RSS

P-E-V-O-L-R-U-S - blog

"P-E-V-O-L-R-U-S"
Kategorya : blog
Blogger : Vajarl
Blog : Vajeegum


Bibigyan kita ng labinlimang minuto para matapos basahin ang akdang ito AT hulaan ang mahiwagang 8-letter jackpot word na mabubuo mo gamit ang mga titik sa pamagat. Timer starts now.

Maraming beses na akong nasabihan na huwag daw akong masyadong mag-isip.

Nakakatuwa na sa panahon ngayon, kung kelan ramdam na ramdam ng karamihan sa atin na kailangan natin ipagsigawan na may laman ang kukote ng mga mamamayan ng ating bansa para lang hindi tayo matandaan bilang isa sa mga bansang may pinakamahihinang mag-aaral sa elementarya sa Science at Math, eh saka naman tayo nagiging mabusisi sa mga mahilig mag-isip.
  
Sabi nila, mas nagiging kumplikado raw ang mga bagay kapag masyado mong pinag-iisipan. Masyado raw nagiging mas magulo kapag masyadong pinag-isipan. Mas natutuloy raw ang mga lakad kapag hindi planado. Oh, Juan Tamad, naaaninag kita sa bawat pangungusap na nabanggit ko. Juan Simple, Juan Makaraos-lang, Juan hindi-ko-kailangan-ng-mas-maraming-impormasyon-sa-nararapat-para-mabuhay.

P-L-U-S. PLUS. Four-letter word. 1 point.
  
Noong bata ako wala akong pinipiling laruan. Patok naman lahat sa’kin.

Maniniwala ka bang natuwa akong maglaro ng mga manikang papel? Malamang oo. Halika rito, isasama kita sa bilang ng mga mapanghusgang usisero na nagliliwaliw sa kamaynilaan. Biro lang.

Maniniwala ka bang natuwa akong maglaro ng malaking kotseng de-baterya, de-remote, at may tunog tunog pa? Malamang hindi, pero nung naregaluhan ako nung bata ako isa ‘yun sa mga kinatuwaan kong laruin ng tunay at wagas.

Teks, bola, bangkang papel, chinese garter, water gun, kung anu-ano. Mapagpatol ako sa laruan. Hindi ako namimili noon kahit gawa pa yan sa tansan. Masaya ang buhay bubwit-batang-makulit ko. Hindi ako naniniwala sa laruang pambabae at panlalake. Maliban nalang kung matingkad na pink ang damit ng Barbie na ibibigay mo sa pamangkin mong lalake.

Oo, isama nyo ko sa bilang ng mapanghusgang mamamayang nagliliwaliw sa kamaynilaan.

U-S-E-R. USER. Four-letter word. 1 point.

Tumatak sa isip ko na isang araw nung bata ako, naglalaro ako ng puzzle na libre sa karton ng gatas. Dahil nga mapagpatol ako sa lahat ng klase ng laruan. Narinig ko ang Nanay ko sabi nya sa kausap nya, ganun daw ang mga gusto kong laruan. Yung mga kinakailangan mag-isip. Dahil daw matalinong bata ako. Gusto ko raw mga ganon. Ako naman eh nasa sulok lang sabay kunot noo ng konte, dahil hindi ko naman talaga paboritong maglaro ng puzzles.

Oo, nagsisinungaling ako. Hindi ako nag kunot noo. Pero totoong hindi ko naman talaga paboritong maglaro ng puzzles.

Mula noon, pag may nagtatanong sakin kung anong gusto kong laruan, sasabihin ko puzzle. Sasabihin ko dahil gusto ko yung mga laruang ginagamitan din ng isip. At nagsimula lang yan dahil chismoso ako. Nakinig ako sa usapan ng may usapan. Alam nyo yung Self Fullfilling Prophecy? Parang ganon.

Nakakatuwa na kung aalalanin mo yung mga nangyari sa’yo nung bata ka pa, maiisip mong may iilan na nangyari sayo na akala mong maliit na bagay lang, na hindi katanda tanda, na humulma kahit papano ng pagkatao mo.

S-L-O-P-E. SLOPE. Five-letter word. 2 points.

Kung iisipin mo, nung bata ka, malamang ang tingin mo sa laruan ay laruan lang. Nung bata ka, mas simple ang tingin mo sa mga bagay. Pwedeng may paborito kang laruan na iiyakan mo ng ilang linggo pag nasira, pero hindi ka mahihirapan maghanap ng bagong paboritong laruan kung halimbawa, dumating ang kaarawan mo at dumalaw ang limang ninong mo na may kanya-kanyang dalang regalo.

Pero kung ang isang, sabihin na nating, hindi na bata; mga nasa edad lampas ng kaunti sa bente, na nagpapahalaga sa isang laruan, kapag nawala yon mas malalim ang sakit. Mas malalim ang pangungulila. Dahil hindi gaya nung bata pa sya, natuto na syang mag laan ng ala-ala, ng pagpapahalaga na sinamahan ng ilang taon na itinago nya yon at iniwasang mawala o masira.

Mas nagiging kumplikado talaga ata kapag tumatanda na tayo. Mas nagiging kumplikado pag tumatagal. Mag isip man tayo palagi o hinde.

R-O-L-E-S. ROLES. Five-letter word. 2 points.

Nung una akong magmahal.. nung una kong natutunang magmahal, sabi nila lahat nalang daw ng bagay binibigyan ko ng kahulugan. Sabi nila dapat matuto akong maglaro kung alam kong pinaglalaruan lang ako. Sabi nila dapat alam ko kung kelan ako pinaglalaruan lang ng sarili kong isip. Kung kelan ako pinaglalaruan na ng pagkakataon.

Pero hindi naman kasing simple nalang ng pakikipagpalit ng mas makinis na tansan ang pagtitimbang kung kelan ka tama at mali kung ang pinag-uusapan na eh pag-ibig.

Sabi nila kung mabibigo ako, wag akong masyadong mag-isip tungkol sa ikinabigo ko. Ako rin daw ang malulugmok.

Sabi ko sa kanila balikan nalang nila ako kapag dumaan na sila sa tinulay ko at masasabi nila, ng tunay at wagas sa nuknukan ng Pulmunary Artery, Pulmunary Vein, Superior at Inferior Vena Cava ng mga puso nila, na kaya nilang hindi mag-isip, mag tanong, at paulit-ulit na mag usisa sa dahilan ng pagkabigo nila.

L-O-V-E-R. LOVER. Five-letter word. 2 points.

Kung isang malaking playground ang buhay, iisipin kong bawat tao ay parang laruan. Laruan na mabubuo gamit ang pinagsama samang taon ng mga natutunan nila sa buhay at mga maliliit at malalaking desisyon na nagawa nila. Mga aksidenteng natutunan nila. Mga aksidenteng narinig nila na pinaniniwalaang sila tapos naihalo na nila sa gugustuhin nilang maging sila. Ang lahat ng yan, pag pinagsama-sama, pwede na silang magpabenta, magpalagay sa museo, o magpaligaya ng marami pang laruan na nagsisimula palang buoin ang sarili nila.

Pwede mong piliin maging laruang gawa sa papel na mas nangangailangan ng pag-iingat kumpara sa iba.

Pwede mong piliin maging isa sa mga laruan na hindi lumalabas sa kahon— maliit ang mundo  pero mas tumataas ang halaga habang tumatagal.

Pwede mo ring piliin maging laruan na de-baterya. Ikaw na rin ang pipili kung ano ang baterya mo. Ang pagkukunan mo ng lakas. Ang magbibigay sayo ng lakas para kumilos. Kung naniniwala ka sa Diyos, pwede mo s’yang gawing baterya. Pwede namang ang pamilya mo, mga kaibigan, kasintahan, kahit alagang aso. Walang masama, ikaw ang bubuo sa sarili mo. Ang mahalaga eh kung pipiliin mong maging laruang de-baterya, hindi ka mawawalan ng pagkukunan ng lakas. Hindi madaling mabuhay sa playground. May mga batang maingat, pero meron din namang magaspang maglaro na pwedeng maging dahilan ng mga gasgas mo. 

Huwag na huwag mong papabayaan na mawawalan ka ng pagkukunan ng lakas.

Kung iisipin mong mabuti, masasabi mo sa sarili mo na hindi naman lahat ng kumplikado, hindi maganda.
At kung  nag-iisip ka pa rin kung ano ang mahiwagang 8-letter jackpot word, tigil na. Pinaglalaruan lang kita.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment