RSS

Papa, Superhero na ba ako? - blog

"Papa, Superhero na ba ako?"
Kategorya : blog / freestyle
Blogger : Ro Anne

(Bang)
Nagmulat ang aking mga mata kasabay nang pagbilis sa pintig ng puso ko. “Saan kaya yun?” Tanong sa isip na nabulabog mula sa pagkahimbing ng tulog.

“Hindeeeeeee!!!!”

Napabalikwas akong tumayo nang marinig ko ang sigaw ni Mama. Malakas na sigaw na hindi mawari ang pighating pinagdadaanan. Mas bumilis ang tibok ng puso ko na parang nag-uunahang dumaloy ang mga dugong naalimpungatan sa iyak ng ina.

“Ma? Mama?” Sambit ko habang bumababa sa madilim na hagdan. Takot akong naglakad patungo sa ilaw na kung saan nakikita ko ang isang lalaking may hawak na baril na nakatayo na animo’y estatwa na hindi makakilos at si Mama na umiiyak tangan ang aking kapatid na balot sa sarili niyang dugo.

~ o ~

“Ate nasubukan mo na bang buksan ung kabinet ni Papa na madaming laruan na action figures?”

“Hindi, kabilin-bilinan kasi ni Mama na wag na wag daw yun gagalawin kasi simula pa daw bata si Papa koleksiyon na niya yun.”

“E hindi naman umuuwi si Papa, malalaman ba niya na pinaglalaruan natin yun? Sayang kasi. Alam mo minsan nga naaawa na ako sa kanila, alam mo yung pakiramdam na parang ibon na hindi makalipad. Gusto ko silang tulungan makatakas.”

Dalawa lang kaming magkapatid sa isang umaalog na tahanan. Hindi ko masabi na masaya ang aming pamilya. Si Mama lang kasi ang nakakasama namin. Si Papa madalang umuwi, sundalo kasi siya. Sabi ni Mama kailangan daw siya ng bayan. Siguro kaya madami siyang superhero action figures kasi simula pa nung kabataan niya pinangarap na niya maging bayani. Minsan naisip ko buti pa yung mga laruan niya nakakasama namin, ung tunay naming bayani, wala sa tahanan.

“Madami ka namang laruan, bago pa nga yung robot na bili sayo ni Mama.”

“E ate, iba yung nasa kabinet na yun! Kahit siguro ung mga kaklase ko hindi nila kilala yung mga yun. Palagi ko nga yun binibida sa mga kalaro ko kaso ayaw naman nila ako paniwalaan, wala kasi akong maipakita. Puro kwento lang daw ako.” Napansin ko ang lungkot sa mata ni Nico.

Sa isip ko, kung gaano kalapit ang puso ni Papa sa mga laruan niya, ganun naman kalayo ang loob niya sa kapatid ko, sa akin… sa amin. Kaya siguro lumaking walang matibay na sandalan si Nico. Palaging nag-iisa, tahimik at madalas pinagkakaisahan ng mga kaklase. Halos wala kasi siyang naka-gisnang ama sa tahanan. Paano nga naman kami magkakaroon ng ama sa tahanan, hindi naman kami ang tunay na pamilya.

“Hay Nico, madami ka pang dapat malaman.” Pabulong na sabi sa kapatid na nakatulog sa aking hita habang sinusuklay ng aking mga kamay ang malambot niyang kulot na buhok.

Isang araw habang nagbabasa ako ng aklat at tahimik na naglalaro si Nico, napukaw ang aking tingin nang bigla siyang tumayo at lumapit sa salamin ng estante. May binulong ito sa mga laruan. Nilapitan ko siya at sinabing, “Sino kausap mo?”

“Hmm… Wala ate, bakit?”

“Wala naman. Tara, laro tayo.”

“Sige!”

Pasulyap-sulyap si Nico sa lagayan ng mga laruan habang nakikipaglaro sa akin. May kakaibang ngiti sa kanyang mga labi sa tuwing mapapadaan ang kanyang mga mata sa mga ito. Sinisilip ko rin nang patakas na tingin kung ano ang meron dito. Pero tanging siya lang ang nakakakita sa kung anong hiwaga ang mayroon sa kabinet.

Nagpatuloy ang pananahimik ni Nico sa isang sulok malapit sa mga laruan. Hawak nito ang bagong robot na nagiging sasakyan. Ngunit patuloy rin ang sulyap nito sa mga laruan na nasa kabinet ni Papa.

“Mamaya na, nandyan pa si Ate. Baka isumbong ako kay Papa.”

“Hindi naman siya nakatingin. Halika na!”

“Mamaya na!”

“Akala ko ba gusto mong maging superhero tulad ng Papa mo? Tutulungan ka namin, buksan mo lang itong kabinet, ilabas mo kami dito… dali…”

“Siguradong makikita ako ni ate, lagot ako kay Papa, lagot ako kay Papa.”

Nagtakip ng tenga si Nico. Umiiling na parang nakikipaglaban sa isip. Muling tumingin sa estante at bumulong, “Mamaya na…”

Matagal ko rin inobserbahan si Nico. Nung una akala ko normal pa ang kanyang kinikilos ngunit paglipas ng panahon, may kakaiba na itong ginagawa.  Isang gabi, marahan akong naglakad pababa ng hagdan upang kumuha ng tubig nang marinig ko ang kapatid ko na kausap ang mga laruan ni Papa. Natigilan ako, naupo sa baitang ng hagdan at pinakinggan ang kanyang sinasabi.

“Ang kulit niyo talaga. Sinabi ko na nga na hindi ko kayo maaring ilabas pag nandyan si ate kasi siguradong isusumbong ako nun kay Papa.”

“E ano naman kung magsumbong siya sa Papa mo, hindi ka naman nun mahal.”

“Mahal ako ni Papa! Mahal ko siya… Mahal ako nun…”

“Kung mahal ka nun, hahayaan ka niya na laruin kami. Kung mahal ka niya, hindi ka mag-iisang naglalaro ngayon. Kung mahal ka niya dapat siya ang kasama mo dito at hindi kami.”

“Sabi ni Mama kailangan siya ng bayan. Katulad niyo, superhero din kaya ang Papa ko! Kaya tulungan niyo na ako maging matapang para pag-uwi ni Papa, maipagmalaki niya ako.”

“Paano ka namin matutulungan kung nakaupo ka lang at nakatitig sa amin? Halika na buksan mo na ang pintong salamin.”

Nung bubuksan na ni Nico ang kabinet, tumayo ako at sinabing “Nico, ‘bat gising ka pa? At bakit mo bubuksan yan? Di ba pinagbilin ni Mama na wag mo galawin yan!”

“Ate, sorry. Wag mo akong isumbong kay Papa. Sorry ate… sorry.” Lumuhod siya sa harap ko at nagmakaawa.

“Nico, sino ba ang kausap mo?” Lumuhod ako at niyakap siya.

“Wala ate…” Hindi pa rin tumahan si Nico at nakatitig lang siya sa mga laruan sa kabinet.

“May gumugulo ba sayo Nico?” Marahan ko na tanong sa kanya.

“Wala ate…”

Niyakap ko na lang siya habang patuloy ang daloy ng luha sa kanyang mga mata. Sandali lamang at nahikayat ko na rin siya na muling matulog. Tinabihan ko ang aking kapatid habang sinusuklay ang kanyang buhok. Napaluha na lamang ako habang inaalala ang mga salitang narinig ko sa kanya.

“Mahal ako ni Papa… Mahal ko siya…”

Parang naging musika ang mga salitang yun sa aking isipan, paulit-ulit na tumutugtog na parang isang malungkot na himig na nagpasikip sa aking paghinga. Ang sakit sa dibdib pigilin ang luha na alam mo na wala kang kakayahang baguhin ang nakaraan at dahil sa musmos na kaisipan hindi ko mawari kung ano ang dapat gawin para matulungan ang kapatid.

Sinabi ko ang nangyari kay Mama. Nag-alala na siya kay Nico kaya tinawagan niya si Papa upang sumaglit kahit sandali sa bahay.

~ o ~

“Buksan mo na Nico, matutulungan ka namin maging superhero.”

“Talaga, paano niyo naman gagawin yun?”

“Oo, magtiwala ka. Nakikita mo ba yung baril sa gilid. Kailangan mo lang pag-aralan gamitin yan.”

“Ito?”

“Oo yan nga… kailangan mo lang yan itutok sa kaaway mo.”

“Ayan… ganyan nga. Idol mo ang Papa mo diba, tama yan.”

Maya-maya pa, may nagbukas ng pinto. Isang lalaki na nakaitim na jacket ang dumating. May narinig itong kaluskos malapit sa lugar kung saan nakalagay ang mga laruan. Tahimik niya itong pinuntahan, kinuha mula sa likod ng damit ang baril, naghanda sa kung anu mang kaaway na kakaharapin.

“Papa…?” Marahang sabi ni Nico nang makita niya ito habang nakatutok sa kanyang Papa ang baril na hawak.

“Nico!” Ibinaba nito ang kamay na may hawak ng baril nang mapag-alamanan na hindi galing sa magnanakaw ang kaluskos na narinig.

“Ganyan nga Nico, tama yan… Idol mo ang Papa mo diba? Iputok mo na!”

“Mahal ko ang Papa ko, hindi siya kaaway!”

“Hindi ka niya mahal, hindi ka niya mahal! Ibigay mo sa amin ang baril... Duwag ka duwag!”

“Mahal niya ako, hindi ko siya kayang saktan!” 

“Hindi ka niya mahal!”

“Nico, ibaba mo yan!” Sabi ng ama na hindi malaman kung ano ang gagawin sa anak.

“Wag Nico! Ang Papa mo ang kalaban mo, siya ang masama hindi kami!” 

“Nico, ibaba mo yan!” Ulit nang nagmamakaawa na ama."

“Papatayin ka nila, hindi ko hahayaang mangyari yun Papa...” 

“Sinong sila, Nico? Tayo lamang dalawa ang nandito.”

“Yung mga laruan mo, Papa...” Iyak ni Nico.

“Iniwan ka ng Papa mo, dapat lang siyang parusahan dahil hindi ka niya inalagaan.”

“Mahal ko ang Papa ko! Mahal ko siya! Wag nyo paguluhin ang isip ko, kayo ang kaaway. Kayo ang masama. Kayo ang gusto maghiwalay sa amin, kayo ang papatayin ko!” Sigaw ni Nico na nakikipag-agawan ng baril sa mga action figures na binuo niya sa kanyang isipan. Hindi alam ni Nico na hindi tunay ang mga ito at tanging gawa lamang ng sariling kaisipan ang eksena na nagaganap. Wala siyang malay na nakatutok sa sarili ang baril dahil ang mga laruan ay siya rin at wala ng iba pa.

(Bang)

“Papa, wala na sila. Superhero na din ba ako?”

~ o ~

Ang eskisoprenya o eskisopreniya  ay isang uri ng pagkabaliw o pagkasira ng isip na kinakikitaan ng paglayo ng taong may-sakit mula sa katotohanan. Kinakikitaan din ang pasyente ng paiba-iba o pabagu-bagong pag-uugali, pag-iisip, at damdamin. Bilang kagusutang pangkaisipan, mayroon ang taong may ganitong karamdaman ng tinatawag na paghahati ng katauhan o personalidad. Sa larangan ng sikyatriya, isa itong diyagnosis ng sakit sa pag-iisip na may katangiang pagkapinsala sa pagkilala o pagpapahayag, pagpapakita, at pagpapamalas ng realidad o tunay na nangyayari. ~ Wikipedia




Ito ay kalahok sa Kategoryang Freestyle - Saranggola Blog Awards 3


  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment