RSS

Hindi Lahat ng Laruan, Pambata - blog

"Hindi Lahat ng Laruan, Pambata"
kategorya : blog
blogger : iamstorm



‘Nung bata pa ako, hindi ako masyadong nakapag-enjoy ng mga laruan. Isa o dalawang beses lang kasi ako ibinibili ng laruan ng mga magulang ko. Minsan lang kapag may okasyon, halimbawa kung may honors ako sa eskwela o ‘di kaya kapag may napanalunang paligsahan. ‘Yung iba kong mga laruan, pamana naman ng mga pinsan kong pinagkatandaan na yung mga Transformers at Matchbox nila, kaya yung iba, kung hindi pasira na, lumang-luma naman.
Dahilan ng mga magulang ko, mas maganda na mga libro na lang ang ibigay nila sa akin – bukod sa mas mura, mas makabubuti pa sa akin kasi may natututunan ako. Kaya naman ngayon na matanda na ako, isa sa mga luho ko ang pagbili ng iba’t ibang klaseng libro (luho, kasi napakamahal na ng mga libro ngayon), lalo na’t isa sa mga hilig ko ang pagsusulat.
Pero hindi maalis-alis sa akin iyong paghahanap sa mga laruan. Syempre nga lang, ibang mga klaseng laruan na ang gusto ko dahil napagkatandaan ko na rin iyong mga Transformers (na sa kabutihang-palad ay buo pa naman at pwede ko pang ipamana sa magiging anak ko) at mga kotse-kotsehan.
Dalawa ang klase ng mga laruang pinagkakaabalahan ko ngayon – iyong Hanayama na cast metal puzzles at Paper Toys.

Napulot ko ang hilig sa Hanayama sa isa kong kaibigan na naaaliw din sa mga laruang ito. May kamahalan nga lang ang isa – mga P575 – dahil imported sa Japan, pero maganda ring gawing collection, kasi matitibay naman sila at gawa sa bakal. Nagustuhan rin ng misis ko kaya added incentive rin para kolektahin. Sa ngayon, meron na akong isang Level 5 (Spiral), at apat na Level 6 (na pinakamataas) puzzles – Elk, Enigma (na hindi ko pa naso-solve), News, at Chain.
Sa ngayon, sa Hobbes and Landes na tindahan ko pa lang nakikita itong mga laruang ito, at balak kong kolektahin iyong iba pang mga Level 3 hanggang Level 6. Hindi naman lahat, kasi hindi ko naman gusto ‘yung disenyo ng iba at kapag Level 1-2 lang ay wala nang challenge kaya parang hindi na sulit bilhin.
Iyong mga Paper Toys naman (o Papercraft din kung tawagin minsan), nakatuwaan ko lang nung nakakita ako sa internet ng mga pattern. Mas simple naman ito at mas mura – i-download lamang ang pattern, i-print, gupitin, tapos buuin. Nagsimula ako sa mga CubeeCrafts, kagaya nitong Wall-E sa ibaba.

Sa Papercrafts naman, kailangan lang ng magandang cutter at cutting board. Mainam rin na i-print ang mga pattern sa clear white na board paper na hindi bababa sa 180gsm ang kapal. Iyong iba, gaya ng CubeeCrafts, hindi kailangan ng pandikit, pero iyong iba naman, gaya nitong ‘Romy’ Robot ko (larawan sa ibaba), kailangan talaga idikit – inirerekumenda ko ang Mighty Bond o anumang pandikit na mabilis na matuyo, para mabilis mabuo ‘yung laruan. Pwede ring gawing collection and mga mabubuo mong Paper Toys, basta i-spray-han mo lang ng fixative, na nabibili naman sa mga suking hardware stores.

Hindi porke hindi na bata ay ibig sabihin na hindi na pwedeng mag-enjoy sa mga laruan – basta panatilihing bukas ang isipan, tiyak na parati kang makakahanap ng mapaglalaruan.

*Ang blog entry na ito ay inilahok ko sa Saranggola Blog Awards 3, kategoryang Blog (Freestyle).

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment