan ko. KOTSE! At may mga pindutan? Kulay pula ang kotse. Kulay dilaw ang dalawang buton. May kotse pa sa loob? Maliit? Kulay asul? At nilaro ko na iyon buong gabi habang naka kalong sa kanya. Mga apat na taon palang ako non pero tandang tanda ko pa ang larawan ng gabing iyon. Kinabukasan, nawala nga ang lagnat ko. Simula noon, yun na ang palagi kong nilalaro. Ini-snob ko na ang iba kung laruan.
Ikalawa yung train set. Yung laruang yon na kinabukasan, nasira ko na agad yung mga riles. Kinakabit ko kasi tapos, paghihiwalay-hiwalayin ko rin. Hanggang naputol na yung mga parteng nagkakabit sa kanila. Palagi na tuloy akong napapagalitan. Di na raw dapat ako binibilhan ng mga laruan dahil sinisira ko lang. 
Pero ngayong ilang taon na ang nagdaan, asan na nga ba ang mga laruan kong iyon? Yung dalawa kong paborito? Asan na ang magagandang ilaw ng tren? Ang nakakasayaw na tunog nito kapag umaandar? Ang pag ikot nito sa riles na kulay luntian na siyang nagpapangiti sa akin? Eh yung pag galaw ng katawan ko kasabay sa paggalaw ng kotseng pula para mapunta ang maliit na kotseng asul sa finish line kasabay nang pagpindot ko sa mga buton? Asan na sila?
Wala na.. Wala na sila. Hindi ko na makita ang mga laruan kong iyon. Binenta nung napagtripan naming mag garage sale? Pinamigay? O sadyang naitapon na dahil di ko na rin naman magagamit pa?
Ganon nga talaga siguro iyon.
May mga bagay na di nagtatagal. Mga bagay gaya na lamang ng mga laruan ko noon. Gaya ng buhay ni Tatay. Pero may isang nagtatagal.
Ang pagmamahal ni Tatay, iyon ang nagtatagal. 


  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment