RSS

Iba na Ngayon - blog

"Iba na Ngayon"
Kategorya : blog / freestyle
blogger : Chuplado

Noong mga panahong ‘yon, hindi lang ako ang umiiyak kung sakaling masira ang mga laruan ko. Pati sila ate at kuya, naaawa sa akin sa mga pagkakataong luluha ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nangyayari ang ganitong mga pangyayari.
Laruan, oo laruan ang buhay ko noon. Ito na nagpatakbo ng buhay ko, ang sirkulasyon ng araw-araw kong pamumuhay, dito na umikot. Masaya ako na kasama ang kontseng bigay ni tatay, mga “lego” na binubuo na regalo ni nanay at ang bola’t baril-barilan na pinagtulung-tulungang ihain sa akin nila ate at kuya. Hindi ko maipaliwanag ang saya sa tuwing maglalaro ako. Parang paraiso ika nga, walang istorbo, puro saya ang nararamdaman ko. 
Naging kaagapay ko si Manong Tsuper ng taxi-taxihan ko noon. Tinatanong ko kung saan pupunta pero ni “ho”, ni “ha”, wala akong narinig sa kaniya. Ako ang naging inhinyero at arkitekto ng mga buildings na gawa sa “lego”, pero kailanman, hindi man lang ako nakapasok dito, o nakaidlip man lang para magpahinga ako. Sa bolang talon nang talon, kasama kong maglaro ng basketball maghapon. At sa baril-barilan kong gamit, ninais kong patayin ang mga langgam sa ulam namin, pero hindi ko napatay. Puro tunog lang nitong “wi-wi-wi-wi-wi” lang ang naririnig sa bawat pagkalabit nito.
Napakalaking problema kung masira ang lahat. Mabiyak, matapyas at magkagula-gulanit. Walang tigil na pag-iiyak lang ang ibibigay ko sa inyo. Senyales ng mga katagang nagsasabing “Sige, sige, palitan niyo na ‘to.” Nakakatuwang isipin na ang lahat ng mga pangyayaring ito noon, tinatawanan ko na lang kasi iba na ngayon. Ibang iba na sa paraang hindi na lang ang mga plastik at gomang iyon ang laruan na tinuturing ngayon. Kahit ang mga buhay, ginagawa nang laruan. 
Iba na ngayon dahil hindi na iiyak ang isang normal na bata nang dahil lang sa isang laruan. Kasi kahit ang isang bata, laruan na ng mga mapang-abusong tao ngayon. Ginagamit sila para sa sarili nilang kaligayahan, para sa ikabubuti lang nila at hindi ng iba. Pahihirapan, pagmamalupitan, at ngayon, sila lang ang nasisiyahan. 
Iba na ngayon dahil kahit sa pag-ibig, nagiging laruan na rin ang isang lalaki o babae ng kanilang mga minamahal. Kesyo gagawin ang lahat para sa taong mahal niya. Ultimo mga bagay na hindi kayang gawin ay ginagawa na. Hanggang sa umabot sa sukdulan, hindi nalalaman, pinaglalaruan na lang pala sila.
Iba na ngayon dahil ang pamahalaan, ginagawa na ring laruan ang mga mamamayan. Tulad ng isang turumpo, pinaiikot lang nila tayo. Hindi natin alam kung bakit, pero marahil, sa kasakiman na lang at hindi na para sa lahat. Akala ko, laruan lang ang plastik, hindi pala. Hindi lang ako ang nakakakita, marami kami, marami sila.
Bakit nangyari ‘to? Bakit nangyayari ‘to? May sarili tayong isipan para mag-isip at hindi upang paglaruan. Huwag sana nating hayaang patakbuhin tayo sa pamamagitan ng kamay ng iba. Hindi tayo dapat lokohin lang at paglaruan sapagkat may sarili tayong dahilan kung bakit tayo patuloy na nakakatindig dito sa mundong ibabaw. 

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment