RSS

Pangarap na Laruan - blog

"Pangarap na Laruan"
Kategorya : blog / freestyle
blogger : diwangtanglaw



          Namulat ako sa isang simpleng pamilya. Ang aking Ama ay isang magsasaka at isang butihing maybahay naman ang aking Ina na paminsan minsan at tumutulong din sa mga gawain sa pagsasaka. Sa edad na pito ay marunong na ako ng mga trabaho sa bukid. Nakagisnan ko ang mga gawaing yun sa pagsama-sama ko sa aking Ina sa tuwing maghahatid kami ng pagkain para sa aking Ama na nagkikisaka sa mga marangyang pamilya na may malalaking lupain. Sa murang edad ay maasahan na ako sa pagpapatubig ng maisan. Marunong na rin ako sa pagbibilad ng palay at mais at sanay na sanay na ako sa paglilinis ng damo sa mga pilapil. Alam na alam ko rin ang pagsakay sa baka at kalabaw na siyang ginagamit sa paghahakot ng mga inaaning gulay kapag hindi panahon ng palay at mais. Hindi ko na alintana ang init at lamig kahit na paiba-iba pa ang panahon.

          Ganyan ang nakakagisnang mundo ng karamihang batang katulad ko sa amin. Maagang nababanat ang mga buto para sa mga gawaing makakatulong sa pamilya para kumita ng konting halaga na siyang pagkakasyahin sa pagkain, sa pag-aaral at mga panggastos sa mga iba pang pangangailangan. May kahirapan dahil kailangan talaga ng matatag na katawan para sa mga gawaing pisikal. Pero masaya din lalu na kapag magkakasama kayong mag-anak na nagtutulungan para mapadali ang mga gawain.

          Kahit na ganun ang nakasanayan naming buhay ay masasabi ko pa rin na mapalad pa rin ako kung ihahambing sa ibang bata dahil napag-aaral kami ng aking mga magulang. Yung iba kasi pagkatapos ng elementarya ay hindi na nakakapagpatuloy pa ng sekondarya. Lumilipas ang panahon na bukirin at ang mga gawain dito ang siyang kanilang pang-araw-araw na nakakasalamuha. Kaya kahit na salat man sa mga materyal na bagay ang pamilyang aking kinalakihan, hindi naman matatawaran yung pagpupursige ng aking mga magulang na makatuntong kami ng aking mga kapatid sa iskwelahan. Dahil ang lagi nilang sambit sa amin, para hindi daw namin danasin yung hirap na naranasan nila at huwag daw kaming matulad sa kanila.

          Nakatuntong ako ng 3rd year high school at kabisadong kabisado ko na rin ang paggamit ng kuliglig at pagmamaneho ng traktora. Malaking tulong na sa aking mga magulang kapag nauupahan ako na magbungkal ng mga lupang tatamnan gamit ang mga makinaryang natutunang kong imanipula. Yan ang aking inaatupag pagkatapos ng klase at kapag walang pasok. Gawa na rin marahil ng pagkakaroon ko ng interes sa mga sasakyan, hindi nahirapan ang aking Ama na turuan ako sa mga bagay na ganun. Kaya pala madalas ako na nanunuod sa mga kalsada at kanal na ginagawa dahil sa mga malalaking trak at makinarya na nandun.

           Sa maiksing oras ay nabubuno ko na ang halagang kakailanganin naming magkakapatid sa iskwelahan para sa mga proyekto, pambaon at kung anu-ano pang bayarin. At maliban dun, may pandagdag pa sa panggastos sa bahay. Mas malaki ang halagang kinikita ko tuwing darating na ang panahon ng tag-ulan. Kabikabila kasi ang pagpapatrabaho para sa pagtatanim ng palay. Kaya kahit simpleng salakot at plastik lang na iniwangis sa sando ang butas ang proteksyon sa ulan, kaya kong tapusin ang trabahong sinimulan. Ang lahat ng perang ibinabayad sa akin ay ibinibigay ko sa aking Ina. Sa maagang edad kasi ay naunawaan ko na kung ano ang buhay na meron kami kaya ang bawat pera na maiaambag ko sa aking mga magulang ay alam kong malaking tulong para sa mga gastusin namin. Basta ba hindi mawawala ang masarap na sopas sa merienda at ang mainit na kape na siyang kinagigiliwang merienda tuwing umuulan.




          Nakakuha ako ng kurso sa pagmemekaniko ng mga sasakyan nang maabot ko ang kolehiyo. Ipinangako ko sa sarili ko na pagbubutihin ko ang kursong napili para kapag nakatapos ako ay hindi na kailangan ng aking Ama ang magtrabaho sa bukid. Pero bago pa man maisakatuparan ang mga iyon ay nahinto ako sa pag-aaral dahil ang aking Ama ay nakaranas ng karamdamang ikinahina ng kanyang katawan ng dahil sa labis na trabaho sa bukirin. Bilang panganay, ako ang nagpatuloy ng kanyang mga gawain sa pagsasaka para patuloy na matustusan ang aming mga pangangailangan at para maipagpatuloy ang pag-aaral ng aking mga nakababatang kapatid. Hindi naman kasi kakayanin mag-isa ng aking Ina ang pagtatrabaho sa bukid. At hindi rin naman namin dapat iasa ang lahat ng responsibilidad sa kanya.

          Mahirap ang naturang obligasyon pero dapat kayanin. Pero sa kabila ng hirap na yan wala akong reklamo at pinagsisisihan sa mga nangyari. Dahil ang lahat ng paghihirap na yan ay para sa mga taong mahal at pinahahalagahan ko. Para sa pamilyang humubog sa akin bilang isang mabuting tao. Pamilyang sagana sa pagmamahal at mabubuting pangaral na siyang naging pundasyon naming magkakapatid para maging mabuting indibidwal. Buo ang pamilya, kumpleto, walang alitan, sama-sama at masaya. Simple.

          Kung babalikan ang aking kamusmusan, hindi ko masyadong nabanggit ang paglalaro kasama ang iba pang mga bata. Sa halip na bola ay itak at panggapas ang nakalapat sa aking mga kamay. Sa halip na habulan at takbuhan ay nakababad sa tubig at putik ang mga paa dahil sa pagtatanim. Ang maging madungis dahil sa paglalaro ay napalitan ng bahid ng putik at lupa sa pagsasaka. Ang mga holen at text ay asarol at pala. At ang mga laruang robot at laruang trak ay napalitan ng kuliglig at traktora.  Maaaring hindi na maibabalik ang mga panahon ng aking kamusmusan. At sa totoo lang ramdam ko na naging puwang yun sa akin at mistulang kawalan. Na para bang may kulang sa bahagi ng pagkatao ko na pilit kong pinupunan. Siguro nga kasi hindi ko nasulit yung pakiramdam at hindi ko nasubukang maging isang totoong bata.

          May mga laruan din naman ako nung bata ako. Hindi nga lang kagandahan at maayos dahil kung hindi ko napulot sa kung saan ay mga pinaglumaan mga anak ng may-ari ng lupang sinasaka namin. Ngayong trenta'y-dos na ako, hinding-hindi mo pa rin maalis sa akin ang mainggit sa tuwing nakakakita ako ng mga batang masayang nakakapaglaro. Hindi naman sa hindi ko naranasan ang makipaglaro. Nasubukan ko rin naman yun kahit na papaano pero hindi kasing laya ng mga nakikita ko. Madalas kasi tinatawag na ako agad para gampanan ang mga gawaing alam nila na makakatulong ako. Magkagayun man na nasa ganitong edad na ako, sana dumating din ang araw na makakahawak at makakapaglaro pa ako ng laruang pinangarap ko magmula nung bata pa ako. Ang kaisa-isang laruan na iniyakan ko. Na magmula noon ay hindi pa rin nagbabago ang pagkagusto ko na magkaroon nito...




          Hindi ko man naranasan yung kalayaan ng pagiging bata nung nasa murang edad pa ako, nararamdaman ko naman yung saya ngayong may tatlong anak na ako. Ang kasiyahan ng pagiging bata ay wala sa ganda at mahal ng laruan kundi sa saya ng paglalaro at mga kalaro. Bahagi na ng pagkatao ng bawat isa sa atin ang pagkabata. Ang kasiyahan ng pagiging bata ay hindi nasusukat sa edad o estado sa buhay. Wala itong pinipiling edad. Ang laruan ay isang bahagi lang pero ang tunay na kasiyahan ay nasa puso ng bawat isa sa atin na hindi kayang tumbasan ng kahit ano pa man. Pwedeng-pwede ka maging bata magpakailan man.

~
Tatay Rudy














  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

0 comments:

Post a Comment